Nitong mga nakaraang linggo, maraming napagdaanan ang mga mag-aaral ng National University (NU) mula sa kampanyang pagpapatigil sa pagtaas ng tuition fee hanggang sa naranasang lockdown ng sambayanan.

Mula sa nagdaang mga buwan ay patuloy na nilabanan ng mga estudyante at lider-estudyante ang pagtaas ng tuition fee increase sa kanilang unibersidad. Noong Marso 15, naglabas ng pahayag ang NU hinggil sa pagtaas ng tuition fee sa mga freshmen students, higher year students at sa bayarin sa laboratory. Kasabay din ito ng pagsisimula ng lockdown sa Kamaynilaan na inanunsyo noong Marso 12 at nabigyan lang ng 48 oras na paghahanda ang nasa 15 milyong apektado ng lockdown sa rehiyon.

 

Hindi tuloy ang pagtataas ng matrikula

Nakasaad sa anunsyo ng taas matrikula ang 2% pagtaas para sa freshman students, 1% para sa mga estudyante sa higher year at 2% naman ang pagtaas ng bayarin sa laboratory fee. Isinagawa ang pagpanukala ng tuition at miscellaneous fees kasama ang mga kinatawan ng estudyante, guro at mga empleyado sa loob ng unibersidad noong Pebrero 24.

Kaya’t noong Pebrero rin nagsimula ang laban ng mga estudyante at lider-estudyante na tumindig laban sa pagtataas ng matrikula sa NU katuwang ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) Metro Manila. Naghain ng petisyon ang National University Student Government (NUSG) sa administrasyon ng NU upang umapela na itigil ang pagpapataas ng matrikula sa kanilang unibersidad.

Pinagsama-sama ng NUSP Metro Manila ang mga kahingian ng mga estudyante laban sa taunang taas-matrikula na karaniwang pinapanukala ng mga pribadong paaralan tuwing Pebrero. May huling araw para sa pagsasagawa ng konsultasyon sa mga estudyante, na karaniwa’y nauuwi sa isang tipunan sa pag-aanunsyo ng pagtataas ng tuition. Kahit ano kasing sabihin o tindig na estudyante, magpapatuloy lang naman ang paaralan sa pagsasampa ng gusto nitong pagtataas ng matrikula sa Commission on Higher Education o CHED. At dahil sa polisiya ng deregulasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa, parang tagamonitor lang naman ang CHED. Sa matagal na panahon, wala pang nabalitaang ang mga estudyante na paaralang hindi “pinayagan” ng CHED na magtaas ng matrikula. Lampas 200 paaralan naman ang nagtataas ng matrikula sa buong bansa kada taon.

Katwiran ng alyansa, hindi makatarungan ang taunang pagtataas ng matrikula sa mga paaralan, na umaabot ng 6-10%. Nagiging lalong ekslusibo at maraming kabataan ang hindi nakakapag-aral, lalupa’t mas maraming pribadong paaralan kaysa pampubliko–kung saan libre na ang tuition sa marami sa mga ito dahil sa free tuition policy ng gobyerno, isang tagumpay ng mga mag-aaral sa mahabang panahon.

Lalong hindi ito makatwiran at makatao matapos ang mga kalamidad na tumama sa bansa sa simula ng taon, gaya ng pagsabog ng bulkang Taal. Hindi pa nga nito kumakalat ang COVID-19 sa bansa ay matuturing nang imoral pang magtaas ng matrikula.

Noong Abril 15, inanunsyo ng NUSG na sa kanilang online meeting sa university admin noong Abril 13 na ang panukalang pagtataas ng tuition sa pang-akademikong taon 2020-2020 ay hindi na itutuloy.

Isa itong tagumpay ng laban ng mga estudyante sa loob at labas ng unibersidad. Mainam na sumunod ang mga paaraalan sa ginawa ng NU, Ateneo de Manila University at iba pang nag-anunsyo na hindi magtataas ng tuition sa bagong school year laluna sa gitna ng pandemya.

