Mga lumabag sa curfew, huhulihin na ulit

0
261
Larawan mula sa Philippine News Agency

Isang araw lang matapos sabihin ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hindi na muna sila manghuhuli ng mga lumabag sa curfew, binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing desisyon.

Batay daw umano ito sa apela ng mga pamahalaang lungsod na ipinaabot sa Department of Interior and Local Government na huwag maging maluwag sa mga lumalabag sa curfew dahil nahihirapan silang mapasunod sa guidelines ng ‘enhanced community quarantine’ ang kanilang mga residente.

Umabot na sa 42,826 ang nahuling lumabag sa curfew, 12,094 sa mga ito ay galing sa Metro Manila.

“Batay sa aming pagtatasa, tataas lang ang bilang ng lumabag sa curfew kapag nagluwag kami sa kanila,” sabi ni Eleazar.

Kaugnay nito, inaprubahan ng Punong Hepe ng PNP na si Archie Gamboa ang mga rekomendasyon ng grupo ni Eleazar hinggil sa pagpapatupad ng curfew:

  1. Magkaroon ng koordinasyon sa mga lokal na pinuno ng syudad, munisipalidad o probinsya para sa pagtutukoy ng pansamantalang piitan na may sapat na laki para maipatupad ang social distancing para sa mga naarestong lumabag sa curfew
  2. Magkaroon ng koordinasyon sa mga lokal na pinuno ng syudad, munisipalidad o probinsya para sa disposisyon ng mga naarestong lumabag sa curfew batay sa multa na nakasaad sa mga lokal na ordinansa
  3. Kung palalayain ang mga lumabag sa curfew batay sa desisyong ipagpapatuloy ang pagkakaso matapos ang enhanced community quarantine, ang mga lumabag sa curfew ay idedetine pa rin nang hindi lalampas sa 12 oras at bibigyang-paalala para mapigilan silang ulitin ang paglabag
  4. Walang anumang pisikal na parusa ang ipapataw sa mga lumabag sa curfew

Si Eleazar ang Commander ng Task Force COVID-19 Shield, grupong tagapagpatupad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) at Deputy Chief for Operations ng PNP.

Naglabasan sa social media ang ulat ng mga nakaranas ng iba’t ibang parusa sa paglabag sa curfew, 24 oras na curfew o sa ‘window hours’ (takdang oras kada araw na pwedeng lumabas ang isang tao kada pamilya para bumili ng mga pangangailangan nila).

Napaulat ang pagbibilad sa araw, pagkulong sa mga kabataan sa hawla ng aso, panghahampas ng kapitan ng barangay sa naglalaba sa labas na bahay dahil walang pwesto maglaba sa loob, panghahampas ng mataas na opisyal ng PNP, at pagdetine sa mga lumabag sa ‘window hours’ kahit na wala palang ganitong kautusan sa lugar na iyon.

Lumabas din ang ilang reklamo ng mga kababaihang na na-harass sa checkpoint ng mga pulis na nanghingi ng number at pangalan, namilit manghingi ng number kundi ay ‘di palalampasin sa checkpoint, nag-text o tumawag sa number na nahingi sa babae sa checkpoint o nagbigay ng number na sinilid sa ID ng dumaan sa checkpoint.

Nauna nang sinabi ni Eleazar na paiimbestigahan ang mga pisikal na pamamarusa o iba pang alegasyon sa pang-aabuso ng pulis na nasa checkpoint. Wala pang bagong pahayag si Eleazar hinggil dito.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here