#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Torino Tanding

0
337

Pangangamkam ng lupain, pag-atake sa mga lumadnong paaralan, extrajudicial killings at diskriminasyon sa mga lumad ay mga mayoryang isyung bitbit ng ating mga kapatid na Moro mula sa Socksargen na mayroong walong tribu: Dulungan Manobo, Blaan, T’boli, Tiduray, Kaolo, Bagobo at Obog, ngunit lima lamang sa mga tribu na ito ang nakasama sa Lakbayan. Katulad ng iba pang mga Lakbayani, nais din nilang ipanawagan ang mga isyu na ito sa ating presidente at upang maibahagi sa buong kalunsuran ang kanilang mga karanasan sa likod ng binabanderang ‘pagdating ng pagbabago’.

Binalikan ni Torino Tanding mula sa tribo ng Blaan ng South Cotabato ang mga rasong nagtulak sa kanya na tumungong kalunsuran.

Sakit sa ulo kung ituring nila ang mga panginoong may lupa na patuloy na kumukuha ng kanilang lupain na pinapaburan naman ng alkalde sa bayan si Mayor Reynaldo Tamayo, Jr. ng Tupi, South Cotobato. Mayor mismo ang nagpapaalis sa kanila kahit na sa katunaya’y may karapatan silang manirahan at manatili sa lupang iyon.

“Hindi kami aalis dahil dito kami ipinanganak at lupa namin ito” giit ni Tatay Torino.

Lantaran kung panigan ni mayor ang negosyanteng si Balanon na kumakamkam ng lupain ng mga Blaan, ani Tatay Torino, at nagawa pang takutin ni Mayor Tamayo sila Tatay Torino na umalis sa lupang iyon.

Ngunit dahil patuloy pa rin sila sa pagprotekta sa kanilang lupa ay biglaan na lamang silang pinasok ng mga ‘private military’ at pinagbabaril sila bandang alas tres hanggang alas kuwatro ng hapon ng Mayo 28. Sa kabutihang palad ay nakapagtago sila sa likuran ng punong niyog kaya’t walang nasaktan at napahamak. At dahil naman sa pagpasok ng mga militar na ito ay tumawag sa pulis ang kapatid ni Tatay Torino upang humingi sana ng tulong ngunit sa halip ay hinuli pa ang kapatid ni Tatay Torino, dinala sa barangay at pinilit papirmahin sa isang dokumento.

Upang pakunswelo ‘di umano ay pinalitan ni Mayor Tamayo ang lupang inagaw ni Balanon mula sa tribu nila Tatay Torino, ngunit masasabing ‘huwad’ na pagtulong lamang ito sapagkat ang ipinalit na lupa sa kanila ay pagmamay-ari pa rin ng isang haciendero at malayo naman mula sa kanayunan. Hindi pa rin matinag-tinag si Mayor at nagpadala pa ito ng isang batalyon noong Hunyo sa kampuhang itinayo nila Tatay Torino upang ipanawagan ang karapatan nila sa lupa.

Hanggang sa kasulukuyan ay hindi pa rin nila mabawi-bawi ang lupang dapat ay sa kanila.

Apat na ‘clans’ ang sakop ng 150 hectares na kinakamkam ng negosyanteng si Balanon kaya’t ganoon na lamang ang pagpupursigi nila Tatay Torino na mabawi ang lupain nila.

Bukod pa kina Mayor Tamayo at ang negosyanteng si Balanon, kabilang din ang naglalakihang plantasyon ng pinya, ang DOLE Philippines sa dambuhalang hinaharap na pasanin nila Tatay Torino patungkol sa lupa.

“Talagang nagkukuntsbahan ‘yan sina Mayor at ‘yang DOLE Philippines” ani Tatay Torino.

Kung minsan nga naman napakalupit ng lipunan—lupa na nga lang ang iyong pag-aari’t buhay ay iyong pang sa iyo’y pilit inaagaw. Pero dahil lupa ang nagpapadaloy at nagbibigkis ng kanilang kultura’t buhay, para kina Tatay Torino, ipaglalaban nilang mabuhay.

Walang makakaharang sa tribo nila Tatay Torino sa pangangalaga at pagprotekta sa lupa, kahit ilang bala pa ang pakawalan ng kalaban ay patuloy silang titindig laban sa mga lupang nangangamkam.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here