Apat sa PISTON 6 ang nakalaya ngayong araw. Dalawa ang mananatiling nakapiit dahil may kapangalan silang may kaso. Sila ay ang 72-anyos na si Elmer Cordero at si Wilson Ramilla.
Panawagan ng PISTON at grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), palayain sina Cordero at Ramilla at ibalik ang mga jeep sa kalsada.
“Anim na araw po kaming ikinulong at pinaikot-ikot nang walang malinaw na kaso. Wala po kaming kasalanan,” ani Cordero.
May kapangalan si Cordero na may kasong estafa.
Patuloy na inaayos ang clearance ng dalawa. Anang grupong PISTON, hindi titigil ang grupo hanggang makalaya ang dalawa.
“Makatwiran pong humiling ng ayuda at magbalik-pasada,” ani Ramilla.
Mayroon naman kaso ng carnapping si Ramilla na hindi pa na-dismiss pero aniya, natapos na niya ang sentensya sa kanya.
Ang apat na nakalaya na ay sina Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng PISTON, at sina Severino Ramos, Arsenio Ymas at Ramon Paloma. Disobedience to authority ang ikinaso sa anim na may piyansang P3,000 kada isa.
#FreePiston6 UPDATE:
Nakapagpyansa na ang Piston 6. Inaantay na lang ang PNP clearance at release order para sa ating mga tsuper.#BalikPasada#MassTransportNow#NoToJeepneyPhaseout pic.twitter.com/Hqk6aTiVsV
— PISTON (@pistonph) June 8, 2020
Inabot na ng anim na gabi ng detensyon ang mga hinuli sa ginawang panawagang #BalikPasada sa may Monumento sa Caloocan noong Hunyo 2 dahil umano sa paglabag sa social distancing.
Pero giit ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), hindi legal na batayan ang pag-aresto batay sa paglabag sa quarantine rules.
Anang NUPL, wala namang nakasaad na probisyon para sa pag-aresto at detensyon ang Bayanihan to Heal as One Act, Mandatory Reporting of Contagious Diseases Act at Disobedience to a Person in Authority under Art. 151 of the Revised Penal Code.
Sa pagkakakulong nila, higit sa sarili, nag-alala ang mga drayber sa kanilang pamilya.
“Kami ang kumakayod para sa pamilya. Noong hinuli kami, namumroblema ako sa kakainin ng pamilya ko,” pagbabahagi ni Arsenio Ymas Jr.
Noong una ay walang kontak sa mga ito sapagkat kinumpiska ang mga cellphone ng mga hinuli. Nanawagan pa sa social media ang PISTON para makaabot sa mga pamilya ang sinapit ng mga drayber at malamang na padre de pamilya. Ang mga unang tulong na inabot sa kanila ay ipinabigay din nila sa kanilang pamilya.
Sabi naman ni Ramon Paloma, “Mabuti na lamang at dumating ang tulong mula sa iba’t ibang organisasyon at indibidwal, hindi lang para sa amin na nasa kulungan kundi para rin sa mga pamilyang naiwan sa bahay.”
“Makakaasa po kayong ang tulong na natanggap, ibabahagi namin sa iba pang mga drayber at manggagawa. Napakarami pong drayber ang nahihirapan dahil sa kawalan ng hanapbuhay,” sabi ni Severino Ramos.
Laban para sa kabuyan, kalusugan at karapatan
“Tuloy ang laban para sa kabuhayan, kalusugan at karapatan! Makikita niyo ang PISTON 6 sa mga susunod na pagkilos para sa kapakanan ng mga drayber at ng mamamayan. SASAMA KAMI SA June 12,” pahayag ni PISTON Deputy Secretary General Ruben “Bong” Baylon.
Dagdag ng tagapangulo ng PISTON na si Ka Mody Floranda, “Bibiguin ng mamamayan ang planong gawing negosyo ang mass transport. Babalik sa kalsada ang mga drayber upang magserbisyo.”
“Milyun-milyong mamamayan ang nawalan ng kabuhayan. Bahagi ng laban ng mga manggagawa ang maibalik ang mass transport dahil nakaasa ang mamamayan sa mga jeepney bilang pangunahing moda ng transportasyon. Pangungunahan ng manggagawa ang laban na ito,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, Tagapangulo ng KMU.
Nanganganib ang mga tsuper na tuluyang ma-phaseout matapos inilagay man ang Kamaynilaan sa general community quarantine ay hindi naman sila pinayagan na mag-balik pasada kahit pa dumami ang mananakay at dati nang kulang ang pampublikong transportasyon bago pa ipatupad na operasyong 50% sa kapasidad para maipatupad ang social distancing. Sa susunod na




























