Sa halip na ipatupad ang umiiral na NCR Wage Order No. 27 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region noong Hunyo 23, naglabas ng panibagong Wage Order No. 28 na nagbawas sa dapat sanang dagdag-sahod ng mga manggagawa mula P85 tungong P60.

Ayon sa WO 27, ang P85 na dagdag-sahod ay ilalabas sa magkahiwalay na tranche: P60 simula Hulyo 25 ng kasalukuyang taon at P25 simula Enero 20 sa susunod na taon. Mismong si Department of Labor and Employment Secretary Francis N. Tolentino ang nagsabing tinatayang 1.1 milyong minimum-wage earners ang makakabenepisyo sa naturang dagdag-sahod.

Ngunit sinuspinde naman ang pagpapatupad nito kaugnay sa temporary restraining order (TRO) at kalaunan ay writ of preliminary injunction mula sa Pasig Regional Trial Court bunsod ng mga petisyon mula sa Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders.

Readycon: Bilyon-bilyon ang proyekto, pero hinaharangan ang dagdag-sahod?

Iginigiit ng Defend Jobs Philippines na mahalagang tingnan ang lawak ng operasyon ng mga kumpanyang kumukuwestiyon sa wage increase, partikular ang Readycon Trading and Construction Corp.

Ang Readycon Trading & Construction Corp. ay isang construction company na nasa industriya mula pa noong 1988. Kabilang sa mga serbisyo nito ang asphalt paving, highway construction, ready-mix asphalt at concrete, construction materials at equipment rental. Mayroon din itong AAAA classification sa ilalim ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), ang pinakamataas na contractor category sa bansa.

Kabilang sa mga pribado nitong kliyente ang Ayala Corporation, Bell Construction, C&F Construction, I.M. Construction, Hony Trading & Construction, Red Matrix Builders, Persan Construction at Sta. Clara, bukod sa iba pa. Mayroon din itong mga concrete supply project para sa Meralco Industrial Engineering Services Corporation, Super Globe at Frankhaus International Corporation. Kabilang din sa government clients at projects nito ang mga kontrata para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Manila International Airport Authority (MIAA).

Sa mga rekord ng MIAA, nakalistang winning contractor ang Readycon para sa Rapid Exit Taxiways – Civil Works na nagkakahalaga ng P212.802 milyon; Repair and Maintenance of Asphalt Pavement na P50 milyon; Repair and Upgrading of Taxiway Hotel and Charlie na P881.415 milyon; at Repair and Overlay of Runway 06/24 – Civil Works na P540.783 milyon.

Kung pagsasamahin, nasa humigit-kumulang P1.685 bilyon ang listed contract value ng apat na proyekto.

Bukod pa, naging contractor din ang Readycon sa rehabilitation ng J.W. Diokno Boulevard na may contract amount na P185.26 milyon para sa asphalt overlay ng pangunahing kalsada noong 2024. Sa sumunod na taon naman, isang DPWH project sa Antipolo na nagkakahalaga ng P37.98 milyon ang may Readycon bid para sa installation ng safety roller barrier system sa kahabaan ng Sumulong Highway. Idineklara itong lowest calculated responsive bid at inirekomenda para sa award sa kumpanya.

Para sa DJP, hindi sapat na tingnan lamang ang labor cost bilang dagdag na gastos ng employer; anila, dapat ding suriin ang kapasidad ng mga kumpanyang nagbibigay ng serbisyo sa mga proyektong nagkakahalaga ng daan-daang milyon o bilyun-bilyong piso na magbigay ng mas mataas na sahod sa mga manggagawa.

“Kung ang isang kumpanya ay may kakayahang humawak ng mga proyektong nagkakahalaga ng daan-daang milyon at bilyun-bilyong piso…BAKIT ANG ₱60 DAGDAG-SAHOD ANG KAILANGANG ISAKRIPISYO? Hindi natin sinasabing libre ang business operations. Hindi natin sinasabing ang project value ay profit. Ang sinasabi natin: MAY GASTOS ANG PRODUKSYON. At kasama sa produksyon ang paggawa ng manggagawa,” ani DJP.

P2.1 bilyong backpay

Kung pagbabatayan ang P60 mula sa unang tranche ng WO No. 27 at ang tinatayang 1.1 milyong minimum-wage earners sa NCR, nasa humigit-kumulang P2.1 bilyon ang halaga ng dagdag-sahod na hindi pa natatanggap ng mga manggagawa batay sa tinatayang 32 araw na dapat sana itong naipatupad.

Sa kabilang banda, giit ng Defend Jobs Philippines maging ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa ang kagyat na pagbibigay ng umento sa sahod na hindi nakabinbin sa sinasabing “tranches”.

“Ang P85 dagdag-sahod sa ilalim ng Wage Order No. 27 ay hindi dapat nakabitin. Hindi ito pabor. Mas lalong hindi ito limos. Ito ay bunga ng pakikibaka ng manggagawa at dapat nang ipatupad!” pahayag ng Defend Jobs Philippines.

Nagbigay rin ng pahayag ang Kilusang Mayo Uno kay DOLE Sec. Tolentino.

“Tolentino, tubuan ka sana ng gulugod at itigil mo na ang kakasatsat – walang bond, walang, injunction, tuloy ang dagdag-sahod—ganoon kasimple. Lalo lamang hindi makakasabay ang katiting na umento sa taas ng presyo ng bilihin habang tumatagal ang proseso sa kung anu-anong naiisip ng DOLE,” saad ng grupo.

Anila, walang silbi kahit ilang Wage Order ang ilabas ng DOLE kung hindi rin naman ito ipatutupad.

“Binubulid lang ang wage increase sa walang hanggang debate sa teknikalidad ng mga ahensya, ng korte, at Kongreso habang araw-araw pinapasan ng manggagawa ang matinding krisis ng mataas na presyo ng bilihin. Garapalang niloloko ng DOLE ang mga manggagawang nagugutom, binabaha, at araw-araw nagpapakapagod para lumikha ng yaman ng bansa,” dagdag pa ng grupo.

Kinondena rin ng grupo ang administrasyong Marcos Jr. na patuloy ang pagiging tikom at “tameme” sa usapin ng umento sa sahod habang binibigyang prayoridad ang pagbenta ng likas-yaman at lakas-paggawa sa mga dayuhang mamumuhunan.

Prayoridad ni BBM: sahod at dayuhang pamumuhunan

Habang nananawagan ang mga manggagawa para sa dagdag-sahod, kasabay namang itinutulak ng administrasyong Marcos Jr. ang pag-akit ng mas maraming dayuhang kapital at pamumuhunan sa bansa.

Ngayong Setyembre 10, maglulunsad ng Luzon Economic Corridor (LEC) Investors Forum na pangununahan ng Estados Unidos, Pilipinas, at Japan at dadaluhan ng humigit-kumulang 600 international investors, industry leaders, project developers at government officials. Inaasahang tampok dito ang pagharap sa mga pribadong mamumuhunan sa mga proyektong nakapaloob sa LEC kabilang ang prayoridad sa transportasyon at logistics, enerhiya, digital connectivity at advanced manufacturing.

Ang LEC ay nag-uugnay sa Subic Bay, Clark, Manila at Batangas at itinuturing na pinakamalaking economic engine ng Pilipinas. Tinatayang 50% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ay nagmumula sa lugar na ito na nagsisilbing sentro ng manufacturing, logistics at trade.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), mayroong 21 proyektong isinasaalang-alang sa pagtataguyod ng LEC. Aabot sa trilyong piso ang halaga ng mga proyektong ito. Lima sa mga ito ang may direktang koneksyon sa NCR kabilang ang North-South Commuter Railway, Laguna Lakeshore Road Network, North Luzon East Expressway, Manila Bay–Pasig River–Laguna Lake Ferry System, at ang Subic-Clark-Manila-Batangas Railway.

“Nananawagan ang KMU sa mga manggagawang Pilipino: yanigin natin ang DOLE at si Bongbong Marcos na mga protektor ng mga kapitalista. Igiit natin ang makabuluhang dagdag-sahod sa ating mga pagawaan. Magprotesta tayo sa lansangan upang ipaglaban ang PHP1200 nakabubuhay na sahod para sa lahat. At kung patuloy tayong bubusabusin ng nagsasabwatang gubyerno at kapitalista – magwelga!” pahayag ng KMU.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here