Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si United States President Donald Trump para sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa Metro Manila sa Nobyembre 16–18, 2026. Ngunit sa halip na salubungin nang pagdiriwang, naghahanda ang mga progresibo at makabayang organisasyon sa malawakang pagkilos upang ipahayag ang pagtutol sa patuloy na panghihimasok at dominasyon ng Estados Unidos sa bansa.

Bitbit ang mga panawagang “Trump Out” at “Reject Pax Silica,” tinututulan ng mga mamamayan ang mga patakarang lalong magtatali sa Pilipinas sa pang-ekonomiyang interes ng US. Kabilang dito ang planong pagtatayo ng Pax Silica industrial hub sa Tarlac.

Kaugnay nito, mahalagang pakinggan ang mga awiting Pilipinong tumatalakay sa imperyalismo, panghihimasok ng dayuhan, at pandarambong sa likas na yaman. Narito ang sampung kantang dapat pakinggan at muling balikan sa pagbisita ni Trump.

Paalam, Uncle Sam – The Jerks

Ang title track ng compilation album na inilabas sa kasagsagan ng kampanya para sa pagpapalayas sa mga base militar ng US sa Pilipinas.

Binibigyang-diin ng kanta ang panganib na dulot ng presensiya ng mga base militar, na maaaring maglagay sa Pilipinas bilang target ng mga bansang kaaway ng US.

Sa gitna ng tumitinding tensiyon sa rehiyon, partikular sa pagitan ng Pilipinas at China, nararapat lamang itanong: seguridad ba ng mamamayang Pilipino ang pangunahing pinangangalagaan ng US, o ang sarili nitong estratehikong interes sa rehiyon?

Sabi nga ni Chickoy Pura: “Paalam na, paalam na sa’yo Uncle Sam / Sa inyo ka na maglaro ng baril-barilan!”

Tuta – Agaw Agimat

Totoong cute ang mga tuta, aspin man o may lahi. Ngunit kapag ginagamit ang salitang “tuta” upang ilarawan ang isang lider na sunud-sunuran sa dikta ng dayuhan, nagiging matalim itong pampulitikang insulto.

Madalas makita sa mga plakard tuwing rali ang katagang “Tuta ng Kano” bilsng pagpuna sa pangulong inuuna ang interes ng imperyalistang US kaysa sa kapakanan at soberanya ng mamamayang Pilipino. Tumpak na tumpak ang paglalarawang ito sa administrasyong Marcos Jr., na sagad-sagaring tuta ng Kano.

Sa mahabang kasaysayan ng bansa, paulit-ulit nang nagpalit ng mga pangulo, ngunit nanatiling nakatali ang Pilipinas sa Estados Unidos. Umaasa pa rin ang gobyerno sa suporta ng Washington sa gitna ng sigalot sa West Philippine Sea, sa ilusyon ng Mutual Defense Treaty, habang patuloy na ipinapatupad ang mga polisiyang pang-ekonomiyang nakasandig sa interes ng dayuhang kapital.

Pinggan – Paul Galang

Isang satirikong alegorya tungkol sa historikal na relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos ang Pinggan. Bahagi ng compilation album na Karapatang Pantao, ginagamit ng kanta ang kuwento nina Juan at Sam upang ilarawan ang di-pantay at mapagsamantalang ugnayan ng dalawang bansa.

Mahalagang balikan ang mensahe ng Pinggan: hindi tunay na pagkakaibigan ang isang relasyong ang makapangyarihan lamang ang nakikinabang habang patuloy na pinagsasamantalahan ang mahina. Hindi maituturing na patas ang ugnayan kung ang isang panig lamang ang nagdidikta ng mga tuntunin at ang kabila ang kailangang sumunod.

Pay U – Lokal Brown

Isinulat nina Ed Formoso at Joey Ayala para sa album na Ikalawang Yugto ng supergroup na Lokal Brown, tinatalakay ng Pay U ang isang mahalagang suliranin ng ekonomiya ng Pilipinas: ang pagiging import-dependent at export-oriented nito.

Sa kabila ng likas na yaman at lakas-paggawa ng bansa, nananatiling nakasandig ang malaking bahagi ng ekonomiya sa pag-aangkat ng mga yaring produkto at pagluluwas ng mga hilaw na materyales. Sa ilalim ng neoliberal na balangkas, napahihina ang kakayahan ng Pilipinas na paunlarin ang sariling industriya, palakasin ang agrikultura, at makamit ang tunay na pagsasarili sa ekonomiya.

Ngunit sa halip na paunlarin ang sariling kakayahan sa produksyon, patuloy na itinatali ang bansa sa pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya kung saan nananatiling nakikinabang ang malalaking dayuhang korporasyon.

Igpaw, Mindanao – Musikang Bayan

Tampok ang tinig ni Bayang Barrios at isinulat ni Danny Fabella, inilalahad ng Igpaw, Mindanao ang mapaminsalang epekto ng malawakang pagmimina sa mga mamamayan ng Mindanao.

Sa ngalan ng tubo, napipilitang lumikas ang mga katutubo mula sa kanilang mga lupang ninuno upang bigyang-daan ang mga dambuhalang minahan. Kaakibat ng mga proyektong ito ang pagkasira ng kagubatan at mga ilog, gayundin ang pagkitil sa kabuhayan at karapatan ng mga komunidad na matagal nang nangangalaga sa kanilang mga lupain.

Hindi lamang kalikasan ang sinisira ng malawakang pagmimina. Sa tuwing napapalayas ang mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, nawawala rin ang kanilang pinagkukunan ng pagkain, kabuhayan, at kabuuang paraan ng pamumuhay.

Kaugnay nito ang pagtutol sa mga proyektong tulad ng Pax Silica, na dapat suriin hindi lamang batay sa ipinapangakong pamumuhunan at pag-unlad, kundi lalo na sa magiging epekto nito sa lupa, kabuhayan, at karapatan ng mga katutubo at iba pang apektadong komunidad.

Base Militar – Inang Laya

Isinulat ni Edru Abraham noong huling yugto ng Batas Militar, hayagang tinututulan ng kanta ang pananatili ng mga base militar ng US sa Pilipinas.

Bagama’t isinara ang dating mga base militar noong 1991 matapos hindi pagtibayin ng Senado ang panibagong kasunduan para sa kanilang pananatili, hindi tuluyang nagwakas ang panghihimasok ng US sa bansa. Sa halip, lalo pang lumawak ang akses ng mga tropang Amerikano sa mga pasilidad militar ng Pilipinas sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Pinaaalalahanan tayo ng Base Militar na hindi dapat ipagpalit ang soberanya ng bansa sa mga pangakong seguridad na nakatali sa interes ng isang dayuhang kapangyarihan.

Para Saan, Para Kanino? – Datu’s Tribe

“Milyun-milyong tubo iniluluwas ng dayuhan / Likas na yaman ng ating bayan, sinasalanta / Ang pambansang patrimonya, para saan? Para kanino.” Kasimbigat ng tugtugan ng Datu’s Tribe ang mensahe at tanong na iniiwan ng Para Saan, Para Kanino?

Isinulat nina Ces Quimpo at Rom Dongeto para sa compilation album na RapuRapu atbp. (Taghoy ng Kalikasan), tinatalakay ng kanta ang mapaminsalang epekto ng imperyalistang pandarambong sa kalikasan at mamamayan.

Sa nalalapit na ASEAN Summit, nararapat lamang itanong kung ang mga kasunduang pang-ekonomiya at pamumuhunang maaaring isulong ng mga lider ng rehiyon ay tunay na magbibigay ng kapakinabangan sa mamamayan, o lalo lamang magbubukas sa likas na yaman ng bansa para sa dayuhang pandarambong.

Sa huli, ang mahalagang tanong ay hindi lamang kung gaano kalaking pamumuhunan ang maipapasok sa bansa, kundi kung sino ang tunay na makikinabang dito.

Ang Panginoon – Jess Santiago

Gamit ang satire, tinutuligsa ni Koyang Jess ang imperyalismong US at ang mga pinunong nagtataguyod ng digmaan at karahasan.

Tinutukoy sa awitin ang dating US President George W. Bush bilang sagisag ng kapangyarihang nagtatanghal sa sarili bilang tagapagtanggol ng demokrasya habang nagsasagawa ng mga operasyong militar na nagdudulot ng pagkawasak at kamatayan.

Swak na swak ang mensahe ng kanta para kay Trump, na umaastang panginoon sa paghahariharian nito sa mundo. Mula sa mga operasyong militar at pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng mundo hanggang sa patuloy nitong suporta sa Israel sa gitna ng malawakang pagkawasak sa Gaza, walang dudang kinakatawan ni Trump ang “patron ng gulo at giyera.”

Ballad of Balangiga – Radioactive Sago Project

Hindi maku-kumpleto ang playlist tungkol imperyalismong US nang hindi binabalikan ang madugong kasaysayan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Mula sa compilation album na Balangiga 1901, muling inaalala ng kanta ang isa sa pinakamadugong kabanata ng digmaan: ang masaker sa Balangiga, Samar, bunsod ng paghihiganti ng mga sundalong Amerikano matapos ang pag-atake ng mga mandirigmang Pilipino sa kanilang garison noong 1901. Naglunsad ang mga puwersang Kano ng malawakang operasyong militar na pumaslang sa libo-libong mamamayan, kabilang ang mga sibilyan.

Sa kabuuan, tinatayang daan-daang libo ang mga Pilipinong namatay noong digmaan dahil sa karahasan, gutom, at sakit na kaugnay ng digmaan.

Mahalagang balikan ang ganitong aral ng kasaysayan upang hindi mabura sa kolektibong alaala ang lagim ng pananakop at pagpapalaganap ng kapangyarihang Amerikano.

Get Off Our Lands – Concerned Artists of the Philippines (CAP)

“Kailangan ng soundtrack sa ating resistance. Ang Get Off Our Lands ay anthem ng anti-Pax Silica campaign,” ayon kay Edge Uyanguren, pangkalahatang kalihim ng CAP.

Tampok ang tinig ng mga Ayta sa Capas, Tarlac, ang documentary-style music video ng Get Off Our Lands ay produkto ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor at mga alagad ng sining upang ilantad ang mga posibleng mapaminsalang epekto ng Pax Silica sa mga katutubo at magsasaka—partikular sa kanilang lupa, kabuhayan, at karapatan.

Mahalaga ang ganitong kolaborasyon upang mabigyang-tinig ang mga komunidad na direktang maaapektuhan ng mga proyektong ipinapataw sa kanilang mga lupain. Ipinapakita rin nito na hindi ipinagbibili ang lupa, tubig, at kultura ng mga katutubo kapalit ng mga pangakong pamumuhunan at pag-unlad.

Dapat kuwestiyunin kung kaninong interes ang tunay na pinaglilingkuran ng Pax Silica: ang kapakanan ng mga Pilipino, o ang tubo ng mga kapitalista at pagpapalakas ng hegemonya ng US sa bansa at rehiyon.

Trump Out! Reject Pax Silica!

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here