Muling nagsagawa ng pulong masa at protesta ang mga residente ng Manggahan Floodway sa Barangay Sta. Lucia sa Pasig City hinggil sa demolisyon na nakatakdang gawin ng lokal ng pamahalaan sa katapusan ng Agosto. Binisita ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang mga residente ng Floodway, Agosto 28, tatlong araw bago ang inanunsyong demolisyon sa komunidad

“Maraming dapat asikasuhin sa mga lupain na ipamamahagi ng pamahalaan, pero gumagawa ang gobyerno ng alternatibo para tayo ay palayasin. Kapag tinitirahan ng mahihirap, ang lupa ay danger zone. Kapag mayaman, hindi danger zone. Ganito ang gobyerno sa ating mahihirap,” pakikiisa ni Rep. Zarate sa mga residente.

Binigyan ng mga residente si Rep. Zarate ng mga kopya ng mga dokumento ukol sa problema sa lupa at paninirahan sa Floodway. Nanatili naman ang kongresista sa komunidad upang talakayin ang mga indibidwal na hinaing sa pabahay ng mga residente.

Ang mga residente, sa pangunguna ng Balikwas Kadamay, ay nananawagan na depensahan ang paninirahan at magtayo ng barikadang bayan mula sa Agosto 30 hanggang sa kinabukasan, araw ng demolisyon.

Nagulat na lang umano ang mga residente nang nabasa ang mga nakapaskil na notice ng demolisyon sa kanilang komunidad sa Agosto 31 at sapilitang pagpapalayas sakaling abutan pa sila sa lugar sa petsang iyon.

Una nang giniba ang mga kabahayan sa Floodway noong 2009, matapos ang bagyong Ondoy, at idineklarang danger zone ang kahabaan ng Floodway. Kasabay noon, nalantad sa mga residente ang mga ‘development project’ ng noo’y pangulong Gloria Arroyo sa Floodway kung saan magtatayo rin naman ng mga residential unit at commercial spaces sa tinuring nang danger zone. Dinala sa relokasyon sa Calauan, Laguna ang mga na-demolis, ngunit nagsibalikan din sa Floodway ang marami sa kanila dahil sa kawalang-hanapbuhay sa relokasyon.

“Ang magaganap na demolisyon sa Agosto 31 sa Pasig ay nangangahulugan na ang kasalukuyang administrasyon ay nakapokus lamang sa mga anti-mamamayang programa katulad ng programang Build, Build, Build, ang dating PPP sa panahon ni PNoy o pribatisasyon ng mga nakaraang administrasyon, na may malaking budget para sa imprastruktura, pero wala sa maayos na pabahay sa maralita. Kaakibat pa nito ay malawakang demolisyon,” pahayag ni Danmer De Guzman, Pangkalahatang Kalihim ng Kadamay Metro Manila.

Binatikos din ni De Guzman ang ahensyang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) kaugnay ng tangkang demolisyon sa Floodway at iba pang problema sa demolisyon ng mga maralita sa Metro Manila, gaya sa Sitio Fatima, Kawayanan, Paranaque at Catmon, Malabon.

“Ang PCUP, ang mandato niya ay alagaan at protektahan ang maralita pero ang kaya lang niyang gawin ay laging maglabas ng notice of non-compliance. Kabalintunan ito ng kanyang mga dapat gawin. Dapat ay maglabas na agad ang ahensya ng memorandum order na nagpapatigil sa lahat ng demolisyon,” puna ni De Guzman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here