Ang mga manininda o mga sidewalk vendors ay kabilang sa impormal na sektor sa bansa. Marami sa kanila ay hindi na nakahanap ng regular na trabaho kung kaya’y naghanap ng hanapbuhay na mapagkakakitaan. Ang iba naman ay para sa pandagdag panggastos sa bahay, habang ang iba ay nakahanap ng mas matiwasay na pamumuhay kaysa sa mangamuhan bilang kasambahay o manggagawa sa pabrika o industriya. Sila ang sarili nilang ‘amo’ at nakabatay sa kayod nila ang kanilang kita.

Pero hindi madali maging manininda bago pa man tumama ang pandemya sa bansa. Hindi sila kikita kung hindi makakapagtinda. Mas mahirap pa minsan ang kanilang trabaho kaysa sa mga “no work, no pay” kung saan maaaring wala silang kitain kahit sila ay naghanapbuhay sa isang araw, gaya ng mga hindi inaasahang aksidente, pagkalugi o sa mga panahon ng kalamidad.

Dalawang buwan na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at ibinaba naman sa modified ECQ (MECQ) ang buong Metro Manila mula Mayo 16 hanggang 31. Ngunit kahit sa ilalim ng MECQ kung saan nadagdagan ang mga trabahong pinayagan nang magpatuloy ay maraming kabilang sa impormal na sektor ang hindi pa rin kabilang dito.

 

Si Nanay Greta

Labingdalawang taon nang nagtatrabaho si Nanay Greta bilang manininda sa Luneta o Rizal Park sa lungsod ng Maynila. Ito ang pinapangtaguyod niya sa kaniyang pamilya. May dalawa siyang anak na parehong nag-aaral. Sapat lang ang kinikita niya sa araw-araw nilang pagkain at iba pang gastusin ng kanyang mga anak sa pag-aaral. Kaya noong magpatupad ng lockdown ay hindi malaman ni Nanay Greta kung saan kukuha ng pangbibili ng kanilang pagkain sa araw-araw.

“Gutom lang ang nadulot sa’min ng lockdown na ito e, ang bilis niyang nakuha ‘yung [additional] power niya, pero napakabagal ng pagbibigay ng ayuda sa mga tao,” ani Nanay Greta.

Noong March 24 ay nabigyan ng “additional powers” si Pangulong Duterte na magpapahintulot sa kanya na magpalit ng paglalaanan ng daan-daang bilyong pondo mula sa pambansang badyet para sa pagtugon sa COVID-19.

Ayon kay Nanay Greta, dalawang beses pa lang sila nakakatanggap ng food packs sa loob ng dalawang buwan. Hindi sapat para sa kanilang buong pamilya.

“Sabi kailangan malakas resistensya para malabanan ang virus, pano mangyayari e lagi kang gutom ang binibigay na relief ay hindi masusustansiya, kulang pa,” diin ni Nanay Greta sa tanong kung ano ang ginagawa nila para hindi madapuan ng sakit na COVID-19.

 

Si Nanay Marissa

Matagal na ring nagtitinda si Nanay Marissa sa kahabaan ng Padre Faura sa Maynila. Wala nang asawa si Nanay Marissa at kasama niya sa kaniyang bahay ang kaniyang anak at mga apo. Tumutulong siya sa pagpapaaral dito. Ginagamit niya rin ang kinikita niya upang may maipangdagdag pambili sa iniinda niyang breast cancer. Madalas ay kulang pa ang kita niya para sa maraming gastusin nila araw-araw kaya noong magpatupad ng lockdown ay wala talaga silang naipon na pinansyang tutustos sa kanilang pamilya.

“Naku sobrang hirap talaga, gutom talaga ang nararanasan namin. Umaabot rin sa nangungutang na rin ako sa mga kakilala para may maipangbili kami kapag kinukulang ang binibigay nila,” ani nanay Marissa.

Pito silang lahat na nasa bahay ni Nanay Marissa. Ayon sa kanya, nakakatatanggap naman sila ng mga relief packs ngunit kulang ito sa kanilang pamilya.

Hindi rin nakabilang sa programang P 8,000 kada pamilya na Social Amelioration Program (SAP) ng sila Nanay Marissa. Sinubukan niya ring mag-apply ng ayuda DOLE, ngunit hindi rin siya natanggap.

“Sana ay gumawa na sila ng paraan para matapos na ito at makabalik na kami sa pagtitinda,” ang mensahe naman ni Nanay Marissa sa mga otoridad.

