Ang Hindi Kayang Hadlangan ng Rehas

ni Francis Villabroza

0
1387
“Ito ang tipo ng literatura na ayaw natin yumabong… pero dahil hindi pa nakakamit ang hustisya, kailangan itong magtuloy-tuloy,” paliwanag ni Ericson Acosta, isang dating bilanggong pulitikal at awtor ng librong Mula Tarima Hanggang at Iba Pang Mga Tula at Awit.

Dugtong pa niya, “kaya ngayon, nagiging isang malaking palihan sa panulat ang mga kulungan para sa mga bilanggong pulitikal.”

Kasabay rin kasi nito ang lumalaking bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa, na ngayon ay mahigit 500 na.

Walang bilanggong pulitikal sa bansa- ayon sa pamahalaan. Ngunit pinasusubalian ito ng karanasan ni Ericson Acosta noong Pebrero13, 2011, sa barangay Bay-ang  San Jorge, Samar ng siya’y damputin, pahirapan, at ipiit sa kulungan dahil sa pagdadala ng laptop sa baryo, at sa kalaunan ay taniman ng ebidensyang granada. Karaniwan na ang kwento ng paghahabi ng kasong kriminal sa mga binilanggong may kadahilanang pulitikal.

Hapon ng Abril 16, 2015, sa UP Main Library, Diliman, nagtipon ang ilan daang katao upang samahan si Ericson Acosta sa book launching ng libro nitong Mula Tarima Hanggang at Iba Pang Mga Tula at Awit, at upang makiisa sa mga bilanggong pulitikal sa bansa. Dinaluhan ito ng mga artista at manunulat, mga magsasaka at manggagawa, mga nagsusulong ng mga karapatang pantao, mga estudyante’t propesor,  mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal at maging ng mga ex detainees.

Tumayong emcee ng programa sila Sarah Raymundo ng CONTEND, at Jigs Clamor ng SELDA.

Nang hapong iyon, nai-kwento ni Ericson na nakatulong ang pagpapadala ng mga kasama ng IPAD sa loob ng kulungan para malikha ang laman ng libro. Ang IPAD ay biro niya sa  Intermediate PAD. Ayon pa sa kanya, hindi sila nagsusulat sa kulungan dahil maraming oras para gawin ito. Hindi paborable ang kalagayan sa piitan para magsulat ngunit dahil karanasan nila sa loob at pakikiisa sa pangkabuuang pambansa demokraikong pakikibaka ang kanilang isinasatitik, walang rason para hindi magsulat at tumula.

Nagpasalamat rin siya sa lahat ng tumulong sa Free Ericson Acosta campaign. Ngunit, at habang itinuturo ang mga poster ng ilang mga bilanggong pulitikal sa likuran na siyang disenyo ng entablado, hinihingi niya rin sa mga nagsipagdalo ang parehong suportang binigay sa kanya para sa mga ito. Nakalaya si Ericson noong Enero 2013.

 

11162521_967305053309694_1830360246700457176_n
Satur Ocampo, dating bilanggong pulitikal sa panahon ng Batas Militar

 

Pinuri naman ni Satur Ocampo ang mga tula ni Ericson sa pagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng buhay sa bilangguan at ang paghikayat nito sa pakibaka sa malikhaing paraan. Sa katunayan, nagpa-alala ang tulang Mabalasik kay Satur Ocampo ng hirap niya sa kamay ng berdugong koronel na si Rodolfo Aguinaldo.

Ayon pa kay Satur Ocampo, ay tinitiis ng gubyerno ang pagpapalaya sa mga naka-kalabosong konsultant ng National Democratic Front o NDF para sa peace talks, at tinitiis mismo ang usapang pangkapayapaan dahil sa hibang nitong pagtaya na sa pagtapos ng termino ni Aquino ay wala na rin ang NPA, bagay na sinabi rin ng lahat ng iba pang rehimen mula pa kay Marcos.

