Nagtipon ang mga manggagawa, unyonista, at progresibong grupo sa mga lansangan sa Maynila ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa upang ipanawagan ang pagkakaroon ng makatarungang sahod, pagwakas ng kontraktwalisasyon, at pagkondena sa tumitinding panggigipit at pasismo sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr..
Panghahati at panunupil ng estado


Mula Kartilya ng Katipunan, nagmartsa ang iba’t ibang grupo patungong Mendiola. Habang papalapit sa paroroonan ng kilos-protesta, sinalubong ito agad ng hanay ng kapulisan na naglagay ng barikadang may barbed wire sa pagtatangkang mauudlot ang pagtulak ng mga grupo patungong Mendiola. Sa kabila nito, matagumpay namang naalis ang ilang naitayong barikada at nakapagdaos ng programa sa kahabaan ng Recto Avenue.
“Yung mga kasamang pulis, traffic enforcer—manggagawa pa rin ang mga ‘yan. Hindi naman iba ang ating makatarungang panawagan para rin sa kanilang kapakanan. Pero nasaan at sino ang kanilang pinaglilingkuran?” ani Eduardo Gado, tumatakbong konsehal sa District 1 ng Maynila.
Ayon kay Gado, disenyo ng estado ang pagbanggain sa mamamayan, partikular na sa hanay ng mga manggagawa, upang mapanatili ang kaayusang mapagsamantala at mapang-api.
“Ang mismong araw na ito ay sinasalubong ng panunupil gamit ang red-tagging, surveillance, at pandarahas sa mga aktibistang lumalaban para sa interes ng taumbayan at ng mga manggagawa. Nakakalungkot isipin na kapwa-manggagawa ang ginagamit laban din sa atin—habang humihingi tayo ng disenteng sahod, regularisasyon, at pagkilala sa ating karapatan, ay narito sila para supilin kami,” ani Gado.
Ilang araw bago ang Mayo Uno, iba’t ibang paghahanda ang isinagawa ng kapulisan tulad ng Manila Police District (MPD) para sa mga inaasahang lalahok sa kilos-protesta. Ayon pa kay MPD Director P/Brig. General Benigno Guzman, higit 3,000 kapulisan ang kanilang idineploy sa mga lugar na pagdadausan ng rally sa Liwasang Bonifacio, Mendiola, at Plaza Miranda.


“Mahalaga ang edukasyon, pagtatayo ng unyon, at talakayan sa loob ng mga pagawaan, pabrika, at piketlayn ng mga manggagawa. Ang mga kahilingang ito ay hindi naman kusang ibinibigay ng mga kapitalista at estado kundi ipinaglalaban ng masang anakpawis. Kung kaya gano’n kahalaga ang pagkakaisa ng mga manggagawa at mamamayan,” dagdag pa ni Gado.
Taumbayan, ipanalo!


“Nilalabag na ang karapatang pantao kapag hindi ka nakakain nang tatlong beses sa isang araw,” ani Lorevie Caalaman, tumatakbong konsehal sa District 4 ng Quezon City.
Si Caalaman ang pinakabatang kumakandidato sa pagka-konsehal sa lungsod, bitbit ang panawagan at interes ng iba’t ibang sektor, partikular ng mga kabataan.
“Nagiging out-of-school youth ang mga kabataan, tulad sa Quezon City, dahil hindi nila kinakaya ang patuloy na pagtaas ng matrikula. Karamihan pa sa kanila ay napipilitang magtrabaho para may maipantustos sa pamilya,” ani Caalaman.
Ayon sa datos ng National Union of Students of the Philippines – NCR, higit 88% ng mga paaralan at unibersidad sa Metro Manila ay pribado, habang nananatiling mababa o hindi akesible ang pampublikong edukasyon para sa maralitang kabataan.
Ani Caalaman, nagpapatuloy ang panggigipit sa kabataan—mula sa pagkait ng edukasyon hanggang sa pagtulak sa kanila sa mga pabrika, kung saan tampok ang mga usapin ng kontraktwalisasyon at mababang sahod.
“Makikita natin na ito ay sistematikong inhustisya at malinaw na manipestasyon ng pagtataguyod sa interes ng iilan,” dagdag pa niya.
Samantala, inihalintulad nina Girlie Delos Santos at Leticia Castillo—kapwa tumatakbong konsehal sa District 1 ng Taguig City at District 2 ng Valenzuela City—ang kalagayan ng maralitang komunidad at mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa nararanasan ng mga manggagawa.
“Ang aming kalagayan ay hindi naiiba sa kalagayan ng mga manggagawa sa ating bansa. Kung ang aming komunidad ay may banta ng pagpapalayas, ganoon din ang kawalang kasiguraduhan ng mga manggagawa lalo na sa hanapbuhay at sahod,” ani Delos Santos.
Si Delos Santos ay presidente ng Nagkakaisang Residente ng Maysapang Homeowners Association Inc. na humaharap sa banta ng demolisyon sa kanilang komunidad sa Maysapang, Brgy. Ususan sa Taguig City mula pa noong 2015.
“Ako po bilang isang manggagawang OFW noong 2008 ay inilaban din ang kapakanan ng mga migranteng manggagawa. Patuloy silang napipilitang umalis ng bansa dahil sa kawalan ng nakabubuhay na sahod at permanenteng trabaho dito,” ani Castillo.
Sa nalalapit na halalan sa 2025, mahalaga para sa Makabayan NCR na ipanalo ang interes ng taumbayan mula Senado hanggang Konseho. Ilan sa tampok na panawagan ng Makabayan NCR ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa ay ang panukala para sa P1,200 family living wage, regularisasyon ng trabaho, at pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa ng unyon.


“Tandaan natin, matapos ang eleksyong ito, hahamunin pa rin tayo ng interes ng bulok na sistema. Kaya higit kailanman, mas kailangan ang tuloy-tuloy na pagkilos—kasama ang mga manggagawa at iba pang sektor sa lipunan,” ani Ricardo Margallo, tumatakbong konsehal sa District 1 ng Caloocan City.