Patuloy na nanawagan ang grupo ng mga tsuper ng PISTON ng balik-pasada na sinimulan nila mula pa unang isinailalim ang Metro Manila sa general community quarantine noong Hunyo 1.

Matatandaang kahit muli nang niluwagan ang kilos ng tao sa rehiyon at pinabalik sa trabaho ang mga manggagawa ay hindi naman isinabay rito ang pagbabalik ng mga jeepney na limang dekada nang umaampat sa kawalan ng ‘mass transport system’ sa bansa. Nagdulot ito ng lubhang pahirap sa mga komyuter na napilitang maglakad ng maraming oras papuntang trabaho at pauwi ng bahay.

Nagtipon ang mga drayber opereytor at mga tagasuporta sa isang piket sa harap ng tanggapan ng Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong araw para sa panawagan ng pagbabalik-pasada sa lahat ng jeep sa lahat ng ruta, zero phaseout, at ang pagbibigay ng kagyat na ayuda sa mga tsuper na mahigit anim na buwan nang tinanggalan ng hanap-buhay.

“Kinikilala tagumpay ng walang-sawang pagkilos ng mga drayber at opereytor ang pagbubukas ng 28 ruta at pagpapahintulot na makabiyahe ang 1,159 bilang ng mga jeep sa Kamaynilaan ngayong araw,” kumento ni Mody Floranda, tagapangulo ng PISTON

Batay sa Memorandum Circular 2020-046 na inilabas ng LTFRB noong Setyembre 12, papayagan nang bumiyahe ang 28 karagdagang ruta, na may kabuuang bilang na 1,159 awtorisadong yunit ng tradisyunal na jeepney sa Metro Manila simula Lunes, Setyembre 14.

Dagdag ang anunsyong ito sa 10 ruta at 1,006 bilang ng mga jeep sa pinayagang bumiyahe ng ahensya sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2020-043 na inilabas nito noong Setyembre 9.

Sa kabuuan ay nasa 206 na ruta na ang nabuksan at 17,372 bilang ng mga jeep ang bumibiyahe simula Hunyo 1.

Ngunit napakaliit pa rin nito kumpara sa 408 ruta na hindi pa rin binubuksan at nasa 58,000 jeepney na hindi pa rin makabiyahe na nangangahulugan ng gutom sa 116,000 drayber, ani Floranda.

“Nandirito kaming muli sa tanggapan ng LTFRB upang ipakitang patuloy na nagkakaisa ang hanay ng mga dryaber at opereytor at hindi kami titigil hangga’t hindi nila sinasagot ang aming mga panawagan. Anim na buwan na kaming sawa sa tingi-tinging mga anunsyo at sa kanilang mabubulaklak na pangako. Ang kailangan ng mamamayan ngayon ay agarang aksyon,” ani Floranda.

Ang 28 dagdag-rutang pinayagan nang bumiyahe ay ang mga sumusunod:

T140 Araneta University – Victoneta Ave./McArthur
T141 SM North EDSA – Luzon Ave. (Puregold)
T142 Balintawak – PUC via Baesa
T143 BF Homes – Novaliches
T144 Novaliches – Bignay
T145 Novaliches – Pangarap Village via Quirino Highway, Novaliches
T146 Novaliches – Shelterville via Congressional
T147 – Novaliches – Urduja
T148 Novaliches Town Proper – Barangay Deparo
T149 Grotto, San Jose Del Monte, Bulacan – Novaliches
T240  Aurora/Lauan – EDSA North Ave.
T241 Cubao – Proj. 2&3 via 20th Ave., P. Tuazon
T242 Calumpang – LRT 2 (Katipunan Ave.) via Aurora Blvd.
T340 Bel-Air – Washington
T341 Brgy. North Bay Boulevard – Pier South via Road 10
T342 Divisoria – Pier South via Delpan
T343 Kalentong/Romualdez – San Juan Via Little B
T344 Kayamanan C – Washington
T345 L. Guinto – Zobel Roxas via Paco Market
T346 Pier South – San Andres
T347 Blumentritt – Libertad via Quiapo,Mabini
T348 Blumentritt – Pier South via Sta. Cruz
T349 Brgy. Bagong Silangan – Marcos Ave. Sampaguita
T350 Dapitan – Delos Reyes/P. Campa via Andalucia/Laong Laan
T351 Kamuning – Vito Cruz via E. Rodriguez, A. Mabini
T409 Alabang – Muntinlupa (Bilibid Prison)
T409 Alabang – Muntinlupa (Bilibid Prison) via Katarungan Village
T410 Alabang – Bagumbayan via Bicutan FTI SSH Loop

‘Reduced physical distancing’ sa public transport

Inanunsyo naman ng LTFRB noong Setyembre 11 na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabawas sa 1 metro physical distancing sa mga pampublikong sasakyan. Ang panukala ay para umano sa pagpapalaki ng kapasidad ng naisasakay ng mga pampublikong sasakyan.

Ipinaalala naman ng LTFRB kahapon na babawasan na ang physical distancing mula 1 metro tungong 0.75 metro mula Setyembre 14, magiging 0.5 metro sa Setyembre 28 at magiging 0.3 metro sa Oktubre 12.

Marami naman ang nagsabi kabilang ang mga eksperto na “problematiko” ang panukala ng LTFRB na inaprubahan ng IATF tungo umano sa pagbubukas ng ekonomiya. May ilang eksperto ang nagpaabot na walang patunay na makakapigil sa pagkalat ng COVID-19 ang pagbabawas ng physical distancing, o ang distansyang dati nang sinukat at inirekomenda para makaiwas sa talsik ng ubo, bahing o talsik ng laway ng ibang tao na hindi tiyak kung may COVID-19 o wala at para maiwasan ang pagpasa-pasa ng COVID-19 sa mga pampublikong lugar o espasyo.

Rekomendasyon ng marami, dagdagan ang mga pampublikong sasakyan sa halip na bawasan ang physical distancing.

“Sa halip na bawasan ang physical distancing na 1 metro na wala namang basehan sa pag-aaral o gabay ng mga medical experts o ng WHO, dapat ay payagan na lang 100% balik-pasada ng mga jeepney at bigyan ng ayuda ang mga ito para mabilis na makabalik sa pagseserbisyo sa publiko,” ani Mark Fernando, tagapangulo ng Anakbayan Metro Manila.

Sa pag-abot at pagbibigay-tulong ng kanilang grupo ay napag-alaman nilang may mga drayber ng jeepney na hindi agad nakabyahe, naantala ng isang linggo o higit pa bago nakabyahe matapos payagan na ng LTFRB habang may ilan na hindi pa rin nakabyahe dahil wala man lang pantustos sa paglalagay ng mga plastic barrier sa sasakyan, pagbili ng alcohol at iba pang pangangailangan sa hanapbuhay. Ito aniya ang naging kalagayan ng mga drayber at operator matapos ang kalahating taong sapilitang pagpapatigil sa hanapbuhay sa mga drayber at operator at hindi rin nila pagiging kwalipikado sa ayuda ng gobyerno, na kundi pa ipinrotesta o ipinanawagan ng publiko ay hindi pa nasabing maisasama ang mga ito sa aayuduhan.

Ani Fernando, “Malalaman pa lang kung ilan nga ba sa mga tsuper at operator ang nabigyan talaga ng ayuda ng gobyerno, kung saan yung social amelioration program na pang-Mayo o para sa pangalawang buwan ng total lockdown dapat ay nasa 96% pa lang daw ang napamahagi gayong Setyembre na, tapos hindi na raw magbibigay ng ayuda ang gobyerno samantalang tuloy ang iba’t ibang antas lockdown at sapilitang pagpapatigil at kawalan ng kabuhayan ng mamamayan.”

Puna ni Fernando, magkakasalungat ‘yung mga nagiging polisiya ng gobyerno, umaabot na sa pagiging labag sa syensya, kasi gusto ng gobyerno buksan ‘yung ekonomiya pero hindi naman nakokontrol pa ‘yung pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

“Kailangan magsimula sa pagkilala na hindi pa rin ito kontrolado at ito ‘yung matagal na dapat na nilang ginawa para sana hindi na ‘conflicting’ yung polisiya na pabalikin ‘yung manggagawa sa trabaho pero wala o kulang ang pampublikong sasakyan, o iyong ipilit ‘yung distance learning kahit na napakabagal ng internet sa bansa tapos low tech ang mga paaralan sa halip na bumalik na sa paaralan o iyong ayaw pa magbalik-pasada pero wala na raw ibibigay na ayuda at kahit alam nang milyon-milyon na ang nawalan ng trabaho,” giit ni Fernando.

Tila panakip-butas ang mga solusyon ng gobyerno, aniya.

“Para bang kada solusyon na iniisip nila ay mga pantakip lang sa pangunahing pinagmumulan ng problema, iyong palpak at hindi pa rin makontrol ang pandemya sa bansa matapos ang kalahating taon at sa kabila ng bilyon-bilyong pondong nagastos at nag-anak na ito ng napakarami pang problema: mass unemployment, mas maraming out of school youth, gutom at iba pa,” aniya.  

Susi sa inabot sa sitwasyon ngayon aniya iyong hindi agad napigil ang pagkalat ng COVID-19 sa unang linggo nito at nangampante hangga’t nakumpirma ang ‘local transmission’ dalawang buwan matapos madiskubre ang unang kaso, at ang patuloy na kawalan ng mass testing sa kabila ng pagmamalaki ng gobyerno na pinakamaraming nagawa nitong test sa rehiyon.

Aniya, “PR lang iyon kasi hindi naman pantay-pantay ang pangangailangan sa tests ng mga bansa. Bakit naman magtetest ang Thailand ng daanlibo o milyon-milyon hanggang kasalukuyan kung 3,473 lang ang kaso ng COVID-19 doon, samantalang sa Pilipinas ay 4,371 na ang namatay at 257,863 ang kaso ng COVId-19 at nasa 10% ang positivity rate na doble sa inirekomenda ng WHO na 5% positivity rate. Ibig sabihin lang nito, patuloy ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas.”

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here