Kinondena ng Makabayan Muntinlupa ang serye ng surveillance at harassment laban Myrna Dela Concepcion, kasalukuyang lider-kababaihan ng Gabriela at kandidatong konsehal sa District 1 sa ilalim ng Makabayan National Capital Region (NCR).

Noong Abril 19, nilooban ang bahay ni Dela Concepcion at tinangay ang solar flashlight at singsing ng kanyang asawa. Bago pa man ang insidente, mayroon na silang napapansing mga indibidwal na kahina-hinala ang mga kinikilos at nakapwesto sa kanto ng kanilang bahay.

Mula rito, nagsimula na ang sunud-sunod na insidente ng surveillance at pagnanakaw sa bahay ni Dela Concepion.

  • Abril 20, 9:00 ng gabi: May napansing kahina-hinalang lalaki na nakatambay sa madilim na bahagi ng bahay.
  • Abril 21, 8:00 ng gabi: Isang di-pamilyar na tindero ng balot ang namataan sa kanilang kalsada. Habang 10:00 ng gabi ay mau isang lalaking kalbo at malaki ang pangangatawan ang sumisilip sa bintana ng bahay.

Ayon sa Makabayan Muntinlupa, ang mga insidenteng ito ay sinasabing nagsimula matapos ang Opening Salvo ng lokal na kampanya noong Marso 28.

Si Dela Concepcion ay kilalang lider-kababaihan sa kanilang komunidad. Sa kasalukuyan, humaharap sa banta ng demolisyon ang kanilang lugar bunsod ng nakaambang infrastructure at development projects partikular ang Laguna Lake Roadshore Network sa Laguna de Bay. Bahagi ang kanilang komunidad sa walong barangay na apektado ng nasabing proyekto.

Mismong si Muntinlupa mayor Ruffino Biazon ang nagsabing itutulak niya ang paggawa muna ng kalsada bago ang ilan pang ecotourism development projects sa lugar. Ang naturang kalsada at magsisilbi ring alternatibong ruta sa matatamaan ng North South Commuter Railway Project.

Dagdag pa ng Makabayan Muntinlupa, hindi naiiba ang sinapit ni Dela Concepcion sa harassment na dinaranas din ng iba pang kandidato ng Makabayan.

Nitong Abril 22 ay naghain na ng reklamong election offense ang Makabayan sa COMELEC laban sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa red-tagging at malisyosong pagpapalaganap ng disimpormasyon sa social media.

“Lubhang nakababahala ang ganitong mga propaganda ng NTF-ELCAC dahil bukod sa nalalagay sa panganib ang buhay ng mga tumatakbong kandidato, sinasagkaan nila ang karapatan ng mga kandidato sa pagtakbo, ang mga demokratikong proseso na may kaugnayan sa eleksyon, at pag-talakay sa mga tunay na isyu na kinakaharap ng mamamayan sa ilalim ng bulok na sistema ng pamahalaan tulad ng mababang sahod, kawalan ng lupa at trabaho, mahal na bilihin, red-tagging, harassment, pagkawasak ng kalikasan, at iba pa,” pahayag ng Makabayan Muntinlupa.

Bukas, Abril 24, personal na ihahain ni Dela Concepcion ang kanyang reklamong election offense sa COMELEC Muntinlupa kasabay ang panawagan para tiyakin ang kaligtasan ng mga progresibong kandidato at ang integridad sa darating na halalan.

Sa kabila ng mga pagbabanta, naninindigan naman si Dela Concepcion na magpapatuloy siya bilang representante ng maralita at kababaihang sektor sa Muntinlupa.

“Walang harassment, intimidasyon, o red-tagging ang magpapaurong sa amin para isulong ang interes ng maralita at kababaihan!” ani Dela Concepcion.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here