Kamakailan lamang ay inilunsad ng Department of Health (DOH) ang pagsisimula ng pagbibigay ng bakuna laban sa COVID-19 sa mga batang may edad 12 taon hanggang 17 taong gulang na may “comorbidity.”

Kaakibat ang walong hospital sa buong National Capital Region, pinangunahan ni DOH Secretary Francisco Duque III at National Task Force for Covid 19 (NTF) Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. na dumalo sa seremonya ng paglulunsad ng naturang programa sa National Children’s Hospital.

Naging matagumpay ang pagbibigay ng bakuna sa mga batang may “comorbidities” at 18,666 ang kabuuang bilang nakatanggap ng kanilang unang dose ng COVID-19 vaccine noong Oktubre 26 sa National Capital Region, ayon sa DOH.

Kasunod nito ay inanunsyo ng DOH ang pangmalawakang pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa lahat ng mga kabataan edad 12 taong gulang hanggang 17 taong gulang na nagsimula noong Nobyembre 3.

Pfizer at Moderna vaccines pa rin ang nakatakdang ipamahagi para sa mga nasa edad 12 hanggang 17.

Alinsunod dito ay unti-unti na ring namahagi ng COVID-19 vaccines sa iba pang mga lugar sa bansa.

Nakapagtala ng mahigit 3,000 kabataan ang nakatanggap na ng kanilang unang dose sa Baguio City noong Nobyembre 3. Habang kumulang 1,000 naman ang nabakunahan sa Bontoc sa sumunod na araw.

Sa Araneta City naman sa Cubao, Quezon City ay humigit kumulang 4,000 ang nabakunahan laban sa COVID-19 noong Nobyembre 5 at sa parehong araw ay nakapagtala ng kabuuang bilang na 167 na kabataan ang nabakunahan sa Tacloban City Hospital.

Sa Bulacan ay nakatakdang unahin ang 50,000 kabataang may “comorbidities” at pagkatapos nito ay isusunod ang natitirang 500,000 kabuuang bilang ng kabataan sa naturang probinsya.

Hanggang sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang pagsasagawa at pagbibigay ng bakuna laban sa COVID-19 hindi lamang sa mga batang edad 12 hanggang 17 taong gulang ngunit pati na rin sa mga mas nakatatanda.

Binigyang-diin pa ng DOH na ang pagpili na magpabakuna ay hindi lamang mapoprotektahan ang tao mismo kundi pati na rin ang mga nasa paligid nila, kasama ang mahigpit at relihiyosong pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) at iba pang preventive measures na ipinatutupad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here