#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Diskon Serrano

0
415

Mula sa Gitnang Luzon buong loob na sumama sa Lakbayan 2017 si Diskon Serrano upang maihatid ang hinaing mula sa kanayunan tungo sa kalunsuran.

Si Diskon Serrano o Tatay Miron ay nagmula sa Tribu ng Maganchie. Matagal nang walang asawa si Tatay Miron, nagkaroon na rin ng kanya-kanyang pamilya ang kanyang mga anak. Sa ngayon dalawa na lamang sila ng kanyang isa pang anak na magkasama sa isang tahanan. Pareho silang sumama sa Lakbayan, upang tutulan ang mga nakaambang proyekto na maaaring magbunga nang pagkasira ng kanilang mga tahanan at hanap-buhay.

Nais nilang tutulan ang malawakang proyekto ng pamahalaan. Ito ang New Clark City na may tinatayang lawak na 9,500 hektarya o halos triple ng laki sa Lungsod ng Maynila. Kabilang ito sa plano ng administrasyon na, “Build, Build, Build”.

Nilalayon nitong bumuo ng panibagong Lungsod sa rehiyon nila, upang masolusyunan daw ang pagsikip ng Maynila. Isang mabulaklak na kataga pa ang iniwan hinggil dito, “First environmental friendly city in the country”.

Sa ngayon walang konkretong plano ang pamahalaan para sa katulad ni Tatay Miron. Noong taong 2015 bago simulan ang proyekto sinabing magkakaroon daw ng Aeta Village at doon patitirahin sila kasama ng iba pang tribu, na magiging sentro naman ng turismo. Kumbaga, gagamitin sila upang maipakita sa mga turista at mapagkakitaan.

Dahil nga sa may proyektong pinaplano kakambal na nito ang militarisasyon. Parang barikadang nakatayo ang mga militar sa kanilang lugar upang bantayan ang mga nais kumalaban sa plano ng gobyerno.

Kung gaano kalaki ang proyekto ganoon din kalaki ang kabalintunaang inihahayag nito. Paanong matatawag na kaibigan ito ng kalikasan kung pinaplano nitong patagin ang mga nagtataasang bundok. Paanong sa ikabubuti ito ng mamamayan kung ang mga naninirahan na doon ay paalisin at walang malilipatan?

sitio-sandugo-2

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here