Nakakabit na sa kultura ng mga Pilipino ang pagkahilig natin sa pagkain. At isa sa pinakapopular na ating pinupuntahan ay ang mga fast food chain. Tila nakaugat na sa kultura natin ang pagtangkilik sa kanilang menu, gimik at kasikatan.

 

Kulturang Fastfood, Kulturang Virus

Ang fast food ay kilala bilang isang pangkaraniwan o pangmasang pagkain. Dahil tumataas ang pangangailangan natin sa mga pagkaing naihahanda nang mabilis, kaya kaliwa’t kanan ang fast food. Dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga gastusin sa kasalukuyang pamumuhay, kaya mas tumaas ang “demand” ng mga instant pagkain.

Sa mahigit na apat na buwang kwarantina dahil sa COVID-19, lahat halos sa atin ay sabik na sabik makakain sa ating mga paboritong fast food chain.

Sa katotohanan, hindi naman talaga napigilan noong lockdown ang pagtangkilik natin sa mga ito, nawala lang ang aktwal na karanasan o danas sa pagkain ngunit ang lasa ay ganoon pa rin. Salamat sa ating magigiting na delivery services at sa pagbabagong teknolohikal na nag-ugnay sa ating mga cravings.

Ngunit, virus din na maituturing ang pagkain sa mga fast food, unti-unti nitong nilalason at sinasanay ang ating mga panlasa sa mga banyagang putahe.

Kinikitil ng fast food virus ang mga nakagisnan nating mga karinderya, turo-turo, lutong bahay, ihaw-ihaw at tusok-tusok. Kinokopya ng mga fast food ang karanasang masa at dinadala ito sa mas mataas na pagkonsumo.

 

Dis(ugnayan) sa Hapag

Mahalagang espasyo sa bawat pamilyang Pilipino, maging sa magkakaibigan at magkakatrabaho ang hapag-kainan, ito ay nagsisilbing malaking entablado sa pagtatanghal ng iba’t ibang kuwento at karanasan.

Dahil sa kinakaharap na virus, tigil muna ang ugnayan. Maraming buffet style restaurant ang nagsara, samantalang take-out pa rin sa karamihan sa mga komersyal na kainan.

Kung nanaisin mong kumain sa mga fast food, kakaibang karanasan naman ang ibibigay nila. Mula sa pagpasok sa fastfood, susundin mo ang ilang health protocols at obserbasyon sa tamang distansya. Dagdag na oras at pagpipigil sa kalam ng sikmura.

Hindi naging komportable ang karanasan ko sa pagkain sa loob ng fast food sa muling pagbubukas ng mga kainan sa nasa 30% lamang ng kapasidad nito. Hindi maitatangging iniisip ko na baka isa sa mga kumakain ay positibo sa sakit, bukod pa sa naging layo-layo ang aming pagsasalo-salo.

Tahimik naming kinain ang kinasasabikang menu. Indibidwal naming tinapos ang karanasan ng pagkain, taliwas sa nakasanayang may pagsawsaw, pag-alok, paghati, pagbudbod at marami pang ibang ritwal na ngayon ay ipinagbabawal kasama ng pagpapatupad ng physical distancing. Kumagat at ngumuya kami na tikom sa aming mga kuwento, walang ugnay—diskonek kami sa isa’t isa.

 

Diskoneksyon sa Pagkain

Tumitindi at sinasanay tayo ng pandemya na maging mag-isa, na maging indibidwalistiko sa mga gawain tulad ng seremonya sa hapag.

Hindi lamang pagkain ang natitikman sa hapag, ito’y nagsisilbi ring ugnayan lalo na sa mga personal na danas ng bawat isa. Hindi lamang sikmura ang binubusog ng mga pagkain, kundi pinapatikim din nito ang iba’t ibang lasa ng bawat karanasan. Ibang kabusugan ang naidudulot ng mga kuwentuhan habang pinagsasaluhan ang pagkain.

Sa isang gutom na bansa, sa pamilyang nais punan ang kumakalam na sikmura, isa ang pagpila sa mga ayuda ang inaasahan. Ang karanasan sa pandemya ay pagtikim sa bagong hamon ng buhay upang may maihain sa hapag ng pamilya. Nilayo tayo ng pandemya sa pinakamasasarap na karanasan at kalagayan habang kumakain.

Ang mga kuwento sa hapag ay unti-unting nawawala, tahimik nating pinagsasaluhan ang anumang makakain. Ang kalagayan ng bansa sa panahon ng krisis pangkalusugan ay maihahalintulad sa iba’t ibang lasa— may kuwento ng tamis, pait, asim at kawalang lasa. Halu-haluin man at halukayin ang mga rekados ng ating kinakain, may mga buhay na hindi maitatangging malungkot, walang pag-asa at nabaon sa kahirapan.

Sa panahon ng COVID-19 naging iba’t iba ang lasa ng ating pakikipagsalapalaran. Pilit nating itinatawid sa kumunoy ng gutom ang ating hapag. Iniwan na tayo sa bayang gutom, samantalang ang iba ay nagpapakabusog mula sa kaban ng bayan.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here