“Pasukan na naman”—mga katagang laging banggit ng mga mag-aaral matapos ang kanilang mahabang pagbabakasyon. 

Sa pagsisimula ng pasukan, iba’t ibang emosyon ang nararamdaman ng mga kabataan. Ang ilan ay lubos ang pagkasabik na muling makasalamuha birtwal ang kani-kanilang mga kaibigan at kamag-aral, ngunit hindi maiiwasan na may iilang mas pipiliin pa ring magbakasyon at hindi pa handa sa pasukan.

Sa mahigit na dalawang buwang bakasyon ay tila hindi pa rin ito sapat para sa ilang mag-aaral dahil sa banta ng pandemya. Marami ang nakulong sa mga tahanan at hindi nasulit ang panahong nailaan para sa pagpapahinga dahil sa limtadong espasyo at galaw. Kaya tanong din ng karamihan, “Handa ka na ba sa pasukan”?

Ang pagsisimula ng pasukan ay napakalaking pagbabago sa lahat. Panibagong gising sa umaga, at panibagong mga hamon na naman ang ating kinakaharap. Subalit hindi rin naman natin maitatangi ang mga alaala at masasayang pangyayaring naipon natin noong nakaraang pasukan. Sa pagpasok sa paaralan ay makakabuo tayo ng mga bagong kaibigan, mga kaibigang makakasama sa hamon ng online learning. Hindi man ito kagaya ng mga karanasan bago ang pandemiya, maituturing pa rin natin itong mga masasayang alaala na mabitbit habambuhay. Hindi na bago sa atin ang kahalagahan ng edukasyon maging online man o pisikal.

Sa kabila ng banta ng pandemya ay nangangarap pa rin ang mga estudyante na balang araw ay maibalik na sa dating pisikal ang pag-aaral.

Ayon sa Deped, pinaghahandaan pa rin ng ilang paaralan ang pagbubukas ng mga limitadong face-to-face classes para sa mga lugar na may mababa o wala ng kaso ng virus. Dahil dito, mas tumaas ang pag-asa ng karamihan na muling makadalo sa pisikal na klase. Kasabay ng pagtaas ng mga nabakunahan ay mas magiging posible ang pagsisimula ng face-to-face classes.

Hindi rin natin maikakaila ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon—o krisis na rin mismo—kasabay ng krisis sa kalusugan at ekonomya. Mas nahirapan hindi lamang ang mga estudyante, maging ang mga guro at kawani ng edukasyon. Napakahalaga na ang bawat isa may sapat na kagamitan at kasangkapan upang makasabay sa daloy ng online class. Kasama rito ang pangangailangan sa internet, lugar na angkop sa pag-aaral, mga gadgets na kinakailangan sa pang-araw-araw. Dahil dito, marami ang hindi nakasasabay dahil sa sitwasyon na kanilang kinakaharap. Marami pa rin ang walang kakayahang bumili ng mga kagamitan lalo na’t sa sitwasyon ng maraming Pilipino na hindi lamang nawalan ng hanapbuhay, nawalan din ng pag-asa dahil sa hirap ng buhay.

Naglunsad din ng modular learning bilang alternatibo sa online classes. Sa kabila ng mga preparasyon para rito, tila ba marami pa ring pagkukulang at pagkakamali ang napuna sa mga modyul. Ilang isyu ng typographical error at maling impormasyon ang nakita at nahanap sa mga printed modules mula sa Department of Education na ginagamit sa pampublikong paaralan.  

Ang mga guro rin ay naghanda noong mga nakaraang linggo upang magpatuloy nang maayos ang edukasyon sa bansa. Ilang araw rin silang sinabak sa online training. Maliban sa karaniwang mga kagamitan sa pagtuturo, kailangan pa nilang iangkop ang kapaligiran sa bahay at siguraduhin na maayos ang kanilang internet connection. O ‘di kaya’y pumasok pa rin sa paaralan at doon kumunekta sa online class. Ang mga responsibilidad na kinakailangan gampanan ng mga guro lalo na sa panahong ito tulad ng pagbuo ng mga kakailanganing modyul, pagpasok sa eskwelahan upang kunin ang mga learning materials at pagbibigay ng mga kagamitan sa mga mag- aaral ay batbat ng panganib dahil sa banta ng virus.

Napakalaking parte ang ginagampanan ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan at sitwasyon ng mga mag-aaral at kawani. Kaya naman ang ilan sa mga lungsod ay naglungsad ng iba’t ibang programa upang makatulong sa mga estudyante tulad ng pagpapahiram ng mga tablets at laptop para sa darating na pasukan. Naglaan din ang ibang mga pamahalaang lokal ng pondo para sa e-learning devices at mga iba pang kakailanganin tulad ng load at data na ginagamit sa online class. Ngunit ilang linggo bago magsimula ang pasukan ay binusisi ng Committee on Basic Education sa Kongreso ang kahandaan ng DepEd para sa darating na pasukan matapos punahin ng Commission on Audit ang mga kakulangan ng Basic Education Learning Continuity Plan na umabot sa mahigit ₱8 bilyon. Dahil ito sa kakulangan ng mga dokumento at ilang pagkakamali sa paggamit ng badyet at pagkukulang sa disbursement at procurement ng nasabing budget plan.

Patuloy na tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Kailangan pa nating tugunan ang pinsalang idinulot ng pandemya sa ating bansa, at kasama na rito ang muling pagbubukas ng pisikal na edukasyon.

Ang muling pagsisimula ng klase ay isa ring hakbang sa landas ng bansa sa pagbangon mula sa pandemyang ito. Kabataan ang pag-asa ng bayan ika nga, at edukasyon ay isang napakalaking hakbang sa paghubog ng ating pag-unlad. At sa hamon ng pandemya, mahalagang maisaalang-alang ang kalidad at abot-kayang edukasyon habang pinapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral. Ang laban para sa karapatan sa edukasyon ay laban ng sambayanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here