“Kami po ay nababahala nung nabalitaan namin ‘yung mga dinampot na bata at kahapon ay sinabi sa amin na may nabugbog na bata na nasa pagkakalinga ng Bahay Aruga,” pahayag ni Department of Social Welfare Development (DSWD) Undersecretary Malou Turalde sa mga residente ng Floodway sa Barangay Sta. Lucia, Pasig.

Ang mga tinutukoy na bata ay ang 10 menor de edad na naaresto noong Agosto 31 sa pagbuwag ng barikada.

Nakipagdaupang-palad sina Usec. Turalde at Gabriela Women’s Partylist Representative Arlene Brosas noong Setyembre 3 sa mga residenteng apektado ng marahas na dispersal at tangkang demolisyon.

“Sa nabalitaan po namin, itong mga batang ito kasama ang mga magulang noong dinampot, at hindi malinaw kung ano ang asunto. Ang binabanggit lang po, nag-illegal assembly at nag-assault,” dagdag ni Turalde.

Nagsampa ng reklamo ang mga pulis laban sa mga mga batang nahuli na nasa edad 15 hanggang 17 ang kaparehong mga kasong isinampa laban sa 31 hinuling may sapat na gulang. Wala namang reklamong isinampa sa isang 12 taong gulang at isang 13 taong gulang na mga bata, pero dinetine pa rin ang dalawa sa Bahay Aruga.

Araw-araw nagpapabalik-balik mula Agosto 31 ang mga magulang ng mga bata para maibalik sa kanila ang mga anak, alinsunod sa nakasaad sa Revised Rule on on Children in Conflict with the Law.

Matapos ang konsultasyon sa mga residente, tumungo si Usec. Turalde at si Rep. Brosas sa Bahay Aruga kung saan naka-detine ang mga bata. Pakay nilang malaman ang kalagayan ng mga ito at beripikahin maberipika ang ulat ng pambubugbog sa isang bata na ipinaabot sa pamamagitan ng paralegal worker at abugado nito noon pang Agosto 31, araw na sila’y nahuli, at Setyembre 1, sa kanilang inquest proceedings.

Ang Bahay Aruga ay isang pasilidad sa pangangasiwa ng Social Welfare Office ng Lungsod Pasig para sa mga naabuso, pinabayaan at iniwang mga bata, gayundin ang mga lumabag sa batas na menor de edad.

Nagpakilala ang dalawang opisyal ng pamahalaan sa security guard at mga staff na humarap sa kanila, pero hindi sila pinapasok sa gate.

Una munang hinanapan sila ng ID ng guwardiya. Nagpakita ng ID si Usec. Turalde at inakalang papapasukin pagkatapos noon, pero hindi pa rin sila pinapasok. Tiningnan lang ang ID at kinuha ang pangalan niya. Tila iniulat ito sa loob ng bahay, bago nagkaroon ulit ng bagong tanong, aksyon o proseso.

Kasunod naman nito ay hinanapan sila ng permit ng guwardiya, na nagsabing hindi pwedeng pumasok kung walang permit. Tinanong ni Brosas at Turalde kung sino ang nanghihingi ng permit at saan dapat manggaling ng permit. Hindi naman nakasagot ang guwardiya.

Matapos muli ang ilang minuto, lumabas ang isang lady guard para sabihing hindi pwede pumasok sina Turalde at Brosas ayon sa house parent. Tinanong kung anong pangalan ng house parent pero tumahimik lang ulit ang mga guwardiya. Sa puntong ito hindi pa man lang nasasabi nila Usec. Turalde at Rep. Brosas ang kanilang pakay sa iba’t ibang mukhang humaharap sa kanila.

May lumabas uling isang staff na nagtanong ng pakay at sinabi nga ni Turalde na nais nilang makita ang mga batang nahuli at matiyak na maayos ang kanilang kalagayan. Wala namang naging tugon ang kausap.

Matagal pang naghintay ang mga nasa labas ng gate bago lumabas ang isang nagpakilalang house parent. Sinabi nito na hindi sila mag-entertain ng ‘legal purpose,’ na sinalungat naman ni Brosas at Turalde sa pagsasabing wala silang legal purpose at kailangan lang nilang makita ang mga bata at beripikahin ang ulat ng pambubugbog. Ang tugon naman ng house parent ay bakit may mga bidyo—pagtutukoy sa mga kagawad ng midya na dumating para idokumento ang pangyayari—at sinabing pwede lang mag-bidyo kung may permit ng mayor ng Pasig o ng Bahay Aruga.

Iginiit ni Turalde na ang nais nila ay matiyak ang kalagayan ng mga bata at mayroon silang karapatan at responsibilidad para gawin iyon. Ang naging tugon ng house parent ay inutos sa kanila ay papuntahin sina Turalde at Brosas sa DSWD Office kalapit ng pamilihang bayan ng Pasig para doon makausap ang social worker na siyang maglalahad ng kalagayan ng mga bata.

Tinanong naman nila Turalde kung bakit sila pinapapunta sa lugar kung saan wala naman ang mga bata.

“Kung anong instruction ng nakakataas ma’am, iyon ang susundin namin,” sabi ng house parent.

“Hindi kayo makatao. Kahit man lang paupuin kami diyan [sa loob], kainitan ng araw, ‘di niyo kami pinaupo. Ang hinarap niyo sa amin ay mga guwardiya at sinabi niyo sa amin, ang instruction sa inyo, kung sinuman iyon, ay hindi kami papasukin,” tugon ni Brosas.

Sagot naman ng house parent ay pwede naman pumasok basta may permit galing kay mayor, lalo kung may dalang nagbibidyo. Ang instruction naman na pumunta sina Turalde at Brosas sa DSWD Office ay galing sa isang nangngangalang Prospero Bundoy.

“Bakit hindi siya pwede pumunta dito? Andito ‘yung mga bata. Meron ba kaming makikita doon?” tanong ni Turalde.

Nirekwes nila Turalde na pumunta si Bundoy sa Bahay Aruga. Hindi rin ito natupad.

“Anong dahilan bakit kami ipe-prevent makita ang kalagayan ng mga bata?” tanong ni Turalde.

Hindi na nakita nina Turalde at Brosas ang mga bata noong araw na iyon.

Matapos ang pagpunta sa Bahay Aruga ay binisita naman nila ang 31 nakadetine sa Pasig Police Station.

Sinabi nina Turalde at Brosas na babalikan muli nila ang Bahay Aruga para maasistehan ang mga magulang na dalawa hanggang tatlong araw nang hindi nakikita ang mga anak.

Pinag-iisipan naman ni Turalde ang pagsasampa ng mga administratibong reklamo sa mga opisyal ng Pasig Social Welfare na hinadlangan sila na magsagawa ng spot check.

Pinag-iisipan din ni Brosas ang paghahain ng resolusyon sa Kongreso para imbestigahan ang marahas na dispersal at pamamaraan ng panghuhuli kahit pa tapos na ang protesta at dispersal at kahit pa walang warrant of arrest. Sinasabi ng mga residente na hindi lalampas sa 10 ang nahuli sa aktwal na dispersal bandang alas dos ng hapon noong Agosto 31. Lumobo ang bilang na ito sa 41 nang nagpatuloy ang panghuhuli ng mga pulis hanggang madaling-araw.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here