Sa unang araw ng ekstensyon nito at sa araw ng pagsisimula ng ipinangakong “massive testing” ng gobyerno para masimulan nang matukoy, mahiwalay at magamot ang mga magkakasakit ng COVID-19, nangalampag ang mga mamamayan sa iba’t ibang parte ng NCR para sa ayuda, pagkain, mass testing at serbisyong medikal—mga bagay na hindi pa nakaaabot sa nasa 57 milyong mamamayang naipit sa total lockdown sa buong Luzon.

Natapos na ang isang buwang lockdown ngunit hindi pa nagsisimula ang “massive testing” ng gobyerno kung saan nasa higit 38,000 indibidwal pa lamang ang na-test (43,000 kapag kasama ang re-test) o nasa higit 1,000 test lang kada araw ang nagawa simula ang lockdown. Lumobo ang bilang ng na-test noong Abril 3, mula sa higit 4,000 lang ay naging 16,000 ang inulat ni National Task Force COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, Jr. Doon din inanunsyo ni Galvez na magsisimula ang “massive testing” ng gobyerno sa Abril 14, o ang unang matapos ang orihinal na isang buwang lockdown.  Sinabi ng Department of Health na technical glitch sa website ang naging problema at ang kanilang mga backlog sa mga test.

Hindi pa rin nakukuha ng nasa 80% ng benepisyaryo ang emergency subsidy na P5,000 hanggang P8,000 sa social amelioration program ng gobyerno. Matapos ang isang buwang lockdown, nasa 3.8 milyon sa 18 milyong pamilya pa lang ang nakakuha ng emergency subsidy pagsapit ng Abril 12, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nangangasiwa nito. Target ng DSWD na makumpleto ang pamimigay ng emergency subsidy hanggang sa katapusan pa ng buwan na ito, na kasabay din ng katapusan ng ekstensyon ng lockdown.

Nakiisa ang mga residente mula sa komunidad ng Tondo, Pandacan, Baseco gayundin ang mga manininda sa Luneta at mga manggagawa sa Harbor Centre sa pangangalampag sa gobyerno. Daing nila, gutom na ang kanilang pamilya dahil sa maliit at napakabagal na ayuda ng gubyerno. Panawagan nila na kagyat na ipatupad ang matagal nang hiling ng taong bayan—ang komprehensibong solusyong medikal at mabilis at sapat na ayuda.

 

 

“Dahil sa extension ng lockdown ay extended din ang hirap at gutom ng marami nating kababayan. Patuloy nating ipanawagan na magpatupad na ng solusyong medikal at ibigay ng mabilis ang ayuda bilang hakbang sa pagsugpo sa pandemya. Lalo lamang tataas ang bilang ng namamatay dahil sa pandemya at bilang ng nagugutom habang hindi nagpapatupad ang gubyerno ng komprehensibong solusyong medikal na susugpo sa COVID19,” anang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Manila.

 

 

Kasabay ng kanilang pamamalengke, binitbit ng ilan sa mga residente ng Brgy. Krus na Ligas, Quezon City ang mga Panawagan para sa libreng mass testing, at agarang pamamahagi ng ayuda.

 

 

Nangalampag ang mga frontliner na kawani ng DSWD NCR para sa mass testing, hazard pay at sweldo ng mga MOA (memorandum of agreement) at JO (job order) na empleyado sa gobyerno—ilan sa mga porma ng outsourcing sa gobyerno.

 

Ang ilang residente ng Navotas ay nanawagan para sa bigas, ayuda at kabuhayan.

 

 

Matatapos ang pinahabang total lockdown sa Luzon sa Abril 30.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here