Tagumpay na nagsagawa ng protesta para sa edukasyon at kalusugan ang sama-samang mga organisasyon at student councils ng UP Manila (UPM) kahapon upang salubungin ang unang araw ng balik-eskwela, Setyembre 10, sa mga yunit ng UP sa buong bansa.

Sa kanilang First Day Rage ay pinalakas nila ang panawagan ng mga estudyante ng unibersidad para sa kagyat na aksyon mula sa gobyerno para sa tugunan ang krisis sa edukasyon at ang mga hinaing ukol sa pahirap na distance learning. 

Dahil sa Ipinadaloy ito sa pamamagitan ng Facebook live sa page ng UP Manila University Student Council (UPM USC) kung saan umabot ng 4.4k na manonood ang sumubaybay. 

Pasakit na distance learning

Sa kanilang protesta, ipinahayag nila na naging pabaya ang administrasyong Duterte sa pandemya na siyang nagdulot ng krisis sa edukasyon. Isiniwalat din nila ang kapalpakan ng sistema ng edukasyon at distance learning na labis na pasakit lamang sa mga mag-aaral maging sa mga guro. 

Isa sa mga manipestasyon nito ay ang kawalan ng akses sa UP Mail at Student Academic Information System (SAIS) accounts na nadanasan ng mga freshies.

Kinundena rin nila ang distance learning bilang panakip lang sa kapabayaan ng administrasyon sa krisis edukasyon. Binigyang-diin nila ang pagsunod lamang ng UP Admin sa gobyerno at pagpapasawalang-bahala ng mga hinaing ng kanilang mga estudyante. Dagdag nila, mas tinuunan pa ng pansin ang world ranking ng unibersidad sa kabila ng paghihirap ng mga estudyante. 

Ang resulta umano ay libo-libong mga estudyanteng hindi makakapag-aral ngayong semestre. 

“Humigit kumulang 5,600 na estudyante ang hindi kakayaning makasabay sa moda ng remote learning, 5600 na pangarap ang kailangan huminto o ipagpaliban at 5600 na pamilya ang apektado ang pamumuhay at naghihirap ngayong pandemiya.” ayon kay Andrea Alipio ng UPM College of Arts and Sciences Student Council (UPM CASSC). 

Sa UPM College of Dentistry naman ay isinawalat ni Sandy Villanueva ng Dentistry Student Council (DSC) ang isyu sa kanilang kolehiyo ukol sa remote simulations o face to face classes na ipinipilit ng UP Admin kahit wala pang permiso mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) at kawalan ng aksyon upang maging ligtas ito. 

“Kahit na opisyal nang nagsimula ang klase ngayong araw, tentative pa rin ang lahat ng remote simulations at schedules para sa mga estudyante ng College of Dentistry. Dagdag pasanin pa ang redesigned courses na nangangailangan ng dental materials at ng gagawin at i-eexecute sa bawat tahanan.”

Edukasyon ay karapatan

Iginiit ng mga mag-aaral na ang edukasyon ay karapatan ng lahat at hindi dapat ito ipinapagkait ng administrasyon. 

“Ang edukasyon ay karapatan ng lahat at ito ay hinahadlangan ng online learning na higit na itinataguyod ng UP Admin hinggil sa pagsuporta sa desisyon ng gobyerno.” mungkahi ni Mikay Gonzales ng Kabataan Partylist UP Manila. 

Pahayag naman ni Anj Adducul mula League of Filipino Students (LFS) – UPM na mas prayoridad pa ng administrasyon ang interes ng US kaysa sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Binanggit rin niya ang pagpapalaya nito sa mamamatay-taong Amerikanong sundalo.

“Kamakailan lamang ay pinatawad ni Duterte si Joseph Scott Pemberton, sundalong pumatay kay Jennifer Laude upang pagsilbihan ang kanyang mga among Amerikano. Nangangayupapa siya sa mga imperyalista at umuutang ng limpak-limpak para sa korapsyon, militarisasyon at mga pambidang proyekto sa imprastraktura habang pinapabayaan ang mga batayang karapatan ng kanyang mga mamamayan kagaya ng kalusugan at edukasyon,” aniya.

Ligtas, inklusibo, at kalidad na edukasyon 

Hangad nila ay ang ligtas, inklusibo, at kalidad na edukasyon na matatamasa lamang kung may maayos na plano ang gobyernong tugunan ang pandemya. Muli silang nanawagan para sa solusyong medikal pati na rin sa karagdagang badyet para sa kalusugan at edukasyon.

“Nararapat na paigtingin ng administrasyon ang solusyong medikal at protocol upang magkaroon tayo ng mas ligtas na paaralan para sa bawat isang mag-aaral,” ayon kay Sam Madriaga ng UPM College of Allied Medical Professions Student Council (UPM CAMPSC). 

“Kailangan nating ipanawagan ang dagdag na badyet para sa kalusugan at edukasyon lalo na ngayon kung kailan pinag-uusapan na ito sa kamara. Kailangang nating magkaisang idiin na ang edukasyon ay hindi nawawala, may gyera, bagyo o pandemya man,” giit naman ni Vincent Impas mula sa Rise for Education (R4E) UPM. 

Pagtindig sa panunupil ng estado

Maliban sa mga isyu ukol sa edukasyon ay ibinahagi rin nila ang pamamasista at panunupil ng estado sa masa.

“Imbes na paigtingin ang contact tracing at malawakang mass testing, inuna ng rehimen ang pamamasista sa pamamagitan ng pagbigay ng prayoridad sa mga batas na nais lamang supilin ang ating karapatan gaya na lamang ng Anti-Terror Law,” wika ni Justine Cago ng Anakbayan UPM.

Ngunit kailangang ipagpatuloy pa rin ang sama-samang pakikibaka para sa pagbagsak sa rehimeng Duterte at pagsulong sa pambansang demokrasya sa kabila ng mga atake ng estado, ani Ron Erasmo ng Youth Movement Against Tyranny (YMAT) UPM.

Aniya, “Kitang kita na bagamat hawak na ni Duterte ang buong gobyerno, na kahit alam niyang siya ay makapangyarihan, alam niyang mahina at bulok ang kanyang pamumuno at alam niyang sa pagmulat at pagkilos ng mamamayang api at pinagsasamantalahan, ay tuluyan siyang babagsak.”

Sa pagtatapos nito, hinikayat ng mga lumahok ang mga mag-aaral ng UPM na sumama sa laban tungo sa makabayan, makamasa, at siyentipikong edukasyon at panagutin ang UP Admin at administrasyong Duterte para sa kanilang kapabayaan. 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here