Itinuring na panimulang tagumpay ng grupo ng mga mangingisda pansamantalang pagkakasuspinde ng nakaambang demolisyon ng mga tahungan, talabahan, at saprahan sa sa Manila Bay na saklaw ng probinsyang Cavite noong Setyembre 7.
Nakatakdang simulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbubuwag ng mga istrukturang pangisdaan sa apat na bayan ng Cavite alinsunod sa kautusan ng kalihim nito na si Roy Cimatu.
Sa pagtingin ng PAMALAKAYA, isang pambansang grupo ng mangingisda, naantala ang demolisyon dahil sa malakas at magkakasunod na pagtutol ng mga apektadong mangingisda sa iba’t-ibang panig ng Manila Bay.
“Walang mangingisda ang papabor sa kautusang ito ng gobyerno na walang pagsaalang-alang sa kapakanan at kabuhayan ng mga direktang maaapektuhan,” anang Tagapangulo ng PAMALAKAYA na si Fernando Hicap.
Ayon sa PAMALAKAYA, hindi bababa sa 15,000 ang mga mangingisda mula sa Noveleta, Kawit, Cavite City, at Bacoor City sa probinsya ng Cavite ang direktang maaapektuhan ng direktiba ng DENR.
Dagdag ni Hicap, naniniwala ang kanyang grupo na reklamasyon ang nasa likod ng kautusang ito, bilang ang syudad ng Bacoor ay may nakaambang proyektong reklamasyon na may lawak na 420 ektarya ng Manila Bay.
Sa proyektong ito, paliwanag ni Hicap, 700 pamilyang mangingisda at maralita sa baybayin ang palalayasin para tayuan ang tinambakang dagat ng mga malalaking negosyo at magarbong pasyalan.
Hindi pa kasama rito ang mga iba pang apektado tulad ng mga manininda at konsyumer ng tahong at talaba, dagdag ng grupo.
Sang-ayon ang AGHAM na maapektuhan maging ang suplay ng pagkain sa planong relokasyon. Anila, lampas 30% ng suplay ng tahong na kinokunsumo sa bansa ay galing sa Cavite.
Tinawag nilang hindi makatao at hindi makatwiran ang planong relokasyon sa gitna ng pandemya na magtatanggal ng kabuhayan sa libu-libong mangingisda.
Tinutulan din ng AGHAM ang paratang ng DENR na ang mga istrukturang pangkabuhayan ng mga mangingisda ay pinagmumulan ng pagkasira ng kalikasan sa Manila Bay.
“Alam namin na ang totoong dahilan sa likod ng demolisyon ay para bigyang-daan ang mas mapanira sa kalikasang proyekto na Cavite Province Land Reclamation and Development Project,” anang AGHAM sa kanilang pahayag.
Ang proyekto ay lilikha ng limang isla sa municipal waters ng Cavite City, Kawit, Rosario and Noveleta. Maaapektuhan nito hindi lang ang mismong tubig sa reklamasyon kundi pati ang mga kalapit na municipal waters. Ilan pa sa mga nakikita ng AGHAM na magiging epekto ng planong reklamasyon ay ang pagbabago ng natural water current na magdudulot naman ng pagkaipon ng dumi at polusyon sa mga interior na bahagi kung nasaan ang mga tahungan. Makakaapekto naman sa pagbabago ng kalidad ng tubig ang produksyon ng mga mangingisda.
Inaprubahan na ng DENR ang environmental compliance certificate o ECC ng nasabing proyekto noon pang nakaraang taon.
“Ang pagpapahintulot sa mga mapanirang reklamasyon ay kataksilan sa mandato ng DENR na pangalagaan ang kalikasan,”dagdag ni Hicap, na isa ring mangingisda sa Manila Bay.
Ani Hicap, magbabantay ang kanilang grupo para depensahan ang kanilang kabuhayan.




