 

Si Nanay Jessica

Manininda rin si Nanay Jessica sa kahabaan ng Padre Faura. Ito rin ang pinangtatawid niya sa kaniyang pamilya sa araw-araw.

May natatanggap daw na ayuda ang pamilya ni Nanay Jessica. Napagkakasya naman daw niya ito, ngunit may iba pa talagang bayarin kaya’t kailangan pa rin ng mapagkukunan ng pera.

Bagaman gusto na ring bumalik ni Nanay Jessica sa pagtitinda ay matindi naman ang kanyang pangamba sa kanyang kalusugan. Kundi mga kapulisang nagtataboy sa kanila tuwing nagtitinda sila ang kanyang iisipin ay ito namang mahawa sa virus ang kanyang aalalahanin.

“Matindi itong virus e, hindi natin nakikita, mahirap na kalaban. ‘Yung mga pulis matatakbuhan mo ‘pag nakita mo e,” pagkukumpara ni Nanay Jessica.

Kaya mahigpit na nanawagan si Nanay Jessica na magdaos ang pamahalaan ng mass testing upang matukoy at maihiwalay na ang mga maysakit at makita ang tunay na kalaban.

 

Pananagutan ng pamahalaan

Galit na ang grupong United Vendors Alliance (UVA) sa pambansang gobyerno dahil sa kapalpakan umano nitong resolbahin ang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Joel Miralpes, tagapagsalita ng UVA, malinaw na hindi handa ang pamahalaan sa ganitong krisis pangkalusugan. Kitang-kita umano ito sa mabagal na aksyon at palpak na mga desisyon para sa mamamayan.

“Lantad na lantad ang kabulukan at pagiging kurakot ng pamahalaan ni Duterte. Bukod sa mabagal na ayuda, hindi pa lahat ay nabibigyan, at kulang pa ang mga ito para sa isang pamilya,” diin ni Miralpes.

Pamahalaan na mismo ang nag-ulat ng maraming anomalya sa pamamahagi ng SAP sa pulong kasama si Duterte noong maghahatinggabi ng Mayo 19. Bukod dito, sinisimulan na rin ng Senado ang imbestigasyon sa mga ‘overpriced’ na mga binili ng pamahalaan gaya ng mga personal protective equipment (PPE), testing kit at mga testing lab.

Ayon din kay Miralpes, hindi sila tinanggap sa mga cash assistance program ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bagaman nagpasa sila ng aplikasyon para sa mga ito.

“Hindi kami nakatanggap ng anumang cash assistance na inalok ng gobyerno. Kami na nga ang pinakamahirap, kami pa ang hindi nakatanggap at hindi nakapasa sa rekisito nila,” lahad ni Miralpes.

Nananawagan ang UVA ng ayuda para sa lahat at malawakan at libreng testing para mabilis ding mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at makabalik na sa kani-kanilang hanapbuhay ang mga manininda.

 

Pagtataboy sa mga manininda bago ang lockdown

Mula pa noong nakaraang taon, masalimuot na ang naging buhay ng mga manininda. Sa utos ng pangulo at sa atas ng ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular 2019-121 sa mga lokal na pamahalaan na linisin ang mga kalsada sa loob ng 60 na araw upang mabawasan daw ang trapik kapag luminis ang mga bangketa. Naging marahas at walang-awa ang pagtataboy at pangunguha sa mga paninda ng mga sidewalk vendors sa buong Kamaynilaan na walang inihain na alternatibong hanapbuhay para sa kanila ang pambansang pamahalaan.

Hindi pa tuluyang nakakabawi mula sa mga nasirang paninda at nawalang puhunan ay sinundan naman ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa, hanggang sa mapasailalim ang buong Kamaynilaan sa lockdown o ECQ> Sa ilalim nito, itinigil ang halos lahat ng trabaho at mahigpit ang pagpapatupad ng pananatili lamang sa bahay. Kasama sila sa maraming nawalan ng hanapbuhay sa panahong ito.

Ayon sa 2017 Labor Force Survey, nasa 15.6 milyong Pilipino (o nasa 38% ng mga manggagawa) ang naitalang kabilang sa impormal na sektor. Nasa ikatlong bahagdan din ng kita ng bansa ay nanggaling sa sektor na ito—bukod sa vendor, mga jeepney driver, tricycle driver, kasambahay at mga ‘di sahurang kapamilyang manggagawa.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here