Daan-daang mag-aaral ng Parañaque National High School – Main (PNHS), Lunes, Hunyo 22, ang nagkasa ng kilos-protesta upang kondenahin ang mga kaso ng sekswal na pang-aabuso na naranasan ng mga estudyante mula sa ilang guro sa kanilang paaralan. Nanawagan din silang panagutin ng administrasyon ng PNHS ang lahat ng sangkot at tiyakin ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima.
Bago pa man nagsimula ang programa, nagsagawa ng black-ribbon tying ang mga estudyante bilang pakikiisa sa panawagan para sa hustisya sa mga naging biktima ng sekswal na harassment at pang-aabuso.
“Walang sinuman ang dapat na mangibabaw sa batas at walang dapat itinataboy na boses ng estudyante. Hinihimok ng mga estudyante ang isang malaya, makatarungan, at malinaw na imbestigasyon upang mapagtibay ang mga alegasyon at mapanagot ang sinumang mapapatunayang lumabag sa karapatan, dignidad, at kaligtasan ng mga mag-aaral. Ang pananahimik at pagpapabaya ay hindi kailanman magiging solusyon sa mga usaping may kaugnayan sa kapakanan ng kabataan,” pahayag ng Kabataan Partylist – Parañaque (KPL – Parañaque).
Hustisya para sa mga biktima
Para kay Andrew Cabrito, KPL Parañaque coordinator at dating mag-aaral ng PNHS-Main, ang protestang inilunsad ay manipestasyon ng matagal nang hinaing ng mga estudyante kaugnay ng paulit-ulit na mga kaso ng sekswal na pang-aabuso sa loob ng paaralan.
“Since 2022, may mga isyu na ng sekswal na pang-aabuso na dinudulog sa Guidance Councilor Office at kahit sa Principal’s Office, pero hindi naman nareresolba. Kaya naglunsad na ng protesta para paingayin ang isyu at makakuha ng pansin. Mga estudyante mismo ang natulak na magprotesta dahil sa kawalan ng aksyon ng administrasyon,” saad ni Cabrito.
Dagdag niya, nakatanggap din sila ng mga testimonya mula sa mga estudyante na nanghihingi ng tulong para makamit ang hustisya para sa kanilang mga kamag-aral.
“Narehistro ng mga estudyante yung mga problema nila, pero ang sabi ni [Principal] Gerry Lumaban, ginagawan na ng aksyon. Pero di namin makita ang ginagawa nila. Kung totoong gumagawa ng aksyon, bakit paulit-ulit ang harassment?” aniya.
Noong 2022, may isang kaso ng sekswal na pang-aabuso na niresolba ng administrasyon ng PNHS na kinuwestiyon ng mga estudyante.
“Sabi [nila], tinanggalan ng lisensya yung isang guro na nang-abuso sa kanyang estudyante. Nalaman namin na nagtuturo lang pala sa ibang school. May ilang kaso rin kaming natanggap na nililipat lang ng grade level o kaya ibang strand ang mga gurong nasasangkot sa ganitong usapin. Kung ganito ang ginagawang aksyon, ibig sabihin hindi siniserve ang hustisya sa mga biktima. Pinaglalaruan lang nila ang mga estudyante!” ani Cabrito.
Matapos ang protesta, nagsagawa ng isang pampublikong forum ang administrasyon ng PNHS-Main upang sagutin ang mga kuwestiyon ng mga estudyante, alumni, at mga progresibong organisasyon. Dito rin inirehistro ng mag-aaral ng PNHS at ng KPL – Parañaque ang kanilang ten-point agenda sa administrasyon ng PNHS-Main.
10-Point Agenda for Educational Systemic Reform by Concerned Parañaqueños.
STUDENT LEVEL:
1. Magkaroon ng opisina/hotline para sa VAW, LGBTQIA at iba pa na magsisilbi bilang isang grievance desk sa loob ng mga paaralan na may direktang linya sa LGU at sa Division Office ng DepEd. Ang mga opisina na ito ay dapat autonomous at maging student-led na may espesipikong mandato at mga kapangyarihan sa paghahawak ng kaso.
2. Makaroon ng psychological counselling and institutional support and protection para sa lahat ng mga biktima
TEACHER LEVEL:
1. Pagkokondukta ng mandatory seminars at forums para sa lahat, kabilang ang mga mag-aaral, teaching and non-teaching personnel, patungkol sa children’s rights, safe spaces, body safety, consent education, at sa mga legal obligations and consequences ng mga sexual abuse cases. Importanteng malaman din ng mag-aaral ang kanilang mga karapatan at para madaling ma-identify kung sila ba ay naabuso or under “grooming”
INSTITUTIONAL LEVEL:
1. Pagpapanagot, revocation of license at pagsasampa ng kaso sa lahat ng faculty members na involved sa kaso ng sekswal na pang-aabuso at harassment.
2. Magkaroon ng isang independent and transparent student-led or multi-stakeholder investigation ng lahat ng mga ahensya ng pamahalaan mula sa DepEd Division Office, City Government at iba pang mga third parties
3. Universal Implementation ng Republic Act No. 11313 o Universal Safe Spaces Act sa lahat ng paaralan.
4. Universal Implementation of Department of Education (DepEd) Order No. 40, s. 2012 na naglalayon para magkaroon ng Child Protection Committee (CPC) sa bawat paaralan. Kung kinakailangan, magkaroon din ng mga review at kung sakali ay matinding reporma sa mga CPC ukol sa kanilang proseso, liderato, membership at mandato.
5. Pagpapalagay ng mas matitinding imprastraktura tulad ng mga CCTV sa mga hallway para matanggal ang mga blind spot sa mga paaralan, kabilang na rin dito ang pagpapalagay ng clear glass windows para mamonitor ang mga klasrum nang maayos.
