Ilang tulog na lang at may kakatok na muli sa ating mga tahanan—ito marahil ang hindi na natin dapat pagtaguan bilang mga ninong at ninang.

Sa panahon ng pandemya, nilayo tayo sa ating mga inaanak. Ito sana ang panahon para sukatin ang tinangkad ng ating inaanak, panahon para makamusta ang kumare at kumpare, panahon para bigyang aral at minsan pa nga ay sermon ang ating inaanak at maging ang kanilang magulang.

Sa kabila ng hirap sa buhay, hindi tayo nakalilimot para mabigyan ang ating mga inaanak, dahil ang panahong ito ay isang beses lamang sa isang taon. Abala tayo sa pamimili ng mga regalo, pagpapalit ng malulutong na pera at paghahanda ng pagkain para sa mga bibisitang inaanak. Kakaiba ang panahong ito para sa mga bata, muli nating nababalikan ang ating kabataan sa tuwing sila ay dumadalaw sa araw ng Kapaskuhan. Nilalarawan lamang sa kultura ng pamamasko na tayo’y dumaan sa pagiging bata at humiling na mabigyan ng regalo.

Nasaan ang mga bata sa panahon ng administrasyong Duterte?

Paano nito pinangangalagaan ang kapakanan ng isang bata?

Sino ang namamasko sa panahong ito? Ang administrasyon o ang bata?

Tokhang at Ang Bata

Kay raming magulang ang nawalan ng supling dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga. Hindi natin malilimutan ang mga pangalang Kian Delos Santos, Kristine Joy Sailog, Jayross Brondial at marami pang iba na sa murang edad ay tinapos na ang kanilang pangarap at buhay. Lahat sila ay idinadawit sa kalakaran ng droga sa bansa at hanggang ngayon ay walang tapat na hustisya ang nakakamit ng kani-kanilang pamilya.

Hanggang ngayon ay walang tiyak na magandang naidulot ang giyera kontra-droga ng pamahalaan, maliliit na isda lamang ang kanilang nahuhuli at ang malalaking sindikato na nasa likod ng malawakang transakyon ng droga ay nakalalaya pa rin.

Nakatatakot ang tumataas na bilang ng pagpaslang lalo na sa hanay ng mga kabataan. Walang pakundangan ang pulisya at awtoridad sa kaligtasan at kapakanan ng mga bata. Kung hindi mismo ang bata ang maging biktima at isasangkot sa krimen, nasasaksihan naman ng mga bata ang pamamaslang sa kanilang magulang o nakikita nila ang pisikal na pang-aabuso at pamimilit sa kani-kanilang magulang— mga pangyayaring nagbibigay truma sa kanilang murang isipan.

Nasaan ang bata sa tokhang? Nagresulta ang ganitong kalakaran sa maraming sikolohikal na pagkabalisa ng mga bata. Maraming bata ang patuloy na nililisan at lumalayo sa kanilang bahay at komunidad upang makalimutan ang malagim na trahedya, at maibsan na rin ang takot para sa kalagayan ng kanilang pamilya.

Kapabayaan sa Edukasyon, Kahirapan, Gutom at Ang Bata

Maraming negatibong karanasan at kuwentong patuloy na nararanasan ng mga bata sa panahon ng pandemya. May mga batang nakararanas ng matinding stress, takot, pagkainip at pangamba kahit sa murang edad nila.

Dahil sa pandemya, ang pisikal na pagkatuto ay inilipat sa birtwal na pagkatuto. Samu’t saring stress ang naidulot nito sa magulang, guro at mag-aaral na humaharap sa bagong pamamaraan ng pagkatuto. At sa new normal ng pag-aaral maraming bata ang napag-iiwanan dahil sa hindi pantay na access sa teknolohiya.

Dagdag pa sa isyu ng edukasyon ang kawalang solusyon at pokus ng Kagawaran ng Edukasyon sa hinaing ng mga mag-aaral na Pilipino, sa kabila ng kakulangan at problema ng mga guro at mag-aaral para sa online at printed materials ay ang pagratsada ng Kagawaran sa pamimili ng ham at cheese at mga bagong sasakyan na diumano’y para sa delivery ng mga modules sa malalayong lugar ngunit sa realidad ay para sa mga matataas na pinuno ng Kagawaran.

