Matagumpay na naglunsad ng protesta ang hanay ng mga drayber at operator sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) noong Enero 25 sa harap ng opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ipanawagan ang kanilang pagtutol sa polisiyang “No Vaccine No Ride”, jeepney phaseout, patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, at iba pang mga polisiyang nagpapahirap lalo sa mga drayber at operator.

Nanawagan sila na itigil na ang mga “hindi makataong” polisiya ng gobyerno.

Mariing tinututulan ng grupo ang Department Order No. 2022-001 o ang “No Vaccine, No Ride” policy na ipinatupad ng administrasyon dahil sa umano’y malinaw na paglabag nito sa karapatang pantao ng mamamayan at patuloy na diskriminasyon sa mga manggagawa at mga mahihirap.

Ayon kay Mody Floranda, pambansang pangulo ng PISTON, marami pang mga mamamayan ang hindi nababakunahan o nakatatapos ng pagpapabakuna dahil na rin sa mga problema sa kakulangan ng bakuna o mga suplay panturok, mabagal na rollout o deployment sa malalayong lugar.

Aniya, boluntaryo ang pagpapabakuna at hindi pwersahan ayon na rin sa RA 11525 o ang “COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.”

“Ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao dahil ang bakuna ay voluntary, hindi dapat pwersahan. Ang nagsu-suffer dito ay ang mga mamamayan dahil nawawalan sila ng kabuhayan, lalo kung kontrakwal at no work no pay. Walang batas na nagsasaad na required ang pagpapabakuna,” ani Floranda.

Dagdag pa ni Floranda, ginawa ring negosyo ng mga awtoridad ang panghuhuli dahil sa napakalaking multa na kaakibat ng “No Vaccine, No Ride” na polisiya ng administrasyon.

Aniya, base sa mga report at reklamo na natanggap nila, umaabot umano ng P5000 ang multa sa mga tsuper na mahuhuling hindi pa bakunado o maski ang mga isang dose pa lang ng bakuna ang nakukuha.

“May kaakibat din itong napakalaking penalty, unang huli ay P5000 agad. Masakit ang P5000 dahil saan ito kukunin ng mga ordinaryong drayber, lalo kung ang kinikita lamang nila ay P300 lang sa loob ng 12- hanggang 16 oras na pagpasada. Talagang bumubulusok ang kabuhayan ng public transport, tuloy tuloy na,” dagdag ni Floranda.

Nakiisa rin ang grupo sa panawagang mass testing, aggressive contact tracing at mass vaccination dahil, anila, ito ang dapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno at hindi ang patuloy na pagpapahirap sa mga mamamayan na nais lamang maglingkod at maghanapbuhay.

“Mariin naming panawagan na bilisan ang mass testing at contact tracing at mas pagigihin pa ang mass vaccination dahil ito dapat ang inuuna ng administrasyon kung talagang nais nilang matapos na itong pandemya. Ang public transport ay katuwang ng estado, hindi naman kalaban,” ani Floranda.

Pagpapatigil sa Jeepney Modernization Program

Muli ring ipinanawagan ng grupo ang pagpapatigil sa Jeepney Modernization Program ng gobeyerno. Tinawag nilang “peke” ang modernization program at ginagawa lamang itong kabuhayan ng gobyerno imbis na ang layunin dapat ay mas pagbutihin at ayusin ang sektor ng transportasyon sa bansa.

Iginiit ng grupo na muli silang ginigipit ng gobyerno matapos sabihing hanggang April 2022 na lamang papayagang pumasada ang mga tradisyunal na jeepney. Tutol nila, ginagamit din ng gobyerno ang pandemya upang tuluyang iphaseout ang mga jeepney at pwersahin silang pumasok sa kooperatiba.

“Talagang tuwiran na ginagamit ng LTFRB ang pandemic na ito para sa agarang pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeepney. Ang sabi nila, dapat daw ay hanggang April 2022 na lamang ang pagpasada ng mga jeep na hindi papasok sa kooperatiba. Baka ang kailangan gawin ng ltfrb, tumulong sila sa mass testing at mass vaccine kaysa pahirapan ang ating mga drayber at operator,” ani Floranda.

Patuloy na pagtaas ng presyo ng langis

Panawagan din ng mga drayber at operator na ibasura na ang mga batas na lalong nagpapataas sa presyo ng produktong petrolyo, lalo’t nakaranas na naman ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng langis ngayong buwan ng Enero.

Ayon sa grupo, nakaka-apat na pagtaas ng presyo agad ngayong buwan ng Enero kung saan pumalo sa P1.80 per liter ang dagdag sa presyo ng diesel, at P1.20 naman sa presyo ng petrolyo at langis.

Dahil sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, sinusulong ng grupo na dapat lamang na ibasura na ang Oil Deregulation Law na nagbigay-laya sa mga malalaking kumpanya na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng langis.

Sinusulong din nila ang pagtatanggal sa 12% E-VAT sa langis at ang excise tax na kinukubra ng gobyerno para mabilis na bumaba ang presyo ng produktong petrolyo at mabigyan ng agarang kaluwagan ang mamamayan kaugnay sa mataas na presyo ng langis na nagdudulot din ng pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.

“Hindi namin maintindihan kung bakit hinahayaan ng gobyerno na patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Imbis na makatulong ang gobyerno, lalo lang nila kami pinapahirapan. ‘Pag nawala nang tuluyan ang public transpo, babagsak ang ekonomiya,” ani Floranda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here