Nagtipon sa harap ng University of the Philippines – Manila ang mga organisasyon ng kabataan sa pangunguna ng League of Filipino Students National Capital Region (LFS NCR) noong Biyernes, Mayo 26 para kundenahin ang patuloy na panghihimasok at pagtatayo ng mga base militar ng dalawang naglalakihang bansang Estados Unidos at Tsina.

“Si Bongbong Marcos kasama ang mga armadong tuta nitong Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na sila mismo ang nagiging instrumento ng imperyalismong Estados Unidos para patuloy na ilubog ang ating bansa sa kahirapan at dalhin tayo sa digmaang pandaigdig na hindi naman gusto ng mamamayan,’ ani Joel Solde, tagapagsalita ng LFS NCR.

Matatandaang isinagawa ang 38th Balikatan Exercise na tinaguriang pinakamalaking sa kasaysayan ng joint-military exercises ng sa pagitan ng EU at Pilipinas nitong nakaraang ika-11 ng Abril 2023 na natapos noong ika-28 sa kaparehong buwan. Higit 17,600 militar mula sa AFP na mayroong 5,400 na at EU na mayroong 12,200 ang kabilang sa nasabing exercises.

Samantala, nagsimula na rin noong ika-16 ng Mayo ang military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Australia na tinawag na Exercise Kasangga. Sa ilalim nito, maglulunsad ng mga pagsasanay sa 200 na sundalong Pilipino at 50 na sundalong Australian sa loob ng isang buwan.

Saad ni Solde, kasabay ang mga ito sa mga pinaplanong joint patrol ng EU, Australia, at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Sa kalagayan sa WPS, binanggit ni Solde ang nagpapatuloy na pagpapalawig ng Tsina ng kanilang mga base militar sa mga kalapit na isla nito. Katunayan, mahigit 100 warship vessels at coast guard ships ang namataang nagpapatrolya rito noong ika-18 ng Abril ayon sa Philippine Coast Guard.

Ipinanawagan din ni Solde ang pagpapalaya kina Patricia Cierva at Cedric Casaño na kapwa dinukot ng 501st Infantry Brigade sa Brgy. Gonzaga, Cagayan Cagayan Valley noong ika-16 ng Mayo ayon sa ulat ng Karapatan Cagayan Valley.

Si Cierva ay dating lider estudyante at mag-aaral ng University of the Philippines Manila. Siya rin ay naging chairperson ng Kabataan Partylist (KPL) sa mga balangay nito sa UP Manila noong 2016 at sa NCR  noong 2018.

Si Casaño naman ay naging mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines bago nanilbihan bilang coordinator ng KPL sa Isabela mula 2013 hanggang 2015. Nakilala rin si Casaño bilang tagapagtaguyod ng kampanyang “Green Platform” sa Cagayan na kumukundena sa operasyon ng black sand mining.

“Ang mga paglabag sa karapatan pantao tulad ng pagdakip kina Cierva at Casaño ay magpapatuloy lalo’t pinasisidhi ito ng panguupat ng Estados Unidos sa bansa sa pamamagitan ng mga hindi pantay na mga patakaran kasama rin itong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA),” ani Solde.

Ayon pa kay Solde, dalawang base ng EDCA ang kasalukuyang pinauunlad pa sa probinsya ng Cagayan kung saan dinakip ang dalawang aktibista. Ito ay sa kabila ng mariing pagtutol mismo ng mga naninirahan sa nasabing probinsya.

“Isang malaking hamon na makiisa sa laban ng masang api at kagaya ni Patricia Cierva ay tumungo sa mga lansangan, pabrika, maralitang lungsod at bukirin,” paghahamon ni Solde sa mga kabataan.

Aniya, mainam na maging huwaran ng mga kabataan si Cierva bilang ‘isang mabuting anak ng bayan na pinaglingkuran ang sambayanan at isinusulong ang pambansang demokrasya”.

Sa huling bahagi ng programa, naglunsad ang mga nagprotesta ng isang candle lighting vigil para makiisa sa panawagang pagpapalitaw kina Cierva at Casaño.


Isinabit din ang panawagang ito sa oblation sa UP Manila Philippine General Hospital.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here