Bagamat nasa tahanan ang mga bata, hindi maitatangging may pangangailangan pa rin silang dapat matugunan ng kanilang magulang. Dahil sa matagal na lockdown dulot ng pandemya, maraming magulang ang nawalan ng hanapbuhay. Marami sa kanila ang namamalimos, nababaon sa utang, kung ano-anong delihensya upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Hindi maitatangging nagdulot ng gutom, kawalang pag-asa, pangamba sa bata at magulang ang panahon ng lockdown.

Nasaan ang bata sa panahon ng lockdown? Sa lahat ng ito, mahalang mapakinggan ang kanilang tinig. Kinakailangan ang higit na pag-unawa sa mga kilos at pakikinig sa kuwento ng kanilang nararamdaman. Ang mga bagay na ito ay makatutulong na ipakita na normal lamang na makaramdam ng lungkot at takot. Dahil dito, mahalaga ang bukas na komunikasyon sa pagitan ng nakatatanda at bata. Ipaliwanag sa pinakasimpleng pamamaraan ang nangyayari sa paligid.

Batas at Ang Bata

May panukalang batas na pumapayag na masampahan ng kasong kriminal ang mga batang siyam na taon. Ganito tinitingnan ng pamahalaan ang mga batang nasasangkot sa krimen dulot ng samu’t saring sintomas ng kahirapan o ng kahirapan mismo. Sa ganitong pagtingin ng ating mga lider, tila binibigyang impresyon na kriminal ang mga bata na sa halip na ituwid ang pagkakamali sa tulong ng mga rehabilitation center, kulungan ang nais bagsakan ng mga lider sa kanila.

Nakakaalarma ang pahayag ng ilang lider na hindi dapat “bine-baby” ang mga kabataang sangkot sa krimen at bagkus ay dapat papanagutin sa pamamagitan ng kamay na bakal. Para sa ilang lider, nakikita nila ang pangangailangan ng kamay na bakal upang maituwid ang pag-iisip na ang kanilang ginagawa ay hindi mabuti.

Nasaan ang bata sa batas? Sa panawagang ibaba ang edad upang maituring na kriminal ang isang batang nagkasala ay tila pagbibigay na rin ng taguri o tagging na siya ay kriminal. Ang ganitong sistema ay magdudulot ng pagkasira sa kanilang kinabukasan. Sa katotohanan, hindi edad kundi kahirapan sa buhay ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan dahil ito ang kalimitang dahilan o nagtutulak sa bata na gumawa ng krimen.

Ina at Ang Bata

Walang respeto hanggang kamatayan, ganito marahil ang paglalarawan sa paghahatid sa huling hantungan kay Baby River. Masakit sa isang ina na ihatid sa hukay ang kanyang anak, dahil sa realidad ang anak ang naghahatid sa magulang. Pasakit para kay Reina Mae Nasino na hanggang ngayon ay nakapiit dahil sa kaso ng illegal possession of firearms and explosives charges at pagtuturing sa kanya bilang miyembro ng makakaliwang grupo.

Sa panahon ng pandemya, tunay na mahirap magdalamhati at makidalamhati dahil sa pagiging limitado ng mga galaw at espasyo. Dagdag pa sa bigat ng isang inang nagdadalamhati ang pagkakaposas ng mga kamay. Mahalaga ang kamay upang maipadama ang pamamaalam at pagmamahal sa isang minamahal na lumisan, itinatawid ng ating mga kamay ang mga salitang hindi natin mabigkas sa panahon ng pagdadalamhati. Sa kalagayan ni Nasino, pinatikom ng pamahalaang ito ang kanyang karapatan sa pagdadalamhati mula sa salita hanggang sa kanyang mga kilos.

Nasaan ang bata sa kanyang ina? Pinatunay ng pamahalaan na hindi nito kayang pangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng isang bata. Nilayo nito ang anak sa kanyang ina. Pinutol nito ang pisikal na ugnay ng isang ina sa kanyang anak.

Sa panahon ng Kapaskuhan, tandaan natin…

Bata ang humila ng tali ng kamapana noon sa Balangiga.

Bata ang pumawi sa hirap ng ina sa kanyang panganganak.

Bata ang hinanap sa sabsaban.

Bata ay ang Pasko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here