 

Panawagan para itigil ang online classes

Ngunit kasabay ng anunsyong hindi tuloy ang pagtataas ng matrikula ay nagpatuloy naman ang online classes sa paaralan. Gaya ng mga estudyante sa ibang paaralan, nahihirapan ang mga mag-aaral ng NU sa online classes. Anang NUSG, ang mga hamon ng mag-aaral sa online classes ay ang kakulangan ng teknikal kapasidad ng mga mag-aaral, kawalan ng kagamitan, dagdag gastos at maraming estudyanteng dumaing na nahihirapan matuto sa online classes. Ngunit para sa school admin, pinal na ang pagpapatuloy ng online classes, ngunit hindi sapilitan sa lahat. Mabibigyan din ng gradong INC ang mga mag-aaral, ngunit hindi naman pinal na grado at hindi makakaapekto sa grado nang mga may pagkakataon maghabol ng karangalan.

Nagsagawa ng petisyon ang NUSG laban sa pagpapatuloy ng online classes sa katulad na dahilan mula pa noong sinimulan ang lockdown. Dagdag pahirap at gastos ito sa mga estudyante habang nasa gitna ng krisis. Kung kaya’t isinusulong nila ang pagpapatigil ng online classes at ang pagpapatupad ng mass promotion. Anang NUSG, ang pagpapatuloy ng pagkatuto ay hindi dapat makapagkumpromiso sa kapakanan ng mga mag-aaral, sa kanyang pisikal, emosyonal at mental na estabilidad. Bago pa matapos ang Abril, umabot na ng 65% ng populasyon ang pumirma sa petisyon para sa mass promotion.

Inalam ng NUSG ang karanasan ng mga estudyante sa online classes sa kanilang Facebook page. Ilan sa mga tugon ay ang kahirapan sa internet connection (hindi makakonekta, mabagal ang internet connection at hindi rin naintindihan ang klase, kailangan lumabas ng bahay para sa signal tapos sobrang dami ng kailangang idownload, atbp.), hirap sa online na moda (hal. hindi makapagtanong) at late na pagbibigay ng course pack ng mga guro. May mga partikular na kurso na mahirap intindihin at ituro online, gaya ng calculus.

Karaniwan din ang may karanasan na hindi maintindihan ang itinuturo sa online, at nauuwi sa pagbibigay ng files at pagpapagawa ng mga requirements, maikling panahon sa deadline, kung kaya’t mas lumalala ang pakiramdam na walang magawa ng mga mag-aaral.

Marami ring nagsasabi na hindi makapokus sa gitna ng krisis, gaya ng mga nawalan ng trabaho ang magulang, walang ayuda, nasa iisang espasyo nag-aaral sa kung saan din may mga pangdomestikong usapin kaya’t hindi makapokus at kung minsa’y naeexpose din ang mga personal na usapin sa online class.

Dagdag gastos din ito sa marami kung saan may nagrereklamo na ipapangkain na lang, ipapangload pa. May nakapagsabi na sa isang linggo ay umabot ng halos P1,300 ang ginastos niya sa load sa internet para sa 2-3 oras ng online class at pagdownload ng mga ipinadala sa kanila.

Noong Mayo 7, sumulat ang presidente ng NU sa NUSG kung saan tinanggihan nito ang mass promotion sa mga estudyante.

LOOK | The official and final response of National University to the proposal of NUSG re: Mass Promotion.

Geplaatst door National University Student Government op Donderdag 7 mei 2020

 

Kung batay sa karanasan ng mga estudyante, napasubalian na ang mga binanggit na dahilan sa pagtanggi ng paaralan sa mass promotion. Ang biglang paglipat sa online na moda at naging kondukta nito ay malabo na ang ‘fair assessment of students efforts,’ ‘mass promotion will compromise course objectives,’ at ‘achievement based on meritorious performance,’ lalupa’t pagkatuto pa lang ng estudyante ay kwestyonable na.

Patuloy naman nananawagan ng mass promotion ang mga mag-aaral ng NU, habang kasabay na rin nilang isinusulong ang interes ng mga estudyante na mas makakuha pa ng mas malaking refund sa miscellaneous at laboratory fees kaysa sa 25% na inalok ng paaralan. Mayroong pulong ang NUSG sa admin hinggil sa usaping ito noong ikalawang linggo ng Mayo.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here