Nakiisa ang mga empleyado ng ABS-CBN at iba’t ibang media network at iba’t ibang organisasyon sa midya sa isang Black Friday Protest sa hindi pa rin pag-renew ng gobyerno sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ang hindi pag-renew sa prangkisa na mapapaso na sa Marso 30 ngayong taon ay maaaring magdulot sa pagsasara ng nasabing pinakamalaking network sa telebisyon sa bansa. Pinakamalaki sa mga kumpanya sa brodkas ang revenue, operating income, net income, assets, equity, market capitalization at bilang ng empleyado ng ABS-CBN.

Inilunsad ang protesta sa Boy Scouts Circle sa Lungsod Quezon, sa pangunguna ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

 

Pagharang ni Duterte

Mula 2017, hayagang binabatikos at minumura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing network. Ilan sa mga pahayag ni Duterte laban sa ABS-CBN ang umano’y nagpapalabas ito ng basura. Paulit-ulit din nitong inakusahan ang kumpanya ng panloloko o pandaraya sa hindi pag-ere sa mga ads niya noong kampanya kahit bayad ang mga ito ng P 2.6 milyon at hindi rin binalik ang pera niya at sinabing kakasuhan niya ito ng multiple syndicated estafa.

“Kawalang hiya ninyo, kapal ng mukha ninyo, putang-ina ninyo, leche kayo mura ni Duterte kay ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III hinggil sa hindi pagpapalabas ng ads niya.

[You have no shame, you sons of bitches.]

Nagpahayag din si Duterte noong sa kongreso na hindi kailangang i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN na nakahain na noon. Ilang ulit din siyang nagpahayag na haharangin niya ang pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN.

Noong Disyembre 3, nagpahayag si Duterte na titiyakin niyang hindi na ma-renew ang prangkisa.

“If you expect that (the franchise) will be renewed, I’m sorry. I will see to it that you’re out,” ani Duterte sa harap ng mga opisyal sa Malacañang.

Noong Disyembre 30 naman ay sinabi ni Duterte na ibenta na lang ng mga may-ari ang ABS-CBN kasi hindi mare-renew ang prangkisa nito. Lumaganap sa social media ang panawagang “ABS-CBN not for sale” matapos ang pahayag ng pangulo.

Samantala, wala pang pahayag o sagot ang ABS-CBN sa mga pinakahuling batikos ni Duterte. Anang ilang mga empleyado, wala pa ring pinapaabot o pinapaliwanag ang ABS-CBN sa kanila kaugnay ng bantang pagkawala ng prangkisa nito.

 

Epektong kawalan ng trabaho

Ayon sa NUJP, umpisa pa lang ito ng kanilang mga aktibidad para magpakita ng suporta sa nagbabadyang pagpapasara ng ABS-CBN, kung saan ilang libong mga manggagawa ang maapektuhan.

“Ito po yung unang aktibidad na isinagawa ng NUJP para ilunsad ang pakikibaka na ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag at kasiguraduhan sa trabaho ng lahat ng manggagawa ng ABS-CBN,” pahayag ni Raymund Villanueva, Deputy Secretary General ng NUJP.

Tinatayang nasa 11,000 ang empleyado ng ABS-CBN sa buong bansa. Ang maaaring direktang maapektuhan ng hindi pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN ay ang mga saklaw nitong produksyon sa balita, telebisyon at entertainment at sports kung saan nasa higit 2,000 ang empleyado.

Kasabay din ng protesta ay nilunsad ang isang petisyon para manawagan laban sa pagpapasara sa ABS-CBN. Lumagda ang mga empleyado ng ABS-CBN at mga manggagawa sa midya na galing sa iba pang network, maging mga indibidwal na sumuporta sa pagkilos.

Dagdag ni Villanueva, “Inululunsad ang petition signing na isusumite namin sa kongreso sa lahat ng nananawagan na idaan sa tamang proseso ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.”

Sumama sa protesta at lumagda sa petisyon ang mga kinatawan ng partylist na Bayan Muna, ACT Teachers, Gabriela at Kabataan.

 

Aksyon ng kongreso?

May siyam nakahaing panukalang batas sa komite para sa 25-taong ekstensyon ng prangkisa ng ABS-CBN. Ang mga ito ay mula sa mga kinatawang sina Micaela Violago (Nueva Ecija, 2nd district), Jericho Nograles (Puwersa ng Bayang Atleta O PBA Partylist), Rose Marie Arenas (Pangasinan, 3rd district), Joy Myra Tambunting (Parañaque, 2nd district), Sol Aragones (Laguna, 3rd district), Vilma Santos Recto (Batangas, 6th district), pinagsamang panukala nina Aurelio Gonzales, Johnny Pimental at Paulino Salvador Leachon,  Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro, 2nd district) at Josephine Ramirez-Sato (Occidental Mindoro).

Nasa 20 sesyon na lamang ang nalalabi sa Mababang Kapulungan mula ngayon hanggang Marso 11, kung kailan magsasara ang Kongreso.

May isang nakahaing panukalang batas naman sa Senado hinggil sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN mula kay Senador Ralph Recto.

Nagpahayag noong Enero 2 ang Chair ng House Committee on Legistative Franchises na si Franz Alvarez na tatalakayin na ng Mababang Kapulungan ang pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN, bagaman sinabi rin nito na ang prangkisa ay hindi karapatan, kundi pribelehiyo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo nito lamang Enero 3, hindi makikialam sa Kongreso ang pangulo sa pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN, gayundin kung ito ay ma-renew.

Inaprubahan ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN sa pamamagitan ng Republic Act 7966 noong Marso 30, 1995.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here