Pinasaringan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi pagiging organisado ng isang LGU sa Metro Manila sa kanilang operasyon sa pagbabakuna. 

“Kayong mga Pilipino, huwag kayong magpaloko diyan sa mga padrama magsalita. Nakita ko nga sa Facebook, naka-bikini ang gago, tapos may isang picture na sinisilip niya ang ari niya, iyan ang gusto ninyo? Ang training parang… callboy…,” paputsada niya sa hindi pinangalanang mayor noong Agosto 10.

Nahinuha ng karamihan na ang ‘Yorme’ ng Maynila na si Isko Moreno ang pinariringgan ng pangulo sa kanyang pahayag.

Ngunit ang mas malaking tanong, may koneksyon ba ang nakaraang bikini photos ni Isko sa aksyon niya sa pandemya? At may karapatan ba si Duterteng mang-call-out sa nakaraan ng isang tao gayong mas malubha ang mga inamin na niya mismong ‘kalaswaan’? Ano ba ang saysay ng ginawang pag-ungkat sa nakaraan? 

Si Yorme at ang kanyang nakaraan

Nagmula sa isang mahirap na buhay sa Tondo, Manila si Isko “Yorme” Moreno. Ang kanyang tatay ay nagtrabaho bilang kargador, at ang kanyang nanay ang nag-aalaga sa kanilang magkakapatid. Bata pa lang ay natuto nang kumayod si Yorme tulad  ng pagbebenta ng dyaryo at bote dahil sa hirap ng kanilang buhay. Noong nagbinata ay nagtrabaho si Yorme bilang isang basurero.

Kahit na mahirap ang buhay ni  Yorme, nabiyayaan pa rin siya ng isang magandang pagkakataon sa larangan ng pag-arte. Habang nakikiramay sa burol ng kanilang kapitbahay ay kinausap siya ni Wowie Roxas na maging isang talent at lumabas sa telebisyon. Una siyang lumabas sa palabas ni German Moreno. Dumating siya sa set at nakunan lamang ang kanyang eksena matapos ang pitong oras. Ayon sa kanya, naging sulit ang kanyang mahabang paghihintay dahil bukod sa libreng pagkain at naka-aircong silid, nakuha niya rin ang unang sweldo na P1,500 na kanyang pinambili ng pagkain para sa kanyang pamilya. 

Matapos ang unang pag-arte ni Moreno ay naging sunod-sunod na ang paglabas niya sa TV shows at pelikula. Nag-awdisyon at natanggap siya sa That’s Entertainment, isang sikat na palabas noong 90’s. Dumami ang kanyang naging paglabas sa mga pelikula at ilan ay may genre na titillating movies na kung saan ay gumanap siya ng mas mature. Mula sa pag-arte, nakatulong ito upang maiahon ang kanyang pamilya mula sa hirap ng buhay. Iniwan niya ang showbiz noong 1998 nang pumasok na siya sa pulitika.

Sumabak din si Moreno ang larangan ng pulitika. Sa kanyang unang pagtakbo ay walang bilib ang mga tao sa kanya, kalimitang binato sa kanya na isang artista at high school graduate lang siya. Sinagot naman ni Moreno na alam niya na ang nararamdaman ng mga mahihirap dahil pinagdaanan niya rin ito. Nanalo siya sa mga sumunod na halalan bilang Councilor, Vice Mayor, at nito lang 2019 bilang Mayor lahat sa Lungsod ng Maynila.

Hindi maitatanggi na talagang ginawa ni Moreno ang lahat ng kanyang makakaya para umahon sa hirap ng buhay. Kayang umasenso ng isang tao sa isang marangal na trabahong walang tinatapakang karapata at pagkatao. 

Si Duterte at ang kababaihan

Kilala ang Pangulo bilang diretso at prangka sa kanyang mga talumpati, kung kaya’t madali sa kanyang makapagbitiw ng mga mura. Ang gawain niyang ito ay umani ng papuri mula sa kanyang mga taga-suporta at batikos sa kanyang mga kritiko. Maliban doon, ang pangulo rin ay mapagbitaw ng mga birong tungkol sa panggagahasa o rape jokes at mga pahayag na may pagka-misogynistic, na hindi kinagat ng publiko, lalo na sa mga kababaihan.

Bago pa maging presidente si Rodrigo Roa Duterte ay nagpatikim na ito ng kontrobersyal na rape joke noong kampanya niya para sa Halalan 2016. Matatandaan na nagbitaw ng biro tungkol sa Australyanong biktima ng gang rape sa Davao noong panahong iyon, at mayor ng Davao na si Duterte. Walang takot na binanggit ng Pangulo na “Pumasok sa isip ko, nirape nila, pinagpilahan nilang lahat ‘to. Nagalit ako, kasi ni-rape, oo isa rin yonーpero napakaganda, dapat mayor muna ang mauna,”

Umani ng batikos ang kanyang naging pahayag. Tinanong ang noo’y Presidential Spokesperson na si Ernesto Abella kung bakit nasabi ni Duterte ang mga ganoong biro tungkol sa rape, kasama na rin ang mga mapanglait na salita para sa Santo Papa at US Ambassador. Dinahilan ni Abella na parte ito ng kultura ng mga Bisaya, normal sa kanilang kulturang makapagbitiw ng ganoong mga biro dahil sila raw ay may rough humor. Maraming tumangging mga Bisaya sa naturang dahilan. 

