Pinagbantaan, sinigawan, at tinakot ng limang na di unipormadong elemento umano ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga residente ng Cornelio Martinez Francisco (CMF) sa Brgy. Catmon, Malabon City ngayong araw, ika-10 ng Pebrero.

Ayon sa mga residente, alas-onse ng umaga dumating ang mga nagpakilala ring intel mula PNP Caloocan kasama ang isang barangay tanod at hinahanap ang mga lider-organisador sa nasabing komunidad. Hinanapan naman nila ng ID o pagkakakilanlan ang mga ito ngunit walang maiharap sa mga residente.

Ang nasa litrato ay si Jeff Ramos na nagpakilalang intel ng PNP Caloocan at CIDG.

Sa kuhang bidyo ni Cesar Jay Malanao, kabataang residente ng CMF, nagpakilalang CIDG Field Operator ang nagngangalang Jeff Ramos at hinahanap ang ilang lider-organisador sa komunidad partikular si Narcisa Bacongan at Eunice Mariano na pangulo ng CMF Neighborhood Association.

Pinagbantaang babasagin umano ang cellphone ni Malanao kasabay ng pananakot na ipatatanggal siya sa kanyang paaralan.

Ayon pa kay Anabelle Bacongan, anak ni Narcisa, pinagbantaang aarestuhin naman ang kanyang ina ngunit wala namang maipakitang arrest warrant si Ramos para gawin ang pang-aaresto. Gayundin kay Mariano kung saan mayroon umanong kaso ito na estafa at wala ring arrest warrant na maipakita.

Bandang alas dose ng tanghali nang umalis sina Ramos at mga kasamahan nito ngunit nagbanggit na babalik sila ng hapon bitbit na ang arrest warrant.

Sa pangamba ng mga residente at pamilya nina Bacongan at Mariano, kagyat silang nagtungo sa barangay upang magsampa ng reklamo.

Pakikipaglaban ng mga residente ng CMF

Taong 1992 pa iginawad ni Cornelio Francisco (pangalan din ng komunidad) bilang donasyon ang lupang matagal nang panahong kinatitirikan ng mga bahay ng mga residente. Nanggaling sila sa Sitio 6 sa parehong barangay at sa CMF na nanirahan mula 2000 hanggang sa kasalukuyan.

May lawak na 2250 metro kwadrado ang nasabing komunidad.

Binuo naman ang CMF Neighborhood Association noong 2008 kung saan kinilalang “accredited organization” ang samahan ng mga residente at bahagi ng mga Civil Society Organizations sa naturang lungsod. Kasama rin sila sa People’s Council na binuo ng Malabon City Government.

Samantala nitong 2017 ay nagimbal ang mga residente nang makatanggap ng ulat na binayaran at binili umano ni Jessie Lopez ng All Asia Structures, Inc. Company ang iginawad lupa. Dito na rin nagsimula ang kalbaryo ng mga residente sa usapin ng katiyakan sa paninirahan at kabuhayan.

Isang taon makalipas ay ipinanalo nila ang kasong ito sa Malabon Regional Trial Court Branch 292. Muli namang umapela ang kumpanya at gumugulong muli ang kaso kung saan hinihintay ng mga residente ang desisyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Habang gumugulong ang kaso, iba’t ibang porma ng panggigipit at pangingikil ang naging banta sa komunidad.

Ayon sa asosasyon, tampok ang mga karanasan nila noong 2019 kung saan nakipagsabwatan ang Lopez sa Maynilad Malabon nang sabihing isasaayos lamang umano ang leak ng tubig sa lugar kasabay ng pagrerelocate ng mga residente. Sa parehong taon din iligal na pinutulan ng kuryente ang ilang residente maging ang pagsasagawa ng demolisyon nang walang court order.

Hinaharap din ng komunidad ng CMF ang banta ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nagsasagawa ng mga programa kaalinsabay ng at red-tagging profiling sa mga residente at lider-organisador.

Mariing panawagan ng mga residente ng CMF na pakinggan ang kanilang mga hinaing at kilalanin ang kanilang batayang karapatan sa paninirahan at kabuhayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here