Hindi lamang alaala ng nakaraan ang bitbit ng mga lumahok sa malawakang kilos-protesta noong Setyembre 21.

Para sa mga nagprotesta, ang mga aral at pakikibaka noong diktadurang Marcos Sr. ay hindi iba sa kalagayan sa ilalim naman ngayon ng administrasyong Marcos Jr. kung saan nagpapatuloy ang kalbaryo ng maralita para sa tirahan, kabuhayan at karapatan.

Kasabay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, inilabas ng mga maralita sa lansangan ang mga suliraning kinakaharap nila sa araw-araw partikular sa banta ng demolisyon, kawalan ng katiyakan sa tirahan, pagbaha sa mga komunidad, at patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang batayang serbisyo.

Kapag nawala ang tirahan, saan kukuha ng kabuhayan?

Hindi na bago sa mga maralita ang pangambang mawalan ng tirahan bunsod ng mga proyektong pangkaunlaran.

Ilang araw matapos ang deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 1972 sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr., nilagdaan ang Letter of Instruction No. 19 na nag-utos sa pagpapaalis ng mga itinuturing na “illegal structures” sa mga lugar gaya ng mga pampang ng ilog at kanal, riles ng tren, at iba pang pampubliko at pribadong lupain.

Sa Tondo, nagkaroon ng kaliwa’t kanang demolisyon sa mga komunidad sa Tondo Foreshore. Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ang mga komunidad sa paligid ng Parola at iba pang bahagi ng Tondo na saklaw ng mga planong pagpapaunlad sa North Harbor at Tondo Foreshore.

Noong 1974, nilikha naman sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 570 ang Tondo Foreshore Development Authority upang ipatupad ang mga programa sa pagpapaunlad ng lugar. Sa mga sumunod na taon, isinulong ng administrasyong Marcos Sr. ang Tondo Foreshore-Dagat-Dagatan Urban Development Project, na kinapapalooban ng pagpapaunlad ng lugar, land tenure at relokasyon ng mga residenteng maaapektuhan.

Makalipas ang mahigit limang dekada, muling humaharap ang mga maralita sa Tondo at Port Area ng pangamba sa katiyakan sa paninirahan kaugnay ng itinatayong North-South Harbor Bridge (NSHB), isang malaking proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Para kay Julia Barquin, lider-kababaihan sa Baseco, hindi lamang pagkawala ng tahanan ang nakataya sa proyekto kundi pati ang kabuhayang matagal nang nakaugat sa kanilang komunidad.

“Mawawalan kami ng pamumuhay. Madaling maghanap ng kabuhayan sa Maynila, katulad ng pagbabalat ng bawang, pagtitinda ng mga kakanin at street food. Hindi katulad ng mga lilipatan na walang hanapbuhay, umpisa na naman,” ani Barquin.

“Kaya nandito kami ngayon at sumama sa pagkilos na ito dahil ipinapanawagan namin yung karapatan namin bilang mga naninirahan sa komunidad ng Tondo. Huwag naman kaming i-demolish bilang inyong nasasakupan at kilalanin yung karapatan namin bilang naninirahan sa komunidad,” dagdag pa niya.

Makasaysayan na rin ang pakikibaka ng mga maralita sa Tondo Foreshore laban sa demolisyon, harassment at iba pang usapin hinggil sa katiyakan sa paninirahan. Noong 1970, bago pa ideklara ang Martial Law, itinatag ng mga residente ang Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo (SM-ZOTO), na naglunsad ng iba’t ibang kampanya at paglaban sa banta ng demolisyon. Sa kasalukuyan, iba’t ibang samahan at grupo ng mga residente ang tumitindig kaugnay ng nagpapatuloy nilang kalbaryo sa paninirahan.

Kasabay nito, inalala ni Barquin ang sunod-sunod na sunog na tumama sa mga komunidad sa Tondo Foreshore, partikular sa Parola at Baseco, ngayong taon.

Noong Marso 6, isang sunog sa Parola ang nag-iwan ng 349 pamilyang nawalan ng tirahan. Hindi pa man nakakabangon ang komunidad mula sa trahedya, muling nilamon ng apoy ang Parola noong Mayo 23, na nakaapekto sa mahigit 7,000 indibidwal o 2,134 pamilya.