Naroon rin si Rody Vera, isang kilalang playwright at aktor sa teatro; nakasama niya ang noo’y siyam na taong gulang palang na si Ericson sa isang dula sa PETA. Isa rin si Rody Vera sa mga unang nagsulat ng panawagan para palayain si Ericson Acosta. Binigkas niya ang Gabi ng Taglagas at Ang Pagsisimula ng Talaarawan mula sa librong Mula Tarima Hanggang….

 

22002_967312699975596_3670332851216198079_n
Ang rap artist na si BLKD (kaliwa) kasama ang iba pang aktibistang pangkultura

Hindi makukumpleto ang book launch kung walang jamming at kantahan, lalu pa’t ang ilang mga tula ni Ericson ay sadyang ginawa para awitin. Nag-alay si Roselle Pineda ng CONTEND at si BLKD ng dalawang kantang sinulat ni Ericson noong miyembro pa ito ng pangkulturang grupo na Alay Sining sa UP.

1
Si Jess Santiago

“Ganito ang itsura ni Ericson pagtanda,” ang pabirong pagpapakilala ng emceee kay Jess Santiago, palibhasa’y parehong payat, mahaba ang buhok, at parehong makata’t musikero. Umawit si Jess Santiago ng tatlong kanta na nakapagpa-antig ng damdamin ng mga dumalo, tulad ng awit nitong Halina.

Mahusay namang isinadula ng aktor na si Anthony Falcon(The Guerilla is a Poet) ang Well, isang pabiro ngunit kahabag-habag na katotohanan ng pagtrato ng mga awtoridad sa kulungan kay Rolando Panamogan, isang may sakit na bilanggong pulitikal.

Hindi matatapos ang gabi ng walang jamming mula mismo kay Ericson, at hindi nabigo ang mga nagsipag abang. Nayanig sa dalawang pagkakataon ang UP Main Library sa jamming nila Chikoy Pura ng The Jerks, Renato Reyes ng BAYAN, at ni Ericson Acosta. Ilan sa inawit nilang tula ni Ericson ay ang Astig, tulang inalay ng awtor para kay Bert Alcantara, isa ring bilanggong pulitikal at konsultant ng NDF sa usapang pangkapayapaan, at ang Mula Tarima Hanggang na pinaghanguan ng titulo ng libro.

Binasa naman ni Sarah Raymundo ang sulat ni Alan Jazmines para sa okasyon. Si Alan Jazmines ay konsultant ng NDF sa usapang pangkapayapaan at dating propesor ng Asian Institute of Management, na ngayon ay nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Nagpaabot din ng pakikiisa si Tinay Palabay, secretary general ng KARAPATAN. Inilarawan niya ang kasalukuyang sitwasyon ng mga bilanggong pulitikal. Hinikayat niya rin ang pakikiisa sa mga ito sa pamamagitan ng pagdalaw sa iba’t ibang kulungan sa bansa. Aniya, sa Metro Manila pa lang raw ay aabot na ng mahigit 150 ang bilanggong pulitikal.

Ayon pa sa kanya ay tila hindi nakakulong ang mga political prisoners dahil kahit sa kulungan ay puro trabaho para sa bayan ang inaatupag nila. Ganito rin ang sinasabi ng maraming tula ni Ericson gaya ng Halaw ng Buyonero:Kampo.

Naroon rin si Tatay Boy Cadano, ama ng isa sa dalawang estudyante ng UP San Fernando na si Guiller Cadano na inaresto noong Agosto 2014. Si Guiller Cadano kasama si Gerald Salonga, parehong miyembro ng Kabataan Party-list na nakikisa sa mga magsasaka sa Nueva Ecija, hanggang sa ngayon ay nakapiit sa Camp Carranglan Nueva Ecija.

Pinakita ng gabing iyon na walang rehas na kayang humadlang sa katotohanan at pakikibaka ng  sambayanan, at isinasalarawan ito ng bawat pahina ng librong Mula Tarima Hanggang….

At wala nga bang bilanggong pulitikal

ericson
Si Ericson Acosta, may-akda ng librong ‘Mula Tarima Hanggang’

 

 

Mga litrato mula sa Facebook page ng ‘Mula Tarima Hanggang…’

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here