6. Pagpapatupad ng universal no-isolation policy na pinagbabawal ang kahit sinumang staff member na mag-isa kasama ang isang mag-aaral sa likod ng mga nakasaradong pinto para sa counseling, coaching or tutoring.
7. Proteksyon sa malayang pamamahayag ng mga guro at estudyante laban sa pagbabanta, pananakot, at panggigipit, alinsunod sa 1987 Philippine Constitution, Cybercrime Prevention Act of 2012, at Data Privacy Act of 2012.
Tugon ng administrasyon


Ani G. Gerry Lumaban, punong-guro ng PNHS-Main na walong taon nang nanunungkulan sa posisyon, hindi nila pababayaan at sisikilin ang mga estudyante na nagpapahayag ng kanilang hinaing. Hindi rin nila pagtatakpan ang mga insidente ng sekswal na pang-aabuso ng mga guro.
Dagdag niya, naghanda na sila ng mekanismo para tipunin ang mga ulat sa pamamagitan ng pagpapasagot ng Google forms o kaya ay pagbabahagi ng QR code para sa sistematikong pagkalap ng mga ulat.
“Kung napapansin, bawat class president ng bawat grade ay may group chat. Ang instruction doon, ano mang uri ng sexual harassment ng mga teachers, ay sabihin sa gc. May gc lahat ng class pres. Isang layer ng aming grievances. May advocacy materials na anti-sexual harassment. I mentioned directly sa teachers, ang sinumang magkamali ay kakasuhan ng blotter at kakasuhan ng administrative case,” ani G. Lumaban.
Naglabas din ng pahayag ang Department of Education – Schools Division Office of Parañaque kaugnay sa mga insidente.


Sagot ng mga estudyante
Pinabulaanan naman ni Cabrito ang pahayag ni G. Lumaban matapos ang public dialogue.
“Nabanggit niya [G. Lumaban] na may Office of Anti-Sexual Harassment (OASH) at Gender and Development (GAD) office ang PNHS-Main, pero wala talagang mga ganitong opisina rito,” ani Cabrito.
Nang tanungin ang iba pang estudyante kaugnay ng kanilang reaksyon sa forum, malamig ang kanilang pagtugon sa mga sagot na ibinigay ni Lumaban.
Ayon kay Barbie (hindi tunay na pangalan), Grade 12, hindi siya naresolba sa dinaloy ng dayalogo.
“It’s not about protecting the students but more about protecting the teachers who were involved. Parang wala naman silang binigay na assurance o pahayag na kasama po talaga [sila] namin. Parang may hidden essence pa. Sinasabi nila na they are with us dahil may rally. Pero paano pag walang rally? Are they going to ostracize us for speaking up about the issue?” aniya.
Victim-blaming at paghuhugas-kamay naman ang naging sentimyento ni Brenda (hindi tunay na pangalan), Grade 12, kaugnay sa inilunsad na dayalogo.
“Ginagawa lang ito para may masabi. Logically thinking, nangyari na ‘to kahit sinasabi nila na wala masyadong nagsasalita,” ani Brenda.
“If ganyan ang namamahala sa amin. I don’t believe there will be a safe space for us lalo na kung mas kino-condemn nila ang students for speaking out. I don’t expect anything [from them]. I’ve been a student here. May teacher ako na involved sa ganito pero ang ginawa sa kanya ay inilipat lang ng grade [level]. It’s surprising na inilipat siya at mas concerning kasi mas bata ang mga tinuturuan,” dagdag pa ni Barbie.
Ayon kay Cabrito, hindi matatapos ang pagkilos ng mga estudyante hangga’t hindi napapanagot ang mga gurong sangkot sa sekswal na pang-aabuso at hindi nakakamit ang hustisya para sa lahat ng biktima.
“Babantayan namin ang paggulong ng kaso upang masigurong makamtan ng estudyante ang hustisya. Dapat paigtingin ang Safe Spaces Act upang protektahan ang mga estudyante. Dapat ang paaralan mismo ang lumikha ng safe space para sa mga estudyante upang malaya nilang maipahayag ang kanilang saloobin nang hindi natatakot. Karapatan ng mga kabataan ang magkaroon ng ligtas na espasyo sa loob at labas ng paaralan nang sa gayon ay hindi nahahadlangan ang kanilang pagkatuto at hindi nayuyurakan ang kanilang dangal at karapatan,” pagtatapos ni Cabrito.
Naglabas naman ng petisyon ang Tapang Parañaque, Liberal Youth – Parañaque, Rage for Systemic Change at Kabataan Partylist – Parañaque kasama ang mga estudyante, residente, at civil societies upang kastiguhin at panagutin ang mga sangkot sa sekswal na pang-aabuso sa PNHS.
Ang naturang petisyon ay ihahain sa Department of Education, lokal na pamahalaan ng Parañaque, at pamunuan ng PNHS-Main upang itulak ang pagkakaroon ng malayang imbestigasyon at ipaalala ang kanilang tungkuling protektahan ang mga mag-aaral.
“Ang patuloy na pagpasok ng mga reklamo ng kalaswaan at kawalang-hiyaan laban sa mga estudyante ay malinaw na patunay ng isang malaking problema. May umiiral na kultura ng pagpapabaya at pagtatakip sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng paaralan,” ayon sa pahayag ng mga grupo.
“Hinihimok ang lahat ng estudyante, alumni, at guro na pumirma at magpasa ng mga ebidensya o salaysay. Magkaisa tayong manindigan para sa pananagutan at wakasan ang kultura ng kawalan ng katarungan!” dagdag pa ng grupo.




























