Natatangi ang karanasan ng mga batang lumalaki sa kanayunan, malayo sa kalunsuran na may madaling access sa teknolohiya. Sa pagitan ng pagpasok sa paaralan at paglalaro sa mga burol at parang—kabilang na ang paghahanap ng mga gagambang panlaban sa kapwa gagamba—unti-unti nilang natututuhan ang mga realidad ng mundong kanyang ginagalawan. May nananalo, may natatalo; may nambubully, at may napipilitan lumaban upang hindi na lamang manatiling api.

Ngunit paano kung ang mga larong kinalakihan nila ay naging daan upang maaga silang mamulat sa karahasang umiiral sa lipunan? Paano kung ang mga batang dapat sana ay malayang naglalaro ay maagang nahaharap sa dahas, takot, at pang-aabuso.

Ilan lamang ito sa mga tanong na sinisikap sagutin ng Ganggang, ang kauna-unahang full-length narrative film ni JL Burgos, na unang ipinalabas sa Cinemalaya noong Agosto. Nitong Oktubre 21 ko lamang ito napanood sa Cinematheque Centre Manila, na ngayo’y matatagpuan sa bagong tahanan nito sa Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, bilang bahagi ng Pelikula ng Bayan: Cinemalaya 22.

Hindi na katakataka ang tema at paksang tinatalakay ng pelikula, lalo na’t ang gumawa nito ay isang filmmaker na matagal nang nakatuon sa usapin ng karapatang pantao. Bago ang Ganggang, nakilala na si Burgos sa mga dokumentaryong Portraits of Mosquito Press at Alipato at Muog (2024). Ang huli ay nagwagi ng Best Picture, Best Documentary, at Best Editing sa ika-48 Gawad Urian noong 2025.

Hindi isang bagong proyektong biglaang nabuo ang Ganggang kasunod ng tagumpay ng Alipato at Muog. Ayon kay Burgos, isinulat niya ang kwento noon pang 2019. Sa halip na talikuran ang mga isyung matagal na niyang tinalakay sa kanyang mga dokumentaryo, pinili niyang ilahad ang mga ito sa pamamagitan ng naratibo ng isang pelikula—sa lente ng mga batang hindi pa lubusang nauunawaan ang bigat ng mga puwersang humuhubog sa kanilang buhay.

Sa pelikula, sina Ilay (Kenneth “Butchoy” Vincent Mendoza), Ten-ten (Don Rishmond Cerbito), at Mel (Raine Dela Cruz) ay tatlong batang naging magkaibigan sa paghahanap ng gagambang panlaban sa gagamba ni Anton (Prince Nathaniel España), ang bully sa kanilang paaralan. May kanya-kanyang pinagmulan ang tatlong bata. Anak ng isang desaparecido si Ilay, anak ng magsasaka si Ten-ten, at anak na naman ng isang sundalo si Mel. 

Sa unang tingin, ang Ganggang ay isang pamilyar na bahagi ng pagkabata sa maraming pamayanan sa bansa. May tuwa sa paghahanap ng gagamba at sa pananabik na makita kung alin ang mananaig. Ngunit isa itong alegorya ng isang lipunang tila nakondisyon nang maniwala na kailangang maglaban-laban ang mamamayan upang mabuhay. 

Sa talkback at Q&A session matapos ang screening, ipinaliwanag ni Burgos ang kahulugan ng tunggalian ng mga gagamba. Hindi naman likas sa mga ito ang mag-away sa paraang nakikita sa laro; inilalagay sila ng tao sa sitwasyong kailangan nilang magpatayan. Katulad ng mga mamamayang napipilitang mag-unahan at maglaban sa isang sistemang pinaghaharian ng iilan. 

Realidad ng militarisasyon

Sentrong usapin ng pelikula ang militarisasyon sa kanayunan. Binabago ng presensya ng mga sundalo ang pang-araw-araw na buhay ng mga residente, kabilang ang mga guro at magsasakang itinuturing na mga miyembro o tagasuporta ng New People’s Army (NPA) dahil lamang sa kanilang mga paninindigan.

Bukod sa karahasan at paglabag sa karapatang pantao na iniuugnay sa estado, ipinakikita rin nito ang epekto ng karahasan sa mga bata at kanilang pamilya.

Mahalagang banggitin na ang ilan sa mga karakter at eksena sa pelikula ay hango sa mga tunay na tao at pangyayari.

