Sa gitna ng maulan na umaga, nagdaos ng kilos-protesta ang Unyon ng mga Manggagawa sa Harbour Centre (UMHC) upang muling igiit sa administrasyon ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) sa Maynila ang kanilang pagkapanalo mula sa pinal na desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang Motion for Reconsideration ng HCPTI.

“Kami ay nanawagan mula rito sa gate ng Harbour na pagmamay-ari ni Reghis Romero na kailangan kilalanin na niya at ipatupad na kami ay makabalik diyan sa aming pagawaan, na dapat ang mga manggagawa ay mai-regular dahil ayon naman sa kautusan ng kataas-taasang hukuman,” ani Francisco Manaog, pangulo ng UMHC.

Giit din ng mga manggagawa ang agarang aksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region at itulak ang may-ari ng HCPTI na si Reghis Romero II na agarang ibalik ang mga iligal na tinanggal na manggagawa.

“Kasi ang gusto namin dito, agaran na makabalik. Kasi noong tinanggal kami, biglaan. Tapos itong pagbalik, proseso pa rin. Samantala, dumaan na ang manggagawa ng mahigit apat na taon sa proseso na legal at nanalo. Ang gusto namin mula sa ahensya ng DOLE-NCR, agaran kasi gutom na mga pamilya namin tapos mga nag-aaral pa mga anak tapos pandemic pa ngayon,” giit ni Manaog.

Noong ika-20 ng Setyembre, nagkasa rin ng kilos-protesta ang UMHC sa harap ng DOLE-NCR upang lalong paingayin ang kanilang mga panawagan na regularisasyon, sapat na benepisyo, at karapatan bilang manggawa laban sa masahol na pagtrato sa loob ng kumpanya.

Mabagal na aksyon sa kabila ng panalo

Inilabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyong pumapabor sa mga manggagawa ng Manila Harbour Centre noong ika-28 ng Hunyo ng taong kasalukuyan. Ngunit sa kabila ng nito ay hindi pa rin ibinabalik ang mga manggagawa.

“Apat na taon naming tiniis sa legal na pamamaraan at kami ay nanalo. Hindi na ginalang ni Reghis Romero ang mga desisyon ng DOLE, Court of Appeals, at ngayo’y Supreme Court na hanggang ngayon ay hindi namin makamit ang hustisya kung sa kabila ng lahat ng pagkapanalo naming mga manggagawa sa lahat ng proseso,” giit ni Manaog noong sa harap ng DOLE-NCR.

Dagdag pa niya sa isang panayam, sana naman mabigyan ng pansin ng DOLE at mapag-usapan na ng magkabilang panig ng management at mga manggagawa ang agarang pagbabalik ng mga manggagawa.

Matatandaang sa kabila rin ng desisyon ng DOLE na ibinaba noong ika-20 ng Agosto 2017 na gawing regular ang mga manggagawa ng HCPTI ay tinanggal ang mahigit 300 manggagawa noong ika-6 ng Enero 2020.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here