Kinondena ng mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines ang mataas na singil para sa entrance fee sa isinagawang Foundation Day ng kolehiyo sa Puntabelle Resort sa Hermosa, Bataan noong Enero 26.
Batay sa waiver na ipinalagda sa mga estudyante at kanilang magulang o guardian, nagkakahalagang P900 ang kabuoang bayarin para nasabing aktibidad: P500 para sa transportasyon, habang P400 para sa entrance fee kasama na rin ang sinasabing insurance para sa mga estudyante.
“Imbis na magbigay-saya sa mga estudyante ay nagdulot ito ng pahirap at perwisyo hindi lang sa mga estudyante kundi pati sa mga guro, staff, magulang, at mga residenteng nakatira malapit sa resort,” pahayag ng Anakbayan BCP.
Nakasaad din sa waiver ang itinerary mula sa oras ng pag-alis na 3:00AM papuntang Puntabelle resort habang 6:00PM naman ang oras ng pag-uwi.
Ayon sa pahayag ng mga estudyante at magulang, hindi nasunod ang mga itinakdang iskedyul.
Noong Enero 24, naglabas ng abiso ang Puntabelle Resort na “booked for private event” ito bunsod ng nalalapit na Foundation Day ng BCP. Gayumpaman, inulan ito ng batikos mula sa mga magulang ng mga estudyante na nagpahayag ng pangamba at pagkadismaya sa naging kondisyon ng event venue.
“Wala bang cottage sa resort niyo? O ano ang naging usapan niyo sa Bestlink College of the Philippines? Entrance fee na P400 pero mga anak namin tumambay lang sa parang bundok na pinatag? Bakanteng lote lang sa paningin—walang maayos na pwesto na matutulugan o masisilungan sa init ng panahon!” himutok ng isang nag-comment sa Facebook post ng Puntabelle resort at nanawagan sa resort na maglabas ng pahayag.
Batay pa sa nilagdaang waiver, maghapon lamang ang itinakdang aktibidad sa nasabing resort. Pagbabahagi ng mga estudyante at magulang na mayroong inilabas na rates ang Puntabelle resort kung saan ang day swimming rates (8:00 AM to 5:00 PM) ay nagkakahalaga lamang na P180 para sa 4 feet pataas na mga indibidwal.
Kung sa P400 na singil ng BCP para sa entrance fee, halos 122.22% o P220 ang naging dagdag singil ng BCP batay sa P180 na day swimming rates ng Puntabelle Resort.
Giit pa ng mga estudyante, hindi naman natiyak ang kanilang insurance at kaligtasan matapos ang kanilang mga pinagdaanan mula nang dumalo at tumungo sa nasabing resort sa Bataan.
Ayon sa Anakbayan BCP, halos apat hanggang limang oras na naghintay ang mga mag-aaral matapos hindi nasunod ang itinakdang call time sa pag-alis.
Pagdating sa resort, naranasan pa ng mga estudante ang siksikan, init, at kakulangan ng maayos na pasilidad. Marami rin sa kanila ang nagutom at napagod, at napilitan pang bumili ng overpriced na pagkain at tubig.
Dahil din sa kakulangan ng comfort rooms, nakigamit ang mga estudyante sa mga kabahayan malapit sa resort. Wala ring internet sa lugar, na nagdulot ng hirap sa pakikipag-ugnayan sa mga kasamahan. Nagdulot din ng matinding trapiko sa Brgy. Mabiga ang pagdagsa ng mga sinakyang bus kung saan matinding abala ang mga residente na nakaapekto sa kanilang mga oras sa trabaho at iba pang gawain.
“Mula rin sa aksidenteng nangyari sa Rizal noong 2017, malinaw na ang Bestlink College of the Philippines ay hindi natuto sa kanilang maling pamamalakad at pag-oorganisa ng mga off-campus events. Lantaran din ang pagpapakita ng kawalan ng prayoridad para sa seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral,” dagdag na pahayag ng Anakbayan BCP.
Nanawagan din ang Anakbayan BCP na managot ang pamunuan ng BCP hinggil sa palpak at pahirap na karanasan ng mga estudyante sa kanilang Foundation Day.
“Kaligtasan at seguridad ng mga estudyante ang dapat unahin! Huwag gawing sapilitan ang off-campus activities! Ibigay ang kalidad ng karanasan na binayaran ng mga mag-aaral! BCP pakinggan mo ang iyong mga mag-aaral!” giit ng Anakbayan BCP.