Bahagi na ng kasaysayan ang pagkakaroon ng mga effigy sa mga kilos-protesta mula pa noong administrasyong Marcos Sr., Estrada, Arroyo, Aquino III, at Duterte magpahanggang ngayon kay Marcos Jr. Subalit, ito ang unang pagkakataon na ginamit ang mga batas pangkalikasan laban sa paggamit ng effigy na maituturing na protest art sa kilos-protesta.

Agosto 23 nang maghain ng subpoena ang  Quezon City Police District (QCPD) laban kay Max Santiago, visual artist at manggagawang pangkultura, at sa tatlo pang staff ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) dahil umano sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at RA 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999 matapos sunugin ang effigy ni Marcos Jr. na tinawag na “Doble Kara” noong Hulyo para sa kilos-protesta sa ikalawang People’s State of the Nation Address.

“Magkakaroon ng chilling effect ito sa mga artista. Walang [declared] martial law pero ‘yung artist, magse-self censor kasi baka mamaya kasuhan,” ani Santiago tungkol sa posibleng epekto ng kaso sa susunod na henerasyon ng mga artista.

Sa unang araw ng preliminary investigation, nagkasa ng protesta ang mga artista at manggagawang pangkultura para ipanawagan ang pagbabasura ng isinampang kaso ng QCPD kay Santiago at tatlo pang staff ng BAYAN sa tapat ng Department of Justice – Office of the City Prosecutor noong Martes, ika-5 ng Setyembre. 

“‘Yung mensahe ng effigy, simple lang naman. Dalawang mukha ni Marcos Jr. [sa Tallano gold], ‘yung mga pangako niya na unity at pagbabago. Sa kabilang mukha ay ‘yung tunay na mukha niya na ninanakawan ang mga Pilipino at sunod-sunod na human rights violations. ‘Yun ang mensahe na tingin ng kapulisan ay disrespect,” panayam kay Santiago.

Saad ng QCPD na bagamat bahagi ng demokrasya ang mapayapang protesta, kinakailangan na gawin ito nang may paggalang sa batas at sa seguridad ng ibang indibidwal. Dagdag nila na nakasaad sa RA No. 9003 na ipinagbabawal ang pagsusunog ng solid waste sa mga open space gaya ng discarded household, commercial waste, non-hazardous institutional at industrial waste, street sweepings, construction debris, agricultural waste, at iba pang non-hazardous/non-toxic waste. 

Subalit, mula sa column na isinulat ni Santiago sa Bulatlat, isang alternative online news, ang 10-foot sized effigy ay mula sa recycled at donated na advocacy campaign materials tulad ng plywood. Sinadya rin na hindi gumamit ng rubber foam upang makaiwas sa masamang epekto nito sa kalikasan.

“Hiling ko nga na sana dumating ‘yung araw na ‘di na kailangan gumawa ng effigy kasi simbolismo lang siya ng maling nangyayari kaya kinakailangan gumawa ng ganitong mga likhang sining. Pero hangga’t wala pa, kinakailangan natin na magpahayag at bilang artist, hindi tayo dapat matakot,” pahayag ni Santiago.

Matatandaan na noong Hulyo 21, ilang araw bago ang SONA ni Marcos Jr., mahigit limang oras na inudlot at hinarang ang five-day caravan ng BAYAN Timog Katagalugan sa boundary ng Imus at Dasmariñas, Cavite dahil sa “safety concerns” na dala ng 13-foot sized “bootlickers” SONA effigy nina Marcos II-Duterte.

Anang Santiago, “Itong kaso ko, napakaliit lang nito kumpara sa dami ng aktibistang sinampahan ng kaso. ‘Yung pamilyang Marcos, gusto nila irestore ang kanilang imahe na napakabulok.”

Ayon sa KARAPATAN, mayroong 778 political prisoners sa bansa, 49 dito ay detenido mula Hulyo 2022. 

“Sa kapwa ko cultural artists, ‘yung ating ginagawa ay hindi lang for arts. Dapat maging sensitibo tayo sa kung ano ang nangyayari sa ating kapaligiran. Lumabas tayo sa ating studio. Makisangkot at makialam tayo. Dapat mabasura ‘yung kaso at kung sakali man na umabot sa korte, lalabanan natin ‘to. ‘Di tayo dapat matakot at umatras,” panawagan ni Santiago.

Naglabas din ng pahayag ang iba’t ibang grupo at organisasyon ng mga manggagawang pangkultura.

“Ang ganitong mga pag-atake ay nagpapakita lamang sa lantarang pagpapakatuta ng PNP sa pamamagitan ng pag-censor sa publiko mula sa mga paglalarawan ng kawalan ng pananagutan ng mga rehimen tulad ni Marcos Jr. sa gitna ng sosyo-ekonomikong krisis sa bansa,” saad sa kanilang pahayag.

Nakatakda naman sa Setyembre 12 naman ang susunod na preliminary case investigation.

Si Santiago ay matagal nang manggagawang pangkultura mula pa 1998. Naging bahagi rin siya ng UgatLAHI Artists Collective, editorial cartoonist sa Manila Today at Bulatlat, at BAYAN National.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here