Sa kabila ng pandemyang COVID-19 at “lockdown” na ipinataw sa maraming lugar sa Pilipinas, nanatili pa rin ang ilang gawaing pang-akademiko sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Maynila.

Marami sa mga estudyante ang nagsiuwian sa kanilang mga probinsya matapos ang anunsyong isang linggong walang pasok noong Marso dahil sa pagdami ng mga kaso ng sakit sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Joanne na estudyante mula sa College of Nursing, nagdesisyon ang kolehiyo nila na magbigay na lamang ng mga case study at ilang asynchronous activities ngunit wala pa ring anunsyo kung tuloy ba ito o hindi.  Ang mga case study ay para raw ihalili sa clinical experience sa mga ospital.

“I appreciate yung effort nila with finding the best for everyone in this situation. Pero lessons aren’t really something to be prioritized during this pandemic. Kaso wala na ngang choice. Pilit for me ang pag-aral ngayon and I admit I’m not in the best condition to study. Sabi talaga ng college sec namin never naman daw nilang kinonsider ang mass promotion,” ani Joanne.

Sa College of Arts and Sciences naman, may ilang mga propesor rin na nagbigay ng mga gawaing hindi angkop sa konteksto ng pandemya. Ang isang propesor ni Roland, isang BA Philippine Arts Student, ay nagpapapasa ng Report Handouts nila noong may mga klase pa at isang Research Paper na nangangailangan ng ilang mga interview. Lahat ng ito ay kailangan raw ipasa ng hard copy sa opisina ng propesor na iyon sa UP Manila.

Hindi naman lahat ng mga estudyante ay makakalabas upang ipadala ito sa mga courier services o maipaprint man lamang, habang mayroon din namang nasa probinsya na at mas limitado ang opsyon para maipadala ang mga asignatura sa paaralan. Hindi rin possible ang paghahanap ng interviewees lalo na at naka-lockdown pa rin ang mga estudyante. Nakaapekto rin ang lockdown sa kanyang disposisyon na tapusin ito.

Kinausap na ng klase niya ang ibang mga propesor upang maidulog na sa department ang kanilang mga hinaing. Nagsabi na ang ibang propesor na hindi naman nila kailangang gawin ang mga gawaing ito lalo na’t hindi na ito makatwiran. Tinulungan na rin sila ng Voice of the Freshies upang mailapit ito sa administrasyon ng kolehiyo.

Ayon kay Arthur, ang mga gawain na naibigay sa kanila ay problem sets o kaya naman ay mga essay na may isang taon sila para tapusin, ngunit may isa siyang klase kung saan maaaring ma-force drop ang mga estudyante kung hindi nila maipasa ang problem set.

Para sa mga estudyanteng gaya ni Emil na nagbabalak lumipat ng kampus o kurso, mas mahirap na itong gawin ngayon dahil sa naging desisyon ng Board of Regents na ipatupad ang Pass/Deferred Grading System. Natatakot siya na hindi abutin ng kanyang mga nakuhang units ang bilang na kailangan upang siya ay maka-shift lalo na at siya ay first year pa lamang. Kung maabot man niya ito, hindi rin magiging sigurado dahil sa mga adjustment sa grading system.

“Mas mahirap na rin ngayon para sa amin na kumpletuhin ang mga dokumentong kailangan dahil nga sa lockdown,” ayon sa kanya.

Dagdag pa niya, mas madali siguro ang lahat kung nagpatupad ang unibersidad ng mass promotion.

Matatandaang hindi nagpatupad ang UP ng mass promotion kahit na ikinampanya ito ng mga estudyante, kaguruan at mga kawani.

Sa halip, nagbigay ito ng mga guidelines kung saan maaari pa ring magbigay ng mga gawain. May paraan rin upang makapagsagawa ang mga guro ng mass promotion sa kanilang mga klase, ngunit ito ay dumadaan pa sa mahabang proseso kung saan kailangang humingi ang department o kolehiyo ng pahintulot na magbigay ng grading Pass/Deferred sa mga mag-aaral. Naaprubahan ang karamihan sa mga ito ng Board of Regents noong ika-21 ng Mayo.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here