“Bukas makalawa makikita na nila kami na nasa kalsada, nagwewelga! Bakit? Dahil gutom na gutom na kami!”

Ganito binulalas ni Tatay Jun ang kanyang matinding gutom dahil sa nararanasan ng kanyang pamilya ngayon sa “enhanced community quarantine.”

Ayaw ni Tatay Jun magpakuha ng litrato ng mukha niya. Ang kanyang binigay na pangalan ay iyon lang ding kanyang palayaw.

Kuwento ni Tatay, ngayong araw raw ay nagtungo siya sa Barangay Hall dito sa kanilang lugar sa Sitio Tibagan, Barangay Balingasa sa Quezon City upang lumapit at manghingi ng hanapbuhay. Pinanghawakan daw kasi niya ang pangako ng Department of Labor and Employment na mabibigyan sila ng pansamanatalang trabaho upang kumite. Iyong “work from home,” maging iyon daw ay papatulan niya basta magkapera.

Isang manininda ng relo, payong, panyo, at kung anu-ano pang maaaring mailako si Tatay Jun. Kasama niya sa iisang bahay ang kanyang asawa, isang anak, at ang tatlo niya pang apo na pawang siya lamang ang inaasahan sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Bago magkaroon ng quarantine, sinabihan pa raw silang mag-imbak pero hindi niya malaman kung paano gagawin iyon ng tulad niyang wala namang sobra o ipong perang nakatabi. Madali raw ipag-utos ng gobyerno ang ganoon, o madali sa kanilang masabi iyon dahil may pera sila. Sa tulad niya ay paghihirap ang katumbas ng lockdown.

Dagdag pa niya, susunod naman talaga ang mamamayan na huwag lumabas ng bahay basta handa silang magbigay ng makakain, at pera na sasapat sa kanila. Kung wala raw ay mapipilitan talaga silang lumabas upang mapunan ang kumakalam nilang mga tiyan.

Panawagan niya rin kay Mayor Joy Belmonte na umaksyon na agad dahil nagugutom na sila. Lubos daw nilang kailangan siya ngayon.

Puna pa niya sa mga pulitiko ng bansa ay noong eleksyon daw natutunan nilang suyurin kahit ang pinakamababahong eskinita sa lugar nila, maging ang matatarik na lugar nilalakad nila. Pero ngayong may krisis, madali nang pabayaan ang mahihirap at hindi na raw sila mahagilap.

Sa ngayon, kinukuha nila ang pagkain sa relief goods na bigay ng kanilang kapitana na noong Sabado pa nila natanggap. Mauubos na ang ayudang ito.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here