Nagtungo ang Unyon ng mga Manggagawa ng Harbour Centre (UMHC) sa harapan ng Manila Harbour Centre upang tutulan ang patuloy na pagbabalewala ng management ng Harbour Centre Port Terminal Inc. (HCPTI) sa inilabas na hatol ng Korte Suprema at ang pagtatanggal muli ng mga manggagawa ngayong araw, ika-9 ng Nobyembre.

Giit ng unyon na tila walang respeto sa batas ang kumpanya ni Reghis Romero dahil sa pinapakitang hindi pagpansin sa naging desisyon ng Korte Suprema.

“Malinaw na nakasaad sa mga desisyon na inilabas ng ahensya ng gobyerno at ng mga korte na REGULAR NA MGA MANGGAGAWA ang mga stevedore, winchman, at leadman sa kumpanya. Hindi sila empleyado ng Grasials o ng Gerolyn. SILA AY MGA MANGGAGAWA NG HARBOUR CENTRE,” giit ng UMHC sa pahayag na kanilang inilabas hinggil sa panibagong tanggalan ng manggagawa.

Ika-6 ng Enero taong 2020 nang winakasan ng HCPTI ang hindi rehistradong manpower agency na Grasials Corporations, kasabay sa iligal na pagtatanggal sa 378 na manggagawang kontrakwal. Ito ay inilaban ng mga manggagawa sa ligal na proseso hanggang sa nagkamit ng tagumpay nang ibasura ng Korte Suprema ang hinain motion of consideration ng HCPTI sa desisyong idineklarang regular ang mga manggagawa nito ngayong taon, ika-28 ng Hunyo.

Subalit, naging matigas pa rin ang administrasyon at sa ilalim ng bagong ahensya na WeCare, ang ilan sa mga manggagawang napilitang bumalik sa serbisyo ay muling tinanggap ngunit nanatili silang kontraktwal. Taliwas ito sa ilang desisyong nakuha ng mga manggagawa na nagsasabing dapat sila ay gawing regular na.

At ngayong buwan lamang ay nakatanggap ang mga manggagawa na sila ay muling tatanggalin dahil hanggang ika-9 ng Nobyembre ngayong taon na lamang ang kanilang kontrata.

“Sobra na po ang paglalapastangan ng Harbour Centre na pagmamay-ari ni Reghis Romero. Sobra po ang ganid sa tubo. Simple lang po ang hinihingi ng mga manggagawang ito ay galangin niyo po ang mga desisyon ng mga Korte dahil ito po ang nagpapatunay na kami po ay nanalo,” giit ni Francisco Manaog, presidente ng UMHC.

Tiniyak din niyang hanggat patuloy ang hindi makataong pagtrato ng HCPTI sa kanilang manggagawa at ang pagsasawalang-bahala nito sa desisyon ng Korte Suprema, patuloy rin silang magdadaos ng protesta upang ipanawagan ang kanilang karapatan.

Lumulobong bilang ng mga walang trabaho sa bansa

Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 4.25 million ang mga walang trabaho sa bansa noong Setyembre ngayong taon. Ito na ang tinatayang pinakamataas na bilang ng walang trabaho ngayong taon mula noong Enero.

“Sa inilabas na labor force survey ng PSA para sa buwan ng Setyembre, umabot sa 4.25 million (o 8.9 percent) ang bilang ng unemployed. Pinakamataas ito sa higit isang taon! Ibig sabihi’y hindi sumasapat ang mga programa ng gubyerno para tugunan ang krisis sa empleyo. Nasaan na ang pinagyayabang nilang ‘National Employment Recovery Strategy’, e kitang-kita sa datos na dumarami pa nga ang bilang ng nawawalan ng trabaho!” wika ni Jerome Adonis, punong kalihim ng Kilusang Mayo Uno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here