Sa pangunguna ng ONE U-BELT, alyansa ng mga kolehiyo at unibersidad sa kahabaan ng University Belt, nagmartsa ang mga kabataang estudyante ng Far Eastern University (FEU), University of Sto. Tomas (UST) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) at iba pa mula Espana patungong Morayta noong Pebrero 16.

Ilang araw bago ito, pinangunahan din ng FEU ang paglantad sa isyung kinahaharap nila tulad ng bulok na sistema ng Wellness and Recreation Program (WRP) at banta ng pagtaas ng matrikula.

Anila, mariin nilang tinututulan ang kolonyalisado, komersyalisado at represibong tipo ng edukasyon kaalinsabay ng pagraratsada ng mga hindi maka-estudyanteng polisiya tulad ng Mandatory ROTC maging ang panukalang ng Charter Change o chacha ng administrasyong Marcos Jr.

Dagdag lamang na bayarin sa WRP

Ikalimang linggo na mula nang magsimula ang semestre sa FEU ngunit marami pa ring estudyante ang hindi nakakukuha ng Wellness and Recreation Program (WRP), ayon kay Alecz Ymson ng Anakbayan Morayta. 

Higit itong nagpapahirap sa mga estudyante lalo pa’t kailangan nilang habulin ito sa kanilang finals.

“Kaya napakasahol din na ang WRP ay imbes na nagsisilbing pagdevelop ng wellness ng mga estudyante ay kinukumpirma lang ang katangian ng FEU bilang Fastest Earning University,” saad ni Ymson.

Ang WRP o Wellness and Recreational Program ay nagsisilbing physical education program ng FEU na naglalayong linangin ang pisikal na pangangatawan ng mga estudyante. Binubuo ito ng mga sports gaya ng basketball, volleyball, o kaya naman ay board games at zumba fitness.

“So imaginin mo na lang na tapos na sila sa lahat ng subjects nila at WRP na lang ang tinetake nila. Magbabayad pa sila ng tuition at pagkakitaan ‘yon ng university,” dagdag pa niya.

Bagama’t ilang beses nang nagkaroon ng pagbabago sa programa, nangyayari lamang na mas pinapahirapan nito ang mga estudyante. Mula sa nakaraang academic year, ang booking system ay hahayaang magbook ng tatlong session kada isang linggo ang isang estudyante, na ngayon ay napalitan sa isang session kada isang linggo.

Tuition fee increase, nananatiling banta

Sa banta ng pagbabawas ng badyet sa mga local o state universities and colleges (LUCs at SUCs), ang mga pribadong institusyong pang-edukasyon (PHEIs) naman ang pumapasan sa bigat ng pagtaas ng matrikula.

Daing pa ng mga estudyante ng FEU ang mandatory uniform policy kung saan mahal at kadalasan ay ubusan ng stocks ang mga uniform na kinakailangan bilhin pa sa labas ng unibersidad.

“Mapapatanong ka na lang talaga kung sino yung nakikinabang dito? Syempre, hindi mga kabataan. Kung ‘di ‘yung mga nagmamay-ari sa FEU bilang isang private na educational institution,” giit ni Ymson.

Sa nakaraang konsultasyon kasama ang administrasyon ng FEU, ang bayarin ng Institute for Health Sciences and Nursing (IHSN) ay magtataas mula P5,577 hanggang P6,826 kung saan P1,249 ang itinaas para sa akademikong taong 2024-2025 kapag pinahintulutan ng Commission on Higher Education (CHED).

Hinaing ng mga estudyante ng FEU na hindi makatwiran ang isinasagawang pagtaas ng matrikula.

Mga kabataang estudyante, kontra chacha

Dagdag sa suliraning kinahaharap ng mga estudyante ang iniraratsadang chacha ng administrasyon ni Marcos Jr. sa tabing ng People’s Initiative.

“Sa niraratsadang paggulong ng chacha, mas madulas, mabilis, at walang pagtatanggi na maipapatupad ang pagtataas ng matrikula sa mga kolehiyo. Ibig sabihin bukod sa primaryang pagbabago sa ekonomiya, mas masidhing komersyalisasyon sa edukasyon ang implikasyon ng chacha,” saad ni Lavigne Araque, League of Filipino Students FEU.

Sakaling matuloy ang balak na pag-amyenda sa Konstitusyon, magpapatuloy ang represyon ng administrasyon ng FEU sa mga lider-estudyante mula sa pagsasalita ukol sa isyu ng WRP, paghihigpit sa badyet, at kahirapan sa paglalakad ng mga papeles. 

Giit ng LFS-FEU na nanatiling hamon sa mga kabataang estudyante ng FEU na tumindig laban sa represyon at itaguyod ang karapatan sa isang siyentipiko, makamasa, at makabayang edukasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here