Naglunsad ng isang lunch break picket protest ang mga manggagawang pangkalusugan ng Jose Reyes Memorial Medical Center noong January 31, upang kondenahin ang Department of Health (DOH) sa pagtapyas sa kanilang mga benepisyo bilang frontliner sa pandemya sa One COVID-19 Allowance.

Iginiit ng mga manggagawa na isang lantarang pambabarat ang pagpapatupad ng DOH sa One COVID-19 Allowance dahil tuluyan na nitong tatanggalin ang iba pa sanang mga benepisyo na matatanggap nila tulad ng Special Risk Allowance (SRA) at active hazard duty pay (AHDP), meal, accommodation at transportation (MAT) allowance.

Ayon sa grupo, kapag naipatupad ang One COVID-19 Allowance, magiging klasipikado na lamang ang benepisyong matatanggap ng mga healthworkers mula P3,000 para sa mga low-risk exposure, hanggang P9,000 naman para sa mga high risk exposure sa COVID-19.

“In this time of pandemic, it is logical that all health workers in hospitals and other health facilities are considered on high-risk exposure with COVID-19. It is not fair to set a classification in providing risk allowance. We demand that all health workers will be equally provided with the allowance,” pahayag ni John Paul Gubaton, Vice President ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-Alliance of Health Workers.

Iginiit din ng mga mga mangagawa ng Jose Reyes Memorial Medical Center sa administrasyon na gawing P15,000 ang buwanan nilang SRA kaugnay na rin sa panganib at hirap na dala ng kanilang trabaho ngayong panahon ng pandemya.

Matatandaang nauna nang inihayag ng Department of Health (DOH) sa isang press statement na ang SRA at active hazard duty pay ng mga health workers ay papalitan ng One COVID-19 Allowance na ayon sa ahensya ay mas komprehensibo at mas madaling makatugon.

Ngunit ayon sa mga healthcare workers, isa itong malinaw na representasyon ng pagtakas ng DOH sa kanilang responsibilidad na ibahagi ang mga nararapat na benepisyo at allowances ng mga manggagawang pangkalusugan na dapat sana’y naibigay na noong Bayanihan 2 pa.

“DOH still owes us 70% of our meal, accommodation and transportation benefit. The implementation of [One COVID-19 Allowance] will further reduce our much-deserved COVID-19 benefits. Besides, DOH never consulted us on this matter as beneficiaries of this benefit,” ani Gubaton.

Bukod sa pagtutol sa pagpapatupad ng One COVID-19 Allowance, patuloy pa ring pinapanawagan ng grupo ng mga manggagawang pangkalusugan sa pamahalaan at sa ahensya ng DOH na ibasura ang shortened quarantine period. Isinusulong din nila ang mass hiring sa mga permanenteng healthcare workers at ang agarang pagbibigay ng nararapat na benepisyo at allowances.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here