Isa rito si Rebelyn, ang gurong karakter sa pelikula na hango kay Rebelyn Pitao, anak ni Leoncio Pitao, na mas kilala bilang Commander Parago ng NPA sa Davao. Noong 2009, dinukot si Rebelyn at natagpuan ang kanyang bangkay kinabukasan. Ayon sa ulat ng Commission on Human Rights, ang biktima ay may mga saksak sa dibdib at iba pang palatandaan ng matinding tortyur. Ang sinapit ni Rebelyn ay isang paalala na ang mga taong hindi naman aktwal na nakikidigma ay maaari pa ring maging target ng estado.

Ang plaka naman ng sasakyang ipinakikita sa unang bahagi ng pelikula ay kapareho ng plaka ng sasakyang ginamit sa pagdukot sa kapatid ng direktor na si Jonas Burgos sa isang mall sa Quezon City noong 2007. Hanggang ngayon, hindi pa natatagpuan si Jonas.

Hango rin sa mga tunay na pangyayari ang eksenang nire-red-tag ng isang opisyal ng militar ang gurong si Rebelyn at ang kaniyang mga kasama bilang mga rebelde. Ayon kay Burgos, ang linyang “kayo ang mga NPA na walang baril” ay ipinaratang din ng militar kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy.

Si Marcellana ay dating secretary general ng Karapatan-Southern Tagalog, samantalang si Gumanoy ang dating tagapangulo ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK). Noong 2003, kabilang sila sa isang fact-finding mission sa Oriental Mindoro na nagsisiyasat sa mga naiulat na paglabag sa karapatang pantao. Dinukot sila ng mga pinaghihinalaang paramilitar matapos harangin ang kanilang sasakyan. Kinabukasan, natagpuan ang kanilang mga bangkay. Iniugnay ng mga ulat ng mga organisasyong pangkarapatang pantao ang insidente sa operasyong militar sa pangunguna ni Col. Jovito Palparan.

Ang karakter ni Arman, ama ni Ten-ten, ay hango kay Arman Albarillo, isang dating aktibista na kalaunan ay sumapi sa NPA. Pinatay ng militar ang mga magulang niya noong 2002, at kalaunan ay napatay rin siya sa Quezon.

Samantala, ang kantang Isang Minutong Katahimikan na maririnig sa closing credits ng pelikula ay isinulat ng makatang si Ericson Acosta. Tulad ni Kerima Lorena Tariman, ang kaniyang kabiyak, pinaslang din si Acosta ng mga puwersang militar sa Negros Occidental.

Tinatalakay din sa pelikula ang korapsiyon sa pamahalaan. Gayunman, nananatiling nakasentro ang Ganggang sa epekto ng militarisasyon sa mga apektadong komunidad, lalo na sa mga batang dapat sana ay malayang mangarap at maglaro.

Sa pagitan ng naratibo at dokumentaryo

Sa kabuuan, direkta ang naratibo ng Ganggang. Hindi nito itinatago ang nais nitong sabihin tungkol sa militarisasyon, pang-aabuso ng kapangyarihan, at paglabag sa karapatang pantao. May mga eksenang tila muling isinasadula ang mga pangyayaring mas karaniwan natin nakikita sa mga dokumentaryo at ulat-balita. 

May mga sandaling, dahil sa sobrang tahasang pagpapahayag ng mensahe, tila hindi ganap na nakalalayo ang pelikula sa dokumentaryong estilong nakasanayan ni Burgos. Sa ilang bahagi, mas nangingibabaw ang pagnanais na maipahayag ang paninindigan kaysa ang pagkakataong hayaang unti-unting mabuo sa manonood ang kahulugan ng mga pangyayari.

Gayunman, maliit na limitasyon lamang ito kung ihahambing sa kahalagahan ng mga paksang tinatalakay ng pelikula. Sa halip na manatili sa mga abstraktong talakayan tungkol sa militarisasyon, inilalapit ng Ganggang ang mga usaping ito sa tunay na kalagayan ng karapatang pantao sa kanayunan.

Hindi dapat palampasin

Sa huli, hindi lamang tungkol sa paghahanap ng gagambang mananalo sa isang laro ang Ganggang. Tungkol ito sa isang lipunang nagtuturo sa mga tao na ang kapangyarihan ay nasusukat sa kakayahang magpasunod, manakot, at mandahas ng kapwa.

Sa panahong patuloy ang paglabag sa karapatang pantao, nararapat lamang na ipalabas ang Ganggang sa mga sinehan, pamantasan at komunidad. Sana ay mas marami pang manood at sumuporta sa mga pelikulang gaya nito.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here