Ilang araw lamang ang lumipas, sumiklab naman ang sunog sa bahagi ng Gasangan, Baseco noong Mayo 30, na nakaapekto sa higit 85 pamilya o 340 indibidwal. Isang menor de edad ang nasawi sa insidente.

Sa gitna ng magkakasunod na sunog, isinagawa naman noong Mayo 20 ang groundbreaking ceremony para sa NSHB sa Baseco.

Sa Baseco at Parola, nakatakdang dumaan ang 2.026-kilometrong tulay na mag-uugnay sa Parola sa North Harbor at Baseco sa South Harbor. Nauna nang inaprubahan ang NSHB sa ilalim ng administrasyong Duterte at iginawad ang kontrata sa China Road and Bridge Corporation.

Ipinagpatuloy naman ito sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. bilang bahagi ng infrastructure flagship projects sa ilalim ng Build Better More program na nagkakahalagang P6.753 bilyon.

Bukod sa mga residente at maralita, umani na rin ng batikos at pagtutol ang naturang proyekto sa mga konsehal ng Maynila mula kina Manila 5th District na sina Mon Yupangco, Jaybee Hizon, Charry Ortega, Bobby Espiritu at Ricky Isip na naglabas ng kani-kanilang privilege speeches noong Hulyo 2023. Mismong Barangay chairperson ng Baseco na si Diana Espinosa ay nagpahayag din ng pagtutol sa NSHB at tinalakay ang epekto ng proyekto sa kanilang komunidad.

Ayon kay Barquin, naipanalo na ng mamamayan ng Parola ang Proclamation 96 at EO 108 na kumikilala sa Parola bilang social housing site. Noong 2002, kinilala rin ang karapatan ng mga residente ng Baseco sa ilalim ng Proclamation No. 145 para sa disposisyon at pamamahagi ng lupa sa mga aktwal na nakatira rito.

“Pinaglaban ito. Pinaghirapan ito. Hindi ito kusang ibinigay; ito ay inangkin sa mahabang panahon ng pagkilos at pagtitiyaga ng mga maralita at ngayon ay inaagaw ng gobyerno at malalaking negosyante ang tagumpay ng mamamayan,” ani Barquin.

“Hindi krimen ang manirahan at mabuhay sa sariling komunidad. Ang Parola at Baseco ay hindi bakanteng lupa para sa interes ng iilan, kundi tahanan ng mamamayang matagal nang nagtaguyod at nagpaunlad nito. Ang laban ay hindi lamang para sa pisikal na espasyo, kundi para sa karapatang manatili, mabuhay nang may dignidad, at magpasya sa kinabukasan ng sariling komunidad,” dagdag pa niya.

Kapag may baha, kabuhayan ang unang naaantala

Sa Pandi, Bulacan, ang usapin ng flood control ay direktang inuugnay ni KADAMAY orgnizer Kay Luneza sa araw-araw na pagpasok ng mga residente sa paaralan at trabaho. Aniya, malaki ang epekto ng pagbaha sa kanilang komunidad, lalo na sa mga kailangang bumiyahe palabas ng lugar para maghanap-buhay.

“Sobrang laki yung epekto ng flood control. Sa sobrang baha po, alam naman po natin ang Bulacan ay doon talagang sentro ng flood control. Alam namin kung paano ang epekto at nakikita namin, lalo na sa mga estudyante. Pagpasok, hindi po sila makapasok. Pagdating po sa mga trabaho, hindi rin makapasok. Ang laki po ng epekto para sa amin na mga taga-Bulacan,” ani Luneza.

Humigit-kumulang 200 flood-control projects sa ilalim ng DPWH Bulacan First District Engineering Office ang nananatiling nakabinbin, bahagi rito ang Pandi at iba pang lugar na nakararanas ng pagbaha at epekto ng high tide.

Samantala, ipinakita rin ng mga karanasan ng mga residente sa ibang bahagi ng Bulacan kung paano naaapektuhan ng baha ang kanilang pang-araw-araw na gawain. Sa Barangay Frances sa Calumpit, kinailangan ng ilang residente na lumusong sa hanggang tuhod na baha upang maipagpatuloy ang kanilang mga gawain, habang may mga bahay na pinasok din ng tubig.

Sa kabila nito, sinabi ni Luneza na marami sa mga residente ng Pandi ang kailangang lumabas ng Bulacan para maghanapbuhay, kabilang ang mga construction worker, mangingisda, magsasaka at vendors.

“Karamihan po doon, pumapasok po sila dito pa sa Maynila, nagbyahe po galing Bulacan hanggang dito sa Maynila. ’Yung iba po ay construction, halos karamihan. Ang iba naman po ay mangingisda, magbubukid, at ’yung iba naman, vendors. ’Yung mga gano’n lang ang ikinabubuhay,” saad niya.

Kababaihan sa gitna ng krisis sa kabuhayan

Bukod sa katiyakan sa paninirahan, malaking usapin din para sa mga kababaihan ang gender-based discrimination sa paggawa kasabay ng mababang sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kabiang sa mga lumahok sa kilos-protesta si Lanie Mu, 54, mula sa Quezon City at kasapi ng Gabriela. Aniya, araw-araw niyang nararanasan kung gaano kahirap pagkasyahin ang kita sa patuloy na pagmahal ng mga bilihin.

“Ako, anong trabaho ko? Manicurist lang ako. Ang mahal ng mga bilihin, ang mahal ng kuryente, ang mahal ng tubig. Paano ka makakasya sa P400–P500 na kita mo sa araw-araw?” ani Mu.

Ibinahagi rin ni Mu na mayroon siyang apo na pinag-aaral na bahagi rin ng pang-araw-araw niyang gastusin. Aniya, hindi na nakasasabay ang kita ng mga manggagawa bunsod ng nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Magkano ang baon ng estudyante ko? P100 na ’yon, baon pa lang ’yon. Pag-uwi ng tanghalian, kakain din. Pagkagabi, kakain. Paano magkakasya? Tapos mababa pa ang minimum wage, hindi na talaga siya pumapantay sa mga bilihin,” ani Mu.

Ayon sa IBON Foundation, umabot na sa 8.2% ang inflation rate para sa pinakamahihirap na 30% ng income households noong Agosto 2026. Mas mataas naman ang inflation sa bigas na umabot sa 19.4% habang tumaas sa P49.80 kada kilo ang presyo ng regular-milled rice mula P40.43 noong Agosto 2025.

Para sa mga pamilyang mababa ang kita tulad ni Mu, mas mabigat ang epekto ng bawat pagtaas ng presyo dahil limitado ang kanilang kakayahang tumugon sa patuloy na pagsirit sa presyo ng bilihin.

“Bukas na naman, tataas na naman ang gasolina. Linggo-linggo na lang po siya tumataas,” aniya.

Ganito rin ang sentimyento ni Princess Jehan, lider-organisador mula sa Bayan Muna.

Aniya, hindi lamang usapin ng presyo ng bilihin at kakulangan ng trabaho ang kinakaharap ng ilang kababaihan. Para sa mga kababaihang Muslim tulad ni Jehan, dagdag na hamon sa paghahanapbuhay ang diskriminasyong nararanasan dahil sa kanilang pananamit at relihiyosong pagkakakilanlan.

“Pagdating naman po sa amin, mas mahirap po kasing makahanap ng trabaho, lalo na sa aming mga Muslim na mga babae. Kasi isa ako doon sa mga gustong-gustong magtrabaho pero ang hirap kumuha ng mga requirements, kasi maliban sa hindi nila inaaprubahan yung gusto namin na sana magtrabaho kami na valid yung pagsuot ng hijab. Kasi karamihan kasi hindi nila ina-allow yung paggamit ng hijab,” ani Jehan.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, mas mababa ang labor force participation rate ng kababaihan kumpara sa kalalakihan. Noong Pebrero 2026, nasa 53.4% ang labor force participation rate ng kababaihan kumpara sa 74.1% sa kalalakihan.

Para kay Jehan, ito ang marka ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa malawakang krisis sa kabuhayan.

“Mahirap magtrabaho lalo na kung marami kang gustong bilhin pero di mo makuha kasi bina-budget mo sa pagkain ng mga anak mo, sa pamilya mo, sa darating na kinabukasan, kung ano pa yung gagastusin mo kasi hindi kakasya sa loob ng isang araw yung isang libo,” aniya.

“Kaya sana bumaba lahat, yun lang panawagan ko kay Marcos. Kung ayaw naman niya, siya na lang yung bumaba,” dagdag pa niya.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here