Habang may red carpet para kay Trump at sa iba pang world leaders sa ASEAN Summit, brutalidad naman ang sumalubong sa ordinaryong mamamayan sa kampuhan sa Liwasang Bonifacio at sa mga lakbayani mula Timog Katagalugan sa Sucat, Muntinlupa.

Ngayong araw, Nobyembre 15, marahas na binuwag ng mga pulis mula sa Manila Police District (MPD) ang hanay ng mga nagpoprotesta na nakatakdang magmartsa patungong Philippine International Convention Center (PICC) mula sa kanilang kampuhan sa Liwasang Bonifacio.

Labindalawa (12) ang iniulat na puwersahang kinaladkad, dinampot, at inaresto, siyam sa kanila ang kumpirmado nang nakilala. Kabilang dito sina William Gabriel dela Cruz ng Anakbayan; Carla Nicoyco ng Kilusang Mayo Uno; Peter John Charles Versoza ng Tambisan sa Sining Novaliches; Liloy ng PISTON; Hizeno Aquino ng Anakbayan PNU; JR Artiaga ng ACT National; Domingo Marvin ng Kilusang Mayo Uno; Nanoy Rafael ng PARA Commuters’ Network; at isang menor de edad.

Kinondena ng Tambisan sa Sining ang marahas na pag-aresto kay Versoza na nawalan ng malay matapos pukpukin ng riot shield at kaladkarin ng mga pulis. Hindi rin agad nabigyan ng paunang lunas at kinakailangang interbensyong medikal ang mga nagpoprotestang nagtamo ng mga sugat at galos kabilang si Versoza na iniimbestigahan kung nagtamo ng traumatic brain injury.

Samantala, kinumpirma rin ang malawakang pag-aresto sa buong delegasyon mula Timog Katagalugan at mga sumusuportang grupo mula Metro Manila na marahas na hinarang at ginipit ng mga pulis sa Brgy. Sucat, Muntinlupa sa ikaapat na araw ng kanilang lakbayan patungong Maynila. Kabilang din sa mga puwersahang dinampot ang tatlong mamamahayag mula sa Southern Tagalog Exposure at mga mamamahayag mula sa UPLB Perspective, The Staple, Philippine Collegian, CCC The Sentinel.

Ayon sa mga delegado, patuloy silang ginigipit ng kapulisan na nagbanta pang gumamit ng water cannon laban sa kanila.

Sa Liwasang Bonifacio, sumambulat naman ang itinapon at umaalingasaw na dumi sa loob ng kampuhan habang isinasagawa ang marahas na dispersal ng MPD.

Sa isang press conference, kinondena ng iba’t ibang progresibong grupo ang tinawag nilang overkill at brutal na operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga mamamayan sa bisperas ng ASEAN Summit.

Nanawagan din ang mga grupo sa mamamayan na suportahan at dagsain ang kampuhan upang palakasin ang nagkakaisang panawagan laban sa nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump at sa nakaambang paglagda nito sa Pax Silica Initiative. Kinondena rin nila ang patuloy na pagpapakatuta ng administrasyong Marcos Jr. sa Estados Unidos, na tinawag nilang pagtataksil at pagbebenta sa soberanya ng bansa sa pamamagitan ng pangangayupapa sa imperyalistang interes ng US.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here