Nagsimulang pumasok sa kumpanyang Super 8 si Daniel Cachuela noong ika-4 ng Agosto taong 2016 bilang “picker” na tumagal lang nang dalawang araw. Matapos iyon, nagtraining kaagad siya bilang assistance receiver kung saan sila ang tumatanggap ng delivery galing sa mga supplier ng kumpanya. Makaraan ang walong buwan ay na-promote naman siya bilang operator. Tumagal siya nang isang taon sa pagiging operator at naging bodegero naman. Makailang ulit siyang paiba-iba ng ginagampanang gawain sa kumpanya sa loob ng tatlong taon.

Ang Super 8 ay isang grocery warehouse chain at ang warehouse na pinagtatrabahuhan ni Daniel ay matatagpuan sa syudad ng Pasig.

Ayon kay Daniel, hindi raw biro ang palipat-lipat ng gawain sa trabaho niya. Na-demote siya sa pagiging bodegero dahil ayon sa kumpanya, sobra na raw ang mga operator. Sa pagiging bodegero niya ay mas lalong bumigat ang mga gawain. Sila rin daw kasi ang sumasalo sa ilang trabaho ng picker. Hirap daw sila dahil sa dala-dalawang trabaho at kung minsan pa ay wala nang bayad ang iba nilang overtime. Madalas din daw lumalampas ng lima hanggang anim na oras ang trabaho nila, kung kaya’t aabot sa 13 hanggang 14 oras silang nagtatrabaho na sana ay nasa walong oras lamang.

Bodegero ang huli niyang trabaho bago nila tuluyang ikasa ang welga. Kwento ni Daniel, apat na bus daw ang kumuha sa kanila at dinala sa Matapat Agency* kung saan dito sila sinabihan na tatanggalin na ang 200 manggagawa, kabilang siya. Pilit din silang pinapapirma sa papel kung saan nagsasabing tapos na ang kanilang kontrata at bibigyan na lamang sila ng pera na katumbas ng isa at kalahating buwan na sahod nila.

Pilit na nga lang daw niyang pinagkakasya ang P537.00 niyang arawang sahod para sa kanilang apat na miyembro ng pamilya. Ginagapang niya ang pag-aaral ng kanyang dalawang anak na ang isa ang ay nasa hayskul at ang isa naman ang magtatapos ng elementarya. Tiniis niya raw ang hirap sa loob ng kumpanya kahit pa kontraktwal lang siya sa loob ng ilang taong pagtatrabaho upang mabuhay sila.

Malaking tulong daw ang unyon na nabuo nila Daniel, dito raw kasi nila nalaman ang iba’t ibang karapatan nila bilang manggagawa, na sa wari niya’y pinagkait ding ipaalam sa kanila noon. Suportado rin ng kanilang pamilya ang pag-uunyon dahil maging sila ay nais nila ng maayos na kalagayan sa trabaho at sahod para sa kanya. Sa unyon din daw niya nalaman na dapat ay mayroon silang mga benepisyo na natatanggap. Sa ngayon, hindi na rin niya nais, maging ng kapwa niya mga manggagawa, na pahintulutang mapasailalim pa sila ng isang ahensya at palagi na lang silang kontrakwal. O ‘di kaya’y walang unyon, dahil ayaw nilang isang araw ay wala na silang trabaho dahil bigla na lang sila tinanggal.

Nasaksihan na rin nila ang unang tagumpay ng unyon kung saan ang 14 na sinuspinding picker ay naibalik nila sa trabaho. Tinatanaw nila ngayon ang mas marami at malaki pang tagumpay sa laban, dahil sa pamamagitan daw nito ay mabubuksan nila ang pintuan para sa iba pang manggagawa na lumaban din para sama-samang wakasan ang kontraktwalisasyon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here