Mahigit isang linggo matapos maipasa ang ‘terror law’, nagsagawa ng isang kilos protesta at pagtuturo hinggil sa laman ng batas sa Commision on Human Rights noong Hulyo 11 sa pangunguna ng Movement Against Tyranny at Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL).

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Act of 2020 noong Hulyo 3.

Ang nasabing pagtitipon ay pagpapakita ng suporta sa mga petisyon na nais hamunin ang batas sa Korte Suprema. Ilan sa mga abogadong dumalo sa pagtitipon ay sina Atty. Neri Colmenares at Atty. Ephraim Cortez ng National Union of Peoples’ Lawyers at Atty. Tony La Viña ng CLCL.

Sa talakayan, ibinahagi nila kung bakit kahit ang ordinaryong mamamayang lumalaban sa karapatan ang tatamaan ng batas na ito.

Ginamit na halimbawa ni Atty. Tony La Viña na maaaring maging target ng batas ang ginagawang paglaban ng mga katutubo para sa lupang ninuno, ang ginagawang pagprotesta ng mga kabataan para sa edukasyon at ang pag-organisa ng mga manggagawa sa isang unyon o nagsasagawa ng strike.

“Lahat ng iyan ay karapatan natin yun, yung general rule ngayon yung lahat ng pagproprotesta sabi ng batas batas ay maaring terorismo, exemption daw when your exercising your rights. Ngayon naging exemption yung dapat general rule,” paliwanag ni Atty. La Viña

Ngunit mayroon din daw “exemption to exemption.”

“Kaya lang nakalagay naman sa exemption, ang tawag po doon ay exemption to exemption na kung yung pagkilos, pagprotesta, pag-strike, paglaban sa mining company—ngayon lahat ng pagkilos na iyan maaaring naging marahas, ‘pag nag-create siya ng gulo, magiging terorismo siya.”

Ihinalimbawa rin niya na maaaring palabasing terorismo ang isinagawang protesta kung sakaling magkaroon ng gulo.

“Imagine kung may pumunta na mga pulis ngayon dito at magtatakbuhan tayo at may huhulihin pwede na ‘yan maging terorismo.”

Sa kasalukuyan, meron nang pitong nagsumite ng petisyon sa Korte Suprema na pigilan ang pagpatupad ng batas. Ang mga naghain ng petisyon laban sa Anti-Terrorism Act of 2020:

  1. Professor Atty. Howie Calleja
  2. Edcel Lagman
  3. FEU Law professors sa pangununa ni Atty. Mel Sta Maria
  4. Makabayan bloc sa Kamara
  5. Rudolf Jurado, dating government corporate counsel ni Pang. Duterte
  6. Christian Monsod, Felicitas Arroyo kasama ang Ateneo at Xavier Law professors
  7. Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) and the Pro-Labor Legal Assistance Center (PLACE)

Maraming iba pang grupo ang nagpahayag na maghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang ‘terror law.’

Nagtapos ang programa sa pag-awit ng Bayan Ko.

Magiging epektibo ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa Hulyo 18.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here