Marami pang mga ‘birong’ baon ang pangulo. Isa na rito ang biro niya tungkol sa dami ng kaso ng rape sa kanyang baluarte sa Davao. Sinisi niya sa kagandahan ng mga kababaihan sa Davao ang pagdami ng panggagahasang nangyayari sa lugar. 

Tila ‘di makukumpleto ang araw ni Duterte ng wala siyang maibibigay na biro. Nagawa pa niyang makapagbitaw ng biro sa isang Typhoon Briefing para sa mga nasalanta. Biniro niya ang pagkamatay ng isa niyang kabaro dahil sa Covid-19 at sinabing ‘di niya nakayanan ang ‘beerus’ dahil kulang ito sa babae. Kumalat din ang bidyo noong kaarawan ng Pangulo, kung saan makikitang pabiro niyang dadakmain ang pribadong parte ng kasama niya sa bahay.

Ang pangulo ay hindi rin kumbinsido na pambabae ang kanyang pwesto dahil sa paniniwalang hindi ito kakayanin ng emosyonal na mekanismo ng kababaihan, kahit na isa ang kanyang anak na si Inday Sara sa nangunguna sa pulso ng madla para sa pagkapangulo sa Halalan 2022.

At noong 2018, nakakadismaya ngunit hindi na nakakagulat na inamin ng Pangulo na minolestya niya ang kanyang kasambahay na natutulog noong kabataan niya. Ibinahagi niya ang kanyang pangungumpisal sa isang pari tungkol sa naging sala niya sa harap ng mga taga-Kidapawan.

Gayunpaman, sa kabila ng mga misogynistic na biro’t gawain ng pangulo, kasama na ang pamomolestya niya sa kanyang kasambahay, masasabi pa rin ng kanyang tagapagsalita na si Harry Roque na si Digong ay isa sa mga tagapagtaguyod para sa kababaihan at para sa kanilang mga karapatan.

Ungkatan ng nakaraan

Kung mag-uungkatan lang din naman ng nakaraan, mukhang babalik kay Duterte ang kanyang pang-aalipusta. Hindi maitatangging nagmodelo nga si Isko nang nakabikini noon, ngunit hindi ba malala at mas nakadidiri ang moral ng isang taong nangmolestya ng inosenteng natutulog?

Ang mga rape jokes niya at misogynistic na mga pahayag ay hindi kailanma’y katawa-tawa. Ginawang katatawanan ni Duterte ang takot na nadarama ng kababaihan tuwing maglalakad mag-isa sa eskinita, ang pag-aalala nila sa kanilang pansariling kaligtasan, at lalo na ang naranasan ng mga biktima ng panggagahasa. Ngunit ang nakapanlulumo na rape jokes at pangmamaliit ni Duterte sa kababaihan ay ipinagtatanggol pa ng ilan. Malinaw na walang kinatanda ang Pangulo, na tila habang tumatanda ay tumitindi ang kabastusan at kawalang respeto. 

Idagdag pa ang napakong anim na buwan na paglutas sa problema ng droga, ang isyu ng Extra-Judicial Killing, ang pagiging tuta sa Tsina pagdating sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas, at ang walang katapusang kwarantina at ilang palpak na kilos sa pandemya, ang bikini pa rin ba ni Yorme ang siyang nakasusuka? Ang mga itinuturing na malaswang larawan pa rin ba ang nakahihiya? 

Pangulo, unahin ang pandemya

Sa gitna ng pandemyang sumisira ng kabuhayan ng maraming tao sa bansa, hindi tama na unahin ang mga ganitong isyu. Hindi dapat ang kalaswaan at pagyuyurak sa imahe ng ibang tao ang unahin sa gitna ng krisis pangkalusugan. Maling problema ang pinupuna ng Pangulo na  kahit na maraming ibang suliranin na dapat mas pagtuunan ng pansin.

Nasa ganitong tono ang tugon ni Yorme matapos ang ilang linggong pananahimik kaugnay sa usaping ito.

”Yung mga bagay na nagawa ko sa showbiz ay mga bagay na parte ng buhay ko at hindi kinubli…Imbis na busy sila sa COVID-19, natingnan nila ‘yung picture ko… kaysa ‘yung picture ng mga namamatay, picture ng nagkakasakit,” tugon niya noong Agosto 30 sa patutsada ni Duterte bagaman hanggang ngayon ay hindi pa pinangalanan ang pinatutsadahan.

Ang dapat bigyan ng pokus ng gobyerno ay ang tugon sa mas lumalalang lagay ng pandemya sa ating bansa. Una, mas mabilis ang pagdami ng mga nagkakasakit ng Delta variant. Ikalawa, maraming tao ang nangangailangan ng tulong at ayuda lalo na ngayong bumalik na naman sa ECQ at MECQ ang bansa. Ikatlo, dapat bigyang pansin rin ang isyu sa DOH at ang korapsyon na inulat ng COA. Panghuli, maghanap ng uungkating mapakikinabangan ng bansa at hindi pag-uungkat para magkaroon ng distraksyon sa realidad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here