Nakasentro sa karapatan ng mga bata ang pag-alala sa National Children’s Month o  Buwan ng mga Bata ngayong taong 2020. Ayon sa Council for the Children’s Welfare o CWC, ang “Sama-samang Itaguyod ang Karapatan ng mga Bata Ngayong Panahon ng Pandemya” ang napili nilang tema bilang panawagan sa lahat na magkaisa’t magtulungan ang bawat Pilipino na kilalanin at pahalagahan  ang karapatan ng mga bata lalong-lalong na sa panahon ng pandemya tulad ng Covid-19.

Bilang isang naging guro ng mga bata sa napakahabang panahon, nakikiisa ako at nanawagan din sa adbokasiya na ito ng CWC.

Sa panahon ngayon ng pandemya, nararapat lamang na prayoridad natin ang kapakanan at kaligtasan ng mga bata. Ngunit ano-ano nga ba ang ilan sa kanilang mga karapatan na mas kailangan nating pagtuunan ng pansin upang matulungan silang harapin ang umiiral na new normal sa bansa?

Ang Karapatang Magkaroon ng Tahanan at Pamilyang Mag-aaruga

Bukod sa mayroong maayos at ligtas na masisilungan, karapatan ng bawat batang Pilipino ang magkaroon ng pamilyang magmamahal at mgamamalasakit sa kanila lalong-lalo na sa panahon kung saan marami silang takot at pangamba bugso ng Covid-19 sa bansa.

Ayon sa direktor ng CWC na si Mary Mitzi Cajayon-Uy, may malaking epekto ang pandemya sa psychosocial at mental health ng mga bata. Ito ay sa dahilang nagdudulot ng matinding stress at pagkainip sa mga bata ang hindi paglabas sa bahay dahil sa kuwarentina. Ang pagkakaroon ng support system sa loob ng bahay ay makatutulong sa kanila upang maunawaan ang sitwasyon. Ang pakikipag-usap sa matatanda sa bahay na mayroong positibong pananaw sa buhay ay magiging tulay upang maramdaman nila na hindi pang-habambuhay ang kasalukuyang pandemya.

Ang Karapatang Magkaroon ng Sapat na Pagkain, Malusog, at Aktibong Pangangatawan

Karapatan ng mga bata ang magkakaroon ng malulusog na pangangatawan kung kaya’t karapat-dapat lamang na sila ay bigyan ng mga pagkain na hindi lamang tutulong sa kanilang paglaki, bagkus lalong higit sa paglaban sa ano mang uri sakit.

Pinapayo ng mga ekspekrto’t mga doktor na habang wala pang bakuna laban sa Covid-19, nararapat lamang na sanayin na ang mga bata na kumain ng masusustansyang pagkain tulad ng mga gulay at prutas. Madalas, nahihirapan ang mga magulang na ipakain ang mga ito sa kanilang mga anak kung kaya’t bilang guro, madalas kong ipinapayo sa kanila na maging creative sa presentasyon ng pagkain. Maaaring ikurba sa iba’t-ibang hugis ang mga prutas at gulay o upang ganahan ang bata kumain ng mga ito.

Kailangan din ng mga bata ang pisikal na mga aktibidad tulad ng pag-eehersisyo kahit sa bakuran lamang ng kanilang bahay. Mas mainam na gawin nila ito tuwing umaga upang makakuha ng bitamina mula sa araw. Makabubuti ang sikat ng araw sa umaga, bago ang malakas na tirik ng araw na makasasama naman sa balat.

Ang Karapatang Makapaglaro at Makapaglibang

Bagama’t umiiral ngayon ang online classes at blended learning sa bansa, kailangan ng mga bata ang ibang mga gawain na magdudulot ng kasiyahan at kasiglahan sa kanila.

 Ayon kay Fatima Olga, na nagtapos ng kanyang Master’s Degree sa Sikolohiya at guro sa Romblon State University, nagdudulot ng stress ang new normal ngayon sa mga mag-aaral dahil sa limitadong oras ng online classes, mabagal na koneksyon ng Internet, at kawalan ng oprtunidad makita ang kanilang kaklase’t kaibigan ng personal. 

Ang pagbibigay ng mga magulang ng oras sa mga bata upang makapaglaro’t makapaglibang ay makatutulong sa pagbalanse ng mga gawain sa eskuwelahan. Ang kawalan ng nararamdamang stress o anxiety ay magdudulot ng kanilang pagiging mas produktibo bilang isang mag-aaral.

Ang Karapatang Mabigyan ng Proteksyon Laban sa Pang-aabuso, Panganib, at Karahasan

Ang pangangailangan na maging online ang lahat bugso ng new normal ay nagdulot din ng ilang kapamahakan para sa mga menor de edad. Ayon sa Save the Children Philippines, ang talamak na paggamit ng Internet ng mga kabataan ngayon ay maaaring magdulot ng mas lumalalang cyber bullying sa social media. Isa sa aking mga mag-aaral ang nakaranas nito kung saan pinagtawanan ang kanyang itsura sa Instagram at Youtube dahilan upang burahin niya ang lahat ng kanyang social media account

Kung kaya’t pinapayo naming mga guro na kailangan pa ring gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paggamit ng social media upang sila ay mabigyan ng sapat na proteksyon at malayo sa ano mang uri ng pang-aabuso. Sa katunayan, higit pa sa cyber bullying ang dulot ng labis-labis na paggamit ngayon ng Internet.

Ayon sa Child Rights Network o CRN, dahil mas maraming oras na ang inilalaan ng mga kabataan sa social media, naging dahilan ito upang gamitin ng ilan ang pagkakataon na ito na makagawa ng pang-aabuso at kahalayan online. Ang pagbebenta ng maseselang larawan o bidyo ayon sa CRN, ang isa sa mga gawain ngayon ng mga sexual predator sa Internet.

Ngayong panahon ng pandemya, kailangang tumatagos sa loob ng bahay ang pagbibigay ng proteksyon sa mga bata, kailangan din maging maagap at maingat online upang mailayo sila sa ano mang uri ng kapamahakan.

Ang pagkilala at pagpapahalaga sa Karapatang Pambata ay hindi lamang dapat isinasagawa tuwing Children’s Month. Nararapat lamang na isabuhay ang mga ito araw-araw sa kadahilanan na mas madalas ipagsawalang-bahala ang kanilang boses at nararamdaman sa lipunan. Ang pagtiyak na tinatamasa nila ang kanilang mga karapatan ay makatutulong upang sila ay maging produktibong mamamayan ng bansa sa hinaharap.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here