“Kapag na phase-out po ang jeep ay magugutom po ang aming mga pamilya.”

Ito ang unang nasambit ni Manong Thomas, isang drayber at opereytor ng jeep patungkol sa nakaambang jeepney phaseout sa buong bansa.

Si Manong Thomas ay isa sa mga driver na nakilahok sa unang araw ng pambansang tigil-pasada sa Anda Circle sa Intramuros, Manila, na ikinasa ngayong araw at kahapon. Batid nila na ang napipintong jeepney phaseout ay magiging malaking pasanin ng mga drayber at mga komyuter.

Hindi alintana ni Manong Thomas ang kawalan ng kita sa loob ng isa o dalawang araw kung kapalit naman nito ay maisisiwalat nila ang nakaambang kawalan ng kabuhayan ng maraming mga tsuper ng jeepney.

Hindi na naman daw malaki ang kinikita ng mga tsuper dahil sa nagtataasang presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo, parts ng sasakyan, at iba pa at sa nagtataasang presyo ng mga bilihin habang tumatagal ay umuunti ang nabibili ng kanilang kita. Noong panahon daw ni Pangulong Noynoy Aquino, nang nagsitaasan ang presyo ng diesel, miminsang nag-uuwi na lang sila ng P200, habang P50 na ang isang kilong bigas. Nasa bingit na kung makakakain ng tatlong beses isang araw ang pamilya.

Naisip ni Manong Thomas, kaya nga nag-tsuper kasi walang mapasukang trabahong sapat ang sahod at para may sariling kita na nakabatay sa pagkayod ng isang tsuper. Kung masipag ka, mas malaki ang kita. Pero madalas, talo ng trapik at mga nagtataasang mga presyo ng mga batayang pangangailangan ang anumang sipag at tiyaga ng mga tsuper.

Dinadaing din ni Manong Thomas ang mataas at hindi abot-kayang presyo ng mga e-jeep na balak ipalit sa mga tradisyunal na jeep.

“Ang presyo po nito [e-jeep] ay hindi kanais nais sa aming maliliit na operator-driver sapagkat ang presyo nito ay P1. 2 milyon, P1.5 milyon. Paano namin babayaran ito kung ipautang ito sa amin?” tanong niya.

“Ang sinasabi ng gobyerno na i-modernize ang mga jeep ay hindi po totoo iyon.  Ang totoo po ay hahawakan lang ito ng mga negosyante,”ani Manong Thomas.

Dagdag niya, “Gagawain lamang ito na negosyo ng iilan lamang. Sa halip na drayber at opereytor mapupunta ang kita, mapupunta lamang ito sa mga malalaking negosyante tulad nina Pangilinan, Ayala, Aboitiz, SMC, at mga dayuhang kompanya.”

Iniisip ni Manong Thomas, kung bakit ba naman kasi ang naiisip ng gobyerno ay tanggalin ang jeepney, tapos pagpundarin ng panibagong iyong mga katulad niya sa hinaba-haba ng panahong naghahanapbuhay ay hindi umunlad ang buhay at wala ngang kakayanang bumili pa ng bagong sasakyan. Lalo pa, sabi niya, nagiging mas mahirap ito habang tumatanda na ang tsuper.

Aniya, mapapalitan lang ng bagong mga jeep ang lumang mga jeep, pero ganoon pa rin ang trapik, ganoon pa rin ang sistema ng transportasyon, ganoon pa rin ang problema sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Kung kaya’t hindi niya maunawaan bakit mahirap unawaing ang planong modernisasyon ng mga jeepney ng pamahalaan ay sadyang pahirap lang sa mga tsuper at sa masa.

Bukod sa mga drayber at maliliit na opereytor, nakisali rin sa kilos-protesta sa Anda Circle ang mga maralitang lungsod sa Maynila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here