“Walang hustisya ang pangulo”, ani Tin, mula sa College of Arts and Sciences (CAS) ng Lyceum of the Philippines University o LPU.

Higit dalawang buwan na ang nakararaan nang isailalim ang Metro Manila sa lockdown. Dalawang buwan na ang nakararaan, ngunit nababahala ang maraming mga estudyante na wala pa ring konkretong plano ang pamahalaan at dama nila ang epekto nito sa kanilang buhay sa pag-aaral at sa bahay.

Magmula nang ipatupad ang “Enhanced Community Quarantine” ay wala pang natatanggap na ayuda ang pamilya ni Tin. Gigising sa umaga, tagaktak ang pawis, at dadatnan na mainit ang tensyon sa pagitan ng mga magulang—parehong walang trabaho. Samakatuwid, wala silang mapagkukunan ng panggastos sa pagkain at sa iba pang bilihin, na sinabayan pa ng sangkatutak na requirements sa unibersidad. Kaya tingin niya gaya at mas maraming estudyante, hindi makatwiran ang patuloy na implementasyon ng “self-paced learning” ng administrasyon ng LPU, kasabay ng hindi pagdinig sa panawagan ng mga Lycean ng “mass promotion”, o ang pagbibigay ng pasadong marka sa lahat ng mag-aaral at pagpapahinto sa pasahan ng requirements.

Si Guila, mula rin sa CAS na ang tanging ayuda na nakuha ay ang isang libong ipinamahagi ni “Yorme”, ay hindi sigurado kung dapat bang magpasalamat sa inabot ng sitwasyon nila. Tanging ayuda iyon sa pamilya niya ang kanyang lubos na naramdaman. Siya’y mag-isa sa bahay nila noong magsimula ang ECQ at mukhang mapapahaba pa.

Si Pat, mula sa College of International Relations, ay hindi na kinakaya ang pressure sa dami ng requirements, at aniya’y naaapektuhan na rin ang kanyang mental health.

Hiling din niya, “Sana naman may refund ang tuition, hindi naman porke sa Lyceum nag-aaral, eh mayaman agad. Kami naman ang unahin niyo.”.

Si Aaron, mula sa College of Business Administration (CBA), ay sapat ang nakukuhang ayuda mula sa gobyerno. Refund ng matrikula din ang sigaw,

Aniya, “Hindi naman nagagamit ang pasilidad ng unibersidad kasi online classes ang ipinatutupad.”.

Iilan lamang ito sa napakaraming dagok na kinakaharap ng bawat estudyante sa ilalim ng ECQ.

Makatwiran lamang para sa mga mag-aaral na ito na tugunan ng administrasyon ng LPU ang kanilang mga hinaing, gayundin ng iba pang myembro ng komunidad ng paaralan. Dahil hindi naihihiwalay ang laban ng mga mag-aaral sa laban para sa kabuhayan at kalusugan ng mga propesor at manggagawa ng unibersidad.

Bagama’t naipanalo ng mga Lycean ang kanilang panawagan laban sa pagtaas ng matrikula sa susunod na pang-akademikong taon, humihingi ang LPU Central Student Government ng patuloy na suporta sa kanilang isinusulong na panawagang mass promotion.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here