Upang gunitain ang ika-158 nakaarawan ni Gat Andres Bonifacio, nagtipon-tipon ang mga progresibong grupo bitbit ang mga panawagan para sa kabuhayan, karapatan at kalayaan sa Welcome Rotonda sa Lungsod Quezon.

Hindi rin nagpatinag ang iba’t ibang komunidad at sektor sa kabila ng harassment ng pwersa ng kapulisan bago pa man magsimula ang programa.

Kasama sa pagtitipon si Benedict, tagapagsalita ng Anakbayan Metro Manila upang irehistro ang mga panawagan at mahalagang papel ng kabataan sa pagpapatuloy ng pakikibakang sinimulan ni Bonifacio.

Tayo ay mga anak ng bayan

Bagama’t unang naorganisa sa Anakbayan National Teachers College (NTC), ang karanasan sa limang buwang pagtratrabaho ni Benedict sa Toyota ang nagtulak sa kanya na magpatuloy sa kanyang aktibismo.

Inasahan na rin niyang mag-aalala ang kaniyang magulang at mga kamag-anak sa desisyon niyang ito. Gayunpaman, parte ng pagiging isang aktibista ang patuloy na pagmumulat sa pamilya at komunidad.

“Kailangan mong mulatin hindi lang mga tao sa komunidad pero […] yung pamilya mo mismo kasi doon manggagaling yung inspirasyon mo maliban sa masa; nadadagdagan ang inspirasyon sa pagkilos kapag suportado ng pamilya,” saad ni Benedict.

Katulad ng iba pang kontraktwal na manggagawa, naranasan niya ang matinding pagsasamantala tulad ng panggigipit sa sweldo at kawalan ng maayos na benepisyo.

Matatandaan nating ilang araw bago ang Araw ni Bonifacio, naglunsad din ng welga ang mga manggagawa sa warehouse ng Robinson’s Handyman dahil sa iskemang kontraktwalisasyon at kawalan ng seguridad sa trabaho.

“Sa mga komunidad, doon nag-oorganisa ng mga kabataan upang mapabilang sila sa komprehensibong organisasyong Anakbayan at syempre para yakapin yung prinsipyo [dahil] mahalaga ang papel ng mga kabataan na ipagpatuloy ang nasimulan ng ating bayani na si Andres Bonifacio,” ani Benedict.

Isa lamang ang pagkakasa ng mga pagkilos sa gampanin ng isang organisador. Ibinahagi niya na ang puspusang pag-oorganisa ng mga kabataan at paglubog sa mga pagawaan o komunidad na mayroong banta ng demolisyon ang susi upang matagumpay na makapaglunsad ng mga kilos-protesta.

Ani Benedict, tungkulin ng kabataan gagapin ang usapin ng iba’t ibang sektor ng lipunan at gamitin ang kanilang boses at lakas para mabago at mapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap sa lipunan. Ito ay dahil may oras, lakas, boses at kakayahan ang kabataan na ilahad at ipaunawa ito sa iba, maging sa mga nakatatanda sa kanila.

Patuloy na ipaglaban ang karapatan sa edukasyon

Kabi-kabilang panawagan din ang isinusulong ng mga kabataan ngayong may krisis pangkalusugan.

Nang sumailalim sa online o distance learning ang mga unibersidad, lubos na nasadlak ang sektor ng edukasyon. Naitala rin ang biglang paglobo ng bilang ng mga estudyanteng tuluyan nang huminto sa pag-aaral o napilitang pagsabayin ang pagtratrabaho’t pag-aaral.

“Yung panawagan ng kabataan ngayon sa edukasyon, nandyan yung pagbabalik paaralan, yung mabilis na tugon ng gobyerno para sa epektibo at ligtas na pagbabalik sa mga paaralan,” ayon kay Benedict.

Inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na maaari nang maisakatuparan ang limitadong face-to-face classes ngayong Disyembre 2021.

Bilang paghahanda, isinulong ng Kabataan Partylist sa Kongreso ang House Bill No. 10398 o Safe School Reopening Bill kung saan binibigyang-diin ang paglalaan ng pondo at komprehensibong plano para sa ligtas na pagbabalik-eskwela.

“Ang mahirap sa nangyayari sa atin ngayon, nagkakasya ang mga kabataan sa tagibang na online o distance learning na maraming nakakaramdam na wala silang natututunan at kailangan lang mag-comply para makatapos, gayundin ay pagod na pagod ang mga guro. Tapos lagi’t lagi inaayawan ng mga kabataan ang online o distance learning sa iba’t ibang ekspresyon at panawagan, pero hindi dapat ito dumulo sa lalo pang kapabayaan ng gobyerno para maibigay sa kabataan ang karapatan nitong mag-aral. Gusto ng kabataan, kailangan nila at karapatan nilang makapag-aral,” ani Benedict.

Harassment at red-tagging sa mga aktibista

Sa panahon ng umiiral umanong demokrasya, ramdam ni Benedict na tila lalong lumiliit ang puwang para sa mga kritikal na boses at pananaw. Pinasasama ng gobyerno ang kahulugan ng pagiging aktibista sa pamamagitan ng red-tagging at paninira sa mga ito gamit ang mga bayarang troll at pagkalat ng disimpormasyon. Ang pagiging aktibista, sa simpleng pakahulugan, ay isang taong umaaksyon tungo sa kanyang mga paninindigan, gaya ng paninindigan ng grupo ni Benedict para sa disenteng sahod para sa mga manggagawa, panlipunang serbisyo para sa mga mahihirap, edukasyon para sa kabataan, at iba pa.

Tila sa panahong ito, nakakatakot magsalita o maging aktibista—ngunit sa ganitong mga panahon din pinakakailangang magsalita at maging aktibista, ani Benedict.

Dagdag niya, mahirap nang dahil sa takot ay gumising tayo isang araw na wala na ang ating mga batayang karapatan, lalupa’t sinisikap ng gobyernong ito gawing normal ang paninindak, karahasan at paglabag sa karapatang pantao.

Kaya malaking hakbang na rin ang balitang pagbabawas ng pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ngunit, ani Benedict, hindi makakapamante ang mga kabataan at masang anakpawis hangga’t hindi tuluyang nabubuwag ang NTF-ELCAC at naibabasura ang Anti-Terror Law.

“Dapat nating hamunin ang gobyerno na buwagin na mismo ang walang kwentang [NTF-] ELCAC na ‘yan dahil ito ang sanhi ng tuloy tuloy na pananakot, pangreredtag, at pagkamatay ng mga kapwa natin aktibista at organisador,” giit ni Benedict.

Mula nang iratsada ng rehimeng Duterte ang Anti-Terror Law, sa kumpas ng NTF-ELCAC, nire-redtag o binabansagang terorista ang mga progresibong grupo.

Gayunpaman, bigo ito nang ipabasura ng iba’t ibang sangay ng mga Regional Trial Court sa iba’t ibang syudad ang gawa-gawang kaso kila Lady Ann Salem, mamamahayag ng Manila Today, Rodrigo Esparago, unyonista, at mag-asawang aktibista na sina Cora Agovida at Michael Tan Bartolome.

Patunay ito na sa gitna nang lumalalang krisis pangkalusugan at tumitinding atake ng estado sa mga aktibista at kritikal sa gobyerno, hamon sa mga kabataan na ibuhos ang lakas at oras sa pag-oorganisa at pagsali sa mga pambansa-demokratikong organisasyon.

“Dahil kasama na sa mga kabataan na maging bukas at progresibo sa pag-iisip, ang mensahe ko sa kapwa kabataan na sumali sa ganitong klase ng organisasyon dahil hindi naman yun ang magdidikta ng desisyon natin kung hindi yung pag-atake sa atin ng rehimen o gobyerno, kahit ano ang sabihin sa atin ng gobyerno […] o nireredtag ng mismong estado pero alam natin na para makamit ang tunay na kapayapaan para sa bansa, kailangan talaga nating makibaka,” ayon kay Benedict.

Biguin ang tambalang Marcos-Duterte 2022

Sa nalalapit na halalan, naniniwala si Benedict na ang tangkang pagbabalik sa pwesto ng tambalang Marcos-Duterte ay nangangahulugang pagmomonopolisa muli sa kapangyarihan na pakikinabangan lamang ng naghaharing-uri.

“Kailangan nating biguin ang tambalang Marcos-Duterte ngayong 2022 dahil nanggaling yung pamilya nila mismo sa dalawang pinakamasahol na presidente ng bansang Pilipinas at syempre dahil nga gusto nilang ma-monopolize yung kapangyarihan dito sa Pilipinas kaya banta siya sa soberanya ng Pilipinas sa kaparatan natin; banta siya sa buhay mismo ng sambayanang Pilipino,”

Napakalaking banta sa demokratikong karapatan ng mamamayan ang kandidatura ni Marcos at Duterte, aniya.

“Syempre yung papel ng kabataan para mapatingkad yung panawagan na ito […] yung tungkulin natin na magmulat sa kahit anong platform yan; […] nandyan mismo yung physical na pagrarally natin sa kalsada para patampukin yung panawagan dahil tayo rin ang magge-gain sa call natin at syempre hindi lang mismo para sa sarili nating interes pero para na rin sa malawak na hanay ng bansang Pilipino,” panghihikayat ni Benedict sa mga kabataan ngayong Araw ni Bonifacio.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here