Muling nag-anunsyo ng tigil pasada ang grupong Manibela sa darating na Hunyo 10 hanggang 12 para igiit sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang agarang paglalabas ng memorandum hinggil sa napagkasunduan ng dalawang panig sa nangyaring pagdinig sa Kongreso noong Mayo 21.
Ayon kay Mar Valbuena, chairman ng Manibela, tinukoy sa nasabing pagdinig ang muling pagbibigay ng isang taong palugit o extension para sa mga di konsolidadong jeepney driver na makapagparehistro at makapagpatuloy sa pamamasada.
Aniya, malinaw rin sa kanilang kasunduan na walang mangyayaring panghuhuli o pang-iimpound ng mga jeep bunsod ng walang kaukulang batas o regulasyong ipatupad ito hinggil sa mga hindi pumaloob sa franchise consolidation.
Paninicket, pagbaklas ng plaka sa tsuper na di nagpakonsolida
Kinondena ni Francisco Ayuban, pangulo ng Manibela Novaliches – Blumentritt Chapter, ang pagticket at pagbakbak sa plaka ng kasamahan niyang di pumaloob sa konsolidasyon na pumasada noong ika-24 ng Mayo.
Aniya, hindi makatwiran at kalabisan ang panghuhuling ginagawa sa mga driver at operator sapagkat walang batayan o maibigay na memorandum ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) galing sa LTFRB.
Ayon kay Valbuena, higit 17,000 jeepney drivers at operator sa NCR ang hindi nagpakonsolida. Ito ay batay sa kanilang nakuhang datos mula sa ipinasa ng DOTr kay Sen. Grace Poe kung saan mayroong 81% umanong nagpakonsolidang public utility vehicle (PUV) sa NCR kasama rito ang UV Express at malalaking bus maliban ang mga nasa probinsya.
Dagdag pa niya na karamihan sa sinasabing pumaloob sa consolidation ay nasa proseso pa lamang din ng aplikasyon at hindi pa nakakukuha ng clearance sa LTFRB.
Diin ni Valbuena, maraming mga drayber at operator ang napeke dahil hindi naman kooperatiba ang napasukan ng mga jeepney drivers at maliliit na operator sa halip sila ay nagbabayad o sinisingil lamang sila ng membership fee at consolidation fee.
“Kawawa yung mga nahuhuli nating mga kababayan, mga drivers at operators na nagmumulta ng di po bababa ng labing dalawang libong piso. Saan po natin kukunin yan? Labing tatlong piso lamang po ang pamasahe ng kada pasahero na minimum para sa traditional jeepneys,” ani Valbuena.
Maglalabas din ang Manibela ng sariling prototype ng jeepney na makasusunod sa itinakdang Philippine National Standard ng Department of Trade and Industry.
Ani Valbuena, mga lokal na manufacturer ang kanilang kukunin o isasama sa pagbuo ng nasabing prototype tulad ng Francisco Motors, Sarao, Milwaukee, at marami pang iba para paggawa ng lokal na modernized sa wangis pa rin ng traditional jeepney.
“Hindi nila (DOTr, LTFRB) kami mai-impound nang sabay-sabay. Ibig sabihin nito ay talagang magiging kulang ang masasakyan ng taumbayan. Simula sa Lunes, June 10 hanggang 12, hindi po talaga kami babyahe nito. Para maramdaman natin yung sinasabi nila na 81% lalo na rito sa NCR.” pahayag ni Valbuena.