“Paano kami uuwi e wala na kaming bahay?” saad ng isang kabataan sa mga kapulisang pilit silang tinutulak at pinauuwi sa kanilang kabahayan.
Aabot sa 50 kabataaan at kananayan ang lumahok sa isinagawang kilos-protesta sa harap ng Pasay City Hall noong Agosto 2. Sila ay mga residenteng apektado ng demolisyon sa Donald Compound sa FB Harrison St., Pasay City mula pa Agosto 1.

Pinabulaanan naman ni Kyle Lura ng Kabataan Partylist National Capital Region ang sinasabing “peaceful dispersal” na isinagawa ng Pasay City Police (PCP) sa pangunguna ni Pcol. Samuel Pabonita.
“Sila nga ang nanunulak. Nakikipagusap kami dahil mapayapa naman ang isasagawang protesta. Tinupad naman namin yong usapang umakyat sa gutter ang mga magpprotesta, pero pagkaayat ay dinidisperse sila,” ani Lura.
Makikita sa kuhang live footage sa Facebook ng Manila Today ang ginawang panunulak at pambubuyo ni Pabonita sa mga hawak na streamers ng mga residente lakip ang kanilang mga panawagan.
“Emi Calixto, harapin mo kami!” sigaw ng mga residente.
Ayon kay Lura, hindi rin makatao ang paggamit at pagpapakita ng malalaking armas sa mga kilos-protesta. Hindi rin totoo na ilan lamang ang kapulisang pilit na nagdidisperse sa hanay ng mga nagsagawa ng protesta.
“Sa protesta, bawal magpakita ng malalaking baril pero naglabas talaga sila ng mga baril. May SWAT nga ro’n,” dagdag ni Lura.
Kuha rin sa live footage ang panunulak sa midya na nagdodokumento sa protesta.
Maririnig na sinabi mismo ni Pabonita na “Anong midya? Hindi kayo midya, estudyante kayo!” sa kabila ng pagpapakita ng reporter ng ID nito.
Palayain si Benedict Macabenta
“Illegal arrest talaga ang ginawa kasi makikita naman sa video na tinapakan talaga si Benedict sa likod at marami siyang natamong galos,” ani Lura.
Bahagi si Lura sa naging imbestigasyon nang damputin si Benedict Macabenta habang nakikipagnegosasyon itong itigil ang nagpapatuloy na clearing operation sa Donald Compound noong Agosto 3. Kasama ni Macabenta ang tatlong indibidwal nang siya ay damputin ng mga armadong pulis.
“Noong nandoon na kami sa station. Pinapirma yung apat (Macabenta kasama ang mga paralegal) sa blangkong medical certificate, hindi rin naman chineck-up. Ang mas pinag-initan talaga nila ay si Benedict,” ani Lura.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, sinampahan ng kasong direct assault si Macabenta mula sa complainant niyang si PO1 Abel Ambularyo.
“Sa buong pag-uusap namin, dinedelay talaga nila hanggang maprint lang ‘yong isasampa kay Benedict. Talagang idinidiin nila ang kasong direct assault kasi sinuntok daw ni Benedict yong complainant. Pero nung tiningnan namin ang itsura, wala namang galos at nagpakita lang ng gasgas sa sapatos,” banggit ni Lura
Igiit ang karapatan ng mga kabataan
“Nakakalungkot na sa pag-uwi ng mga kabataan galing eskwela, first day of classes talaga iyon ay wala silang tirahan. Nangangamba sila na tuluyan nang hindi sila makapasok sa paaralan,” pagbabahagi ni Lura.
Higit 500 residente ang apektado ng tuloy-tuloy na demolisyon sa Donald Compound. Karamihan sa mga nakatira rito ay mga kabataang nasa edad walo hanggang 20.
“Illegal ang demolisyon kasi wala namang konsultasyon na naganap. Dapat haharap si Megaland, e hindi ito humarap,” ani Lura.
Batay sa Presidential Commission for the Urban Poor, kinakailangan ang paglulunsad ng pre-demolition conference (PDC) bago maganap ang demolisyon o pagpapaalis.
Sa ilalim ng Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act ng 1992, kinakailangan ang PDC bilang konsultasyon o pakikilahok ng mga “program beneficiaries” o mga apektadong residente upang mapakinggan at makalahok sa proseso ng pagdedesisyon hinggil sa mga usaping may kinalaman sa proteksyon at pagkilala sa kanilang karapatan. Ngunit walang isinagawang PDC sa Donald Compound.
Ayon kay Lura, dapat makiisa ang mga kabataan laban sa mga harassment dahil maari rin itong mangyari sa iba.
“Lubos na lumalabag ang Pasay City LGU, sina mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga karapatang aming ipinaglalaban. Ang kailangan ng mga residente, ng mga kabataan ay temporary shelter dahil mahirap naman na nakatira sila sa lansangan na para bang mga pusa na pinabayaan. Kung kaya’t mainam ma makiisa ang mga kabataan at tumungo sa lansangan nang makita ang tunay na larawan ng ating lipunan,” ani Lura.
Noong Agosto 2 rin ay nagsumite ng liham ang mga residente para idulog sa Pasay LGU ang pagbibigay sa mga apektadong residente ng agarang temporary shelter at pagkakaroon ng in-city relocation.




























