May katotohanan kasing natatanaw kay Lloyd. Walang pagpapanggap. Walang bahid ng pagkukunwari na makikita sa bawat ginagawa nyang content. Yung labis na pagmamahal sa magulang nya, pagtulong nya sa mga kapitbahay, pagpapasaya sa mga kaibigan at nakakasalamuha, yung sakit pag nabibigo, yung nararamdaman nyang saya pag natutupad ang pangarap at nakukuha ang mga kagustuhan, tumatagos sa puso ng manonood. Bawat ngiti, sakit, tuwa at lungkot e mararamdaman mo yung katotohanan ng emosyon. Hindi pasikat.

Sa kabila ng pag-angat ng estado ng kanyang buhay ay hindi sya nakalimot sa pinagmulang uri. Bagkus ay niyakap nya ang kanyang komunidad at binitbit kasama ng kanyang mga pangarap. Hindi nang-iwan si Lloyd. Walang iniwan si Lloyd.

Kaya madaling tanggapin maging sa social media ang kanyang pagkatao. Isang iskwater. Isang bakla. Malinaw nyang ipinakita sa buong mundo kung ano ang suliranin ng mga katulad natin. Hindi sya humiwalay sa realidad ng buhay bagkus ay ginamit ang impluwensya upang magbigay ng inspirasyon sa iba. Ginamit ang kakarampot na kapangyarihan upang maging boses natin— upang magsalita laban sa pang-aapi at kawalang katarungan.

Ngunit alam nating hindi perpekto si Lloyd. Tulad ng iba ay may kahinaan.

Sa huli, napagwagian nyang patunayan na hindi lang sya iskwater. Hindi lang sya bakla. May sinasabi ang kanyang pagkatao at pagiging tapat. Nagsikap para magkaron ng bilang sa lipunan. Hindi upang pabulaanan ang suliranin ng karamihan kundi upang ipatanaw ang kakaunting pag-asa.

Kaya mahal ng tao si Lloyd. Kaya marami ang nagluluksa sa kanyang pagpanaw. Dahil hindi man natin aminin, nakikita natin ang ating mga sarili sa kanya— mula sa ngiti, tawa, lungkot at pighati.

Rest in power Kween Lloyd Cafe Cadena. ✊🏻

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here