Higit pitong buwan na ang nakalipas ngunit mailap pa rin ang tugon ng opisina ng Ombudsman hinggil sa inihaing reklamo ng mga kaanak ng yumaong lider-pesanteng si Joseph Canlas. Matatandaang noong ika-19 ng Mayo, nagsampa ang mga anak ni Canlas laban sa mga pulis at opisyales ng kulangan sa Pampanga kung saan siya ay nakulong.

Si Canlas ay tumayong bise-presidente ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at miyembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL). 

Isa rin ang lider-pesante sa tatlong mga aktibistang inaresto sa dalawang magkaibang opisina sa Gitnang Luzon, tatlong linggo lamang ang nakalilipas matapos ang madugong masaker na kumitil sa siyam na aktibista sa Timog Katagalugan na tinaguriang “Bloody Sunday”.

Sa paso umano nakita ang pampasabog, dahilan upang maging non-bailable ang kasong ipinataw kay Canlas nang siya ay arestuhin sa opisina ng AMGL sa Mexico, Pampanga.

“Akala namin, kaming magsasaka lamang ang marunong magtanim! Iyon pala, maging ang kapulisan ay marunong din magtanim ng mga ebidensya, baril, bala, granada na wala namang katotohanan,” ani Lito Lumupaz, tagapangulo ng Aguman da reng Maglalautang Capampangan (AMC) at miyembro rin ng AMGL.

Ngayong ika-26 ng Nobyembre ang ika-60 na kaarawan sana ni Canlas, ngunit ito ay ginugunita ng kanyang mga kaanak bilang isang masalimuot na trahedya. Mayo 11 ay binawian ng buhay si Canlas sa isang intensive care unit sa Jose B. Lingad Memorial Hospital gawa ng komplikasyon sa COVID-19.

“Ipinapaabot natin sa kanila na ibigay ang tunay na hustisya kay Joseph Canlas, maging sa ibang kinulong at ginawan ng gawa-gawang kaso,” dagdag ni Lumupaz.

Sa harap din ng opisina ng Ombudsman ipinaabot ng mga tagasuporta at mga kaanak ang pagpupugay kay Canlas sa isang simbolikong pagtirik ng mga binhi sa kanyang imahe kasabay ng isang kultural na pagtatanghal.

“Sa daluyong ng daan-libong nag-aalsa, itatanghal kayong bayani, kayong magsasaka,” pag-awit ng mga kaanak ni Canlas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here