Ngayong ika-18 araw ng lockdown sa National Capital Region, nagprotesta ang higit kumulang 150 na residente ng Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-Asa, Quezon City sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue o EDSA. Panawagan ng mga sumama sa pagkilos ay ibigay ang ipinangakong pagkain at ayuda para sa mamamayan.

Umabot sa 21, 15 kalalakihan at 6 kababaihan, ang inaresto matapos ang marahas na dispersal na isinagawa ng Quezon City Police Department. Hindi naman nasunod ang social o physical distancing sa pag-aresto at pagkakaso sa mga hinuli.

Ayon sa grupong Save San Roque, paralisado ang kabuhayan ng mga mahihirap at marami ang nagugutom dahil sa lockdown at naghihintay sa tulong na walang kasiguraduhan kung kailan darating.

Iginiit ng KADAMAY na ang protesta ay isang ispontanyong pagkilos at natural na reaksyon sa kakulangang aksyon ng gobyerno para matulungan ang mga mahihirap.

“Imbis na pakinggan ang hinaing ng mahihirap na nagdurusa dahil sa kawalan ng tugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mahihirap, inaresto at dinahas pa. Dapat nating tanungin, bakit hnaggang ngayon wala pa ring ayuda sa maraming mahihirap?” diin ni KADAMAY National Chairperson Gloria ‘Bea’ Arellano.

Diniin din ng grupo na pangunahing trabaho ng pambansang pamahalaan ang pagtugon sa mga kagyat na pangangailangang pagkain, sanitasyon, serbisyong medikal at iba pang batayang pangangailangan sa gitna ng hinaharap na pandemya sa bansa.

Sa datos ng PNP mula March 17-29, 2020, 17,309 na mga indibidwal na ang naaresto dahil sa paglabag sa curfew.

Marami naman ang nakisimpatiya sa mga nagprotestang mamamayan at nanawagan sa gobyerno na pabilisin ang ayuda.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here