Hunyo 12, ika-122 Araw ng Kalayaan sa Pilipinas ay sinalubong ng kilos protesta laban sa pagratsada na maipasa ang Anti-Terror bill. Idinaan ang protesta sa tawag na “mañanita” na ginawa sa University Avenue ng University of the Philippines Diliman, Quezon City.

Kinuha ang tawag na mañanita sa naging palusot ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang selebrasyon ng kaarawan ni National Capital Region Police Office Major Gen. Debold Sinas sa kabila ng pagbabawal sa ‘mass gathering’ dahil sa banta ng virus na COVID-19. Hindi inaresto, nakulong o natanggal sa pwesto si Sinas – kung kaya’t inaasahan na sa pagdaraos ng mañanita ay wala ring huli o kaso laban sa mga nagprotesta.

Hindi nagpatigil ang mga dumalo sa kabila ng banta ng PNP na manghuhuli at sa abiso ng Malacañang Palace na gawaing online na lang ang pagtitipon.

Kahit umulan pa, dinaluhan pa rin ito ng nasa tinatayang limang libo katao na nagpapakita ng pagtutol sa Anti-Terrorism Bill.

Ipinaliwag ni Atty. Neri Colmenares sa kanyang talumpati kung bakit tama na labanan ang panukalang batas na ito.

Sabi niya, “Tama ang paninindigan natin na labanan ito dahil ito ay kikitil sa ating karapatan, dahil ito ay bubunga ng isang lipunang na ayaw nating paglakhan ng ating mga anak, isang lipunan na grabe ang represyon kaya concern ng lahat ito, hindi ito bira sa mga aktibista lang. Ang terror bill ay bira sa mamamayan at ordinaryong Pilipinong nagpoprotesta.”

Bukod sa simpleng mga placard na bitbit, naging makulay ang kilos protesta dahil sa pagdadala ng iba’t ibang materyales at sangkap ng pagdiriwang ng kaarawan ng mga lumahok sa kilos protesta.

Natapos naman ang programa sa pag-awit ng Bayan ko.

Hunyo 9 ay ipinasa na ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala. Pirma na lang ni Duterte ang kulang para ito ay maging batas. Bago nito, 20 kongresista ang bumawi sa boto nila pabor sa panukalang batas.

Photo by Moureen